Ang Obligasyon Ni Jinggoy

Sen. Jinggoy Estrada

Sa mga pasulpot-sulpot na reaksiyon ng mga senador tungkol sa kanilang pagkakasangkot sa pork barrel scam, mula kay Bong Revilla hanggang kay Juan Ponce Enrile, ito na yatang palusot ni Sen. Jinggoy Estrada ang pinakamalamya at hindi pinag-isipan, kung hindi man nakakainis.

Sabihin ba namang walang obligasyon ang isang senador na tulad niya para alamin kung ang isang NGO na tumatanggap ng kaniyang PDAF ay peke o totoo.

Sa isang interview ni Ryan Chua ng Channel 2, ito ang bahagi ng pahayag ni  Jinggoy:

“It is not up to the senators to determine whether an NGO is bogus or not,”

“Alangan naman na kami pa ang magsasabi na, ‘Uy, bogus ‘yan.’ How will we know?” 

Kung ganun naman pala, mahal na senador, kaninong obligasyon yun?

At teka muna, ano nga ba talaga ang obligasyon mo?

Eh, kung usapang obligasyon lang din naman tayo, itodo na natin ito!

Unang-una, bilang senador, ikaw ay miyembro ng legislative branch ng gobyerno kaya ang collective na tawag sainyo at ng mga kongresman ay legislators.

Nang huli akong tumingin sa konstitusyon, ang obligasyon ng legislator o mambabatas ay magpanukala at magpasa ng batas, hindi ang maglustay ng pera ng bayan upang magpatayo ng mga basketball court , waiting shed at sari-saring countrywide projects kuno.

Kung tutuusin, ang tunay na obligasyon ninyo sa pakikialam sa pera ng bayan ay limitado lang dapat sa plenaryo, sa pamamagitan ng pagtalakay, deliberasyon at pag-aapruba ng pambansang gastusin o national budget.

Pero dahil nga masyado kayong concerned sa kapakanan ng bayan at mamamayan, ginawa ninyong sariling kapangyarihan ito at itinago ninyo sa mga salitang Countrywide Development Fund (CDF), Priority Development Assistance Fund (PDAF) o ‘yang  p***i***ng pork barrel na ‘yan.

Ngayong napagbigyan ‘nyo na ang inyong mga sarili at binundat na ang inyong sariling kamahalan, sasabihin ‘nyo sa amin na hindi ninyo obligasyon na alamin kung aling baboy ang kumain sa itinapon niyong mga buto?

Eh kung sabihin kaya naming wala kaming obligasyong magbayad ng buwis dahil hindi rin namin alam kung sino ang masisibang nakikinabang dito, kwits na tayo?

Huwag mong sisihin sa ibang ahensiya ang pagpapabaya at kakulangan sa karapat-dapat na patutunguhan ng iyong PDAF na ipinagkatiwala ng tao saiyo. Sabihin man nating  may pagkukulang ang DA at DBM sa pagtupad sa kanilang tungkulin, hindi ka man lang ba nagkainteres na tanungin sila?

Hindi ka man lang ba nagtaka na walang nakarating na pasasalamat at imbitasyon sayo mula sa mga taong inaasahan mong nakinabang ng mga proyektong ang pondo ay nagmula naman talaga saiyo?

Hindi ba nakakapagtaka ‘yun? Walang picture-picture? Walang ribbon-cutting? Hindi yata kapani-paniwala ‘iyon lalo na sa mga pulitikong tulad ninyo na gutom sa media mileage.

Hindi ba dapat inurirat mo sila? Maliban na lang kung nagkakamutan kayo ng sarili ninyong mga likod.

Palibhasa kasi hindi nyo sariling pera kaya hindi mahalaga sainyo kung saan man napupunta iyon at kung sino ba talaga ang nakinabang.

Kung galing kaya sa sariling bulsa mo iyon?

Baka ultimong sigarilyong binili ng baranggay tanod sa lugar na binigyan mo ng proyekto hanapan mo ng resibo!

Andami ninyong mga palusot pero hindi ninyo na kami mauuto sa pagkakataong ito!

Lalabas at lalabas ang katotohanan sa isyung ito na inyong kinasasangkutan.

Maliwanag na ang tunay na obligasyon mo sa bayan ay hindi ninyo ginampanan nang naayon sa hinihingi ng batas. Bagkus ay inabuso n’yo ito at ginawang sariling gatasan ng pera ang mga salaping pinaghirapan ng mga ordinaryong empleyado, ng titser, ng magsasaka, ng OFW, ng call center agent, ng tindera sa palengke, ng saleslady, ng construction worker, ng doktor, ng nurse at maging ng mga estudyanteng bumibili ng mga gamit na pinatawan ninyo ng katakot-takot na buwis.

Ang OBLIGASYON mo ngayon ay ipaliwanag sa amin kung ano ang kaugnayan mo sa Queen Of Pork Barrel Scam na si Janet Napoles, b%#@&t!

About necessary_evil

The fact that no one understands you does not make you an artist! You can visit my website: http://retroandsoul.wordpress.com/ and my Facebook page Retro and Soul : https://www.facebook.com/retroandsoul?ref=hl
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!