Ang Munting Pangarap ni Andres Bonifacio

Ika-30 ng Nobyembre, muling ipinagdiwang ng sambayanang Pilipino ang ika-153 kaarawan ni Andrés Bonifacio y de Castro o mas kilala bilang Ama ng Rebolusyong Pilipino. Isang magiting na tagapagtanggol ng inang bayan hanggang sa kanyang kamatayan, nasaksihan ni Bonifacio ang sakit na bumabalot sa lipunang Pilipino – ang sakit na naipasa-pasa na hanggang sa kasalukuyang henerasyon.

May pagkakatulad sa buhay ni Bonifacio ang naging kapalaran ng bansang Pilipinas. Kahit anong pilit na pakikipaglaban ni Bonifacio kasama ang kanyang organisasyon na Kataastaasang Kagalanggalangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan o Katipunan, sa huli ay mismong ang organisasyong ito na kanyang nilikha ang pumigil sa kanyang pinapangarap na masilayan ang kasarinlan. Ano man ang tunay na naganap sa kanyang pagkamatay, mananatiling nakabaon sa tinubuang lupaing ito ang katotohanan.

Ngayon, kung nabubuhay kaya si Bonifacio, ano na lamang ang kanyang reaksyon sa mga kaganapan sa lipunang iniwan ng kanilang henerasyon? Ang imahen at rebulto kayang makikita sa Caloocan at Maynila ang siya ring reaksyon ni Bonifacio?

Nakibaka nga si Bonifacio laban sa mga mananakop na siyang may hawak ng pamahalaan noon, ngunit hindi niya nabatid na ang kanyang unang kaaway ang kanyang kalahi. Maaaring pumasok sa kanyang isipan na posibleng may kumalaban sa kanya makuha lamang ang kapangyarihang pamunuan ang Katipunan, ngunit hindi siya nawalan ng pag-asa sa lahing kanyang tinataglay at ipinaglalaban. Hanggang sa kanyang kamatayan, nanatili ang pag-asa ni Bonifacio sa kanyang iiwang bayan na muling mabubuo ang lahing Pilipino.

At ito na nga ang nangyari – hiwa-hiwalay, bitak-bitak, at halos magkasiraan na sa magkakaibang mga ideolohiya, paniniwala, at paninindigan hinggil sa iba’t ibang mga bagay at usapin. Walang patutunguhan ang ganitong sitwasyon ng bansa kung iisipin, ngunit hindi pa nga talaga handa ang bayang ito sa pangakong tinataglay ng kasarinlan at kalayaan.

Kung may isang pagkakamali man si Bonifacio sa kanyang buong buhay, iyon ay ang pagsuway sa habilin ni Gat Jose Rizal sa kanya – ang ipagpaliban ang planong pag-aalsa laban sa mga Kastila. Hindi natin masisisi si Bonifacio sa ganitong pag-iisip, dahil batid ko ang kagustuhan niyang makawala sa kadenang itinali ng mga dayuhan sa pag-iisip at katawan ng mga Pilipino. Pagkakamali ito ng isang taong sinuportahan ng mas maraming Pilipino sapagkat nababalot sila ng pag-asang makuha ang inaasam na kalayaan. Maaaring pagkakamali nga ito, ngunit ang pagkakamaling ito ang nagluklok sa kanya upang maging isang bayani – bayaning gagawin ang lahat maihatid lamang ang nakabubuti sa mga Pilipino, bayaning ginamit ang pagkakamali upang maitama ang lahat ng pagkukulang, at bayaning inialay ang kanyang sariling buhay mapatunayan lamang sa mga dayuhan na hindi napapako sa iba ang puso at isipan ng mga Pilipino.

Ngayon sa kanyang kaarawan, muli nating isabuhay ang katapangang ipinakita ni Bonifacio sa ating bayan sa kahit ano pa mang suliranin na ikinakaharap ng bayang ito. Sa huli, ang magbuklod-buklod ang sambayanang Pilipino ang siyang munting pangarap ni Bonifacio na kung maaari ay isakatuparan ng mga Pilipino sa darating na mga panahon.

About ChristianAutor

DLSU-M | ID 113| AB-PHM Isang estudyante na may layuning makapaglahad ng saloobin ng mga ordinaryong Pilipino sa lahat ng bagay na nangyayari sa mundo. Viva La Republica Filipina!
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!