Ang mito ng ‘acid rain’

Una kong narinig ang acid rain sa mga kaklase ko sa grade school na sina Ruff at Jalou. Di pa uso ang Internet noon, at panahon pa ‘yun nina Angelou de Leon at Bobby Andrews.

May library sa school pero National Geographic at Guiness Book of World Records lang ang laman; hindi ko alam kung may episode ang “Sineskwela” noon tungkol dito. Sa pagkakaintindi ko, ang acid ay harmful sa balat, isang bagay na isasaboy mo sa taong kinaiinggitan mo kung gusto mong manira ng buhay.

Ito ang dahilan kung bakit hindi ako naliligo sa ulan. Paniniwala ko noon na acid rain ang sanhi ng ketong. Kung iisipin kasi, walang pinagkaiba ang mga may leprosy at iyong nalate makalabas sa nasusunog na bahay. Tuklap ang balat, nauupos ang mga daliri, nalalaglag ang anit — dahil ‘yan sa kaliligo nila sa ulan.

Lagi kong binabalaan ang nanay ko noon na huwag lalabas ng bahay kapag naulan. “Masusunog ka, Ma!” Ang nakakatakot, sabi nina Ruff eh ang tubig sa acid rain daw ay walang pinagkaiba sa karaniwang ulan. Hindi kulay green gaya nung lumalabas sa bibig nung alien sa Alien vs. Predator. Hindi kulay ihing muriatic acid na nakalagay sa plastic na bote. Pero ba’t gano’n, kung nakakasunog ang acid, bat di nasusunog ang plastic na bote ng muriatic acid?

Atsaka bakit may sulfur soap (salicylic acid)? Bakit may citric acid? It’s a crazy planet. Tanda ko noon nang sumakit ang tiyan ng tita ko sabi ng nanay ko sa kanya eh “Acid, acid ‘yan.” Si tita? Uminom ng muriatic? Hindi ko na alam.

Sabi ng maka-Diyos ko na lola ay ang acid rain daw ay ihi ni Moises. Parusa daw ito sa mga kasalanan ng sanlibutan. Kung anumang anyong tubig ay nag-eevaporate at bumabagsak sa lupa sa pamamagitan ng pag-ulan, kasama kaya ang luha at ihi ng tao doon? Nakakatuyo ng utak. Nag-eevaporate kaya ang utak kaya minsan napupunta sa alapaap?

Sabagay, acid din ang ihi ni Moises. Pero ‘di naman nakakasunog ang ihi. Ah, ‘di ba nangingisay ang mga artista sa TV kapag sinasabuyan ng muriatic acid? Ganun din siguro ang reaksyon mo kapag nasabuyan ka ng ihi. May point si lola. At kung totoo man iyan ay sabi ng lola ko ay kaloob daw ng Diyos ang lahat. Nalalapit na daw kasi ang gunaw. At dapat daw akong magpakabait at huwag umihi kung saan saan.

About Vernon Velasco

The reason I carry a handkerchief is that I am meant to save a lady's day.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!