Ang mga Táong Makikitid ang Utak: Malas Maging Asawa o Katrabaho

(Photo Credit: Jcallius.deviantart)
(Photo Credit: Jcallius.deviantart)

MARAMI ang mga táong makikitid ang utak na dahil sa kitid ng kanilang utak, hindi nila káyang unawain ang mga sumusunod:

1. Ang mundo ay napakalaki.

2. Iba’t ibang bagay ang nangyayari sa mundo.

3. Bawat tao, lahi, at bansa ay nagkakamali.

4. Walang tao, lahi, at bansa na perpekto.

5. At walang tao, lahi, o bansa ang may karapatan na laitin ang pagkakamali ng ibang tao, lahi, o bansa, dahil ang bawat tao, lahi, at bansa ay nagkakamali at hindi nga perpekto.

Ang mga nabanggit na bagay ay hindi maunawaan ng mga táong makikitid ang utak; kayâ, ang nasa isip nila ay ang mga Pilipino lámang ang lahi na nagkakamali o ang may pinakamarami nang pagkakamali sa buong mundo. At dahil ganoon, para sa kanila, iba raw táyong mga Pilipino, wala raw táyong katulad, wala raw tatalo sa atin, pinagtatawanan daw táyo ng buong mundo, at may karapatan na raw ang ibang lahi at bansa na lait-laitin táyo.

Malas maging asawa o katrabaho ang mga táong ganyan. Pero bago natin alamin kung bakit, kilalanin muna natin sila. Makikilala sila sa pamamagitan ng kanilang mga reaksiyon sa mga isyung nangyayari sa ating paligid. Tunghayan ang ilang isyu.

Isyu ng hindi pagtanggap ng pagkatalo. Ang futbol ang pinakasikat na isports sa buong mundo. Subalit isa rin itong sukatan sa ugali ng tao na hindi marunong tumanggap ng pagkatalo.

Noong Abril 1985 sa Inglatera, sa laban ng mga koponang Birmingham at Leeds, sinunog ng mga tagasuporta ng Leeds ang ilang bahagi ng istadyum, nagpukol ng mga bato sa mga tagasuporta ng kabilâng panig, at pinagsisira ang mga upuan. Isang 14-na-táong-gulang na lalaki ang namatay matapos mabagsakan ng pader.

Sa laban ng kampeonato ng Football Cup ng Europa noong ika-29 ng Mayo 1985, sa Bruselas, Belhika, 39 na tao ang napatay matapos mag-asaran at magsagupaan ang mga tagahanga ng mga naglalabang koponang Liverpool at Juventus.

Noong ika-15 ng Abril 1989, sa Sheffield, Inglatera, 96 na tao ang napatay, dahil sa kantiyawan at sagupaan ng mga tagasuporta ng mga naglalabang koponang Liverpool at Nottingham Forest.

Noong ika-15 ng Pebrero 1995, sa Dublin, Irlanda, 50 tao ang nasugatan matapos magsagupaan ang mga tagahanga ng mga naglalabang bansang Inglatera at Irlanda.

Noong ika-16 ng Oktubre 1996, sa Guatemala, Guatemala, 78 tao ang namatay matapos magsagupaan sa istadyum ang mga tagasuporta ng mga bansang Guatemala at Costa Rica na naglalaban para makasali sa World Cup sa 1998.

Noong unang araw ng Pebrero 2012 sa Porto Said, Ehipto, 74 na tao ang napatay matapos magwala ang mga tagasuporta ng koponang Al-Masry dahil tinato ito ng dayong koponang Al-Ahly.

Kung nangyayari sa Pilipinas ang hindi pagtanggap ng pagkatalo, kahit idinadaan lang iyon sa salitaan at walang nasasaktan, ang sasabihin kaagad ng mga táong makikitid ang ulo ay:

“Only the Philippines!”

“Iba talaga ang Pilipino!”

“Walang katulad ang Pilipino!”

“Walang tatalo sa Pilipino!”

“No. 1 na táyo sa buong mundo pagdating sa di pagtanggap ng pagkatalo!”

“Pinagtatawanan na táyo ng buong mundo!”

Isyu ng plagiarismo. Noong 1998, ang Escoces na historyador na si Alastair R. Binns ay sinipa mula sa pagiging propesor nito sa Unibersidad ng Witwatersrand sa Timog Aprika, dahil natuklasan na ang maraming nilalaman ng mga aklat niya ay kinopya niya sa mga aklat ng iba. Maging ang kanyang tesis doktoral ay kinopya rin mula sa iba; kayâ’t tinanggalan siya ng Ph.D.

Noong 2003, ang pisisistang si Prop. B. S. Rajput ay nagbitiw mula sa pagiging Bise Tsanselor ng Pamantasang Kumaon sa India matapos mapatunayang nagkasala rin siya ng plagiarismo sa isa niyang papel.

Noong Abril 2006, ang maraming bahagi ng nobelang How Opal Mehta Got Kissed, Got Wild and Got a Life ng tin-edyer na Amerikanang-Indiang si Kaavya Viswathan ay natagpuang kinopya mula sa mga nobelang Sloppy Firsts (2001) at Second Helpings (2003) ng Amerikanang puti na si Megan McCafferty. Binawi ng pabliser ang mga kopya ng nobela ni Viswathan sa mga tindahan, at hindi na muling inilimbag ang naturang nobela.

Noong unang araw ng Marso 2011, napilitang magbitiw mula sa pagiging Ministro ng Tanggulan ng Alemanya si Karl-Theodor zu Guttenberg, dahil nabuking na ang disertasyon niya noong 2006 ay hinalaw mula sa mahigit 130 akda ng iba. Binawi rin ng Unibersidad ng Bayreuth ang doktorado ni zu Guttenberg.

Noong ika-2 ng Abril 2012, napilitan ding magbitiw mula naman sa pagiging pangulo ng Hungria si Pál Schmitt matapos mapatunayan na ang 180 sa 215 pahina ng kanyang tesis doktoral noong 1992 ay kinopya nang letra por letra mula sa manuskritong Analyse du programme olympique ng mananaliksik na Bulgariano na si Nikolay Georgiev.

Kung may nangyayaring isyu ng plagiarismo sa Pilipinas, ang sasabihin kaagad ng mga táong makikitid ang ulo ay:

“Only the Philippines!”

“Iba talaga ang Pilipino!”

“Walang katulad ang Pilipino!”

“Walang tatalo sa Pilipino!”

“No. 1 na táyo sa buong mundo pagdating sa plagiarismo!”

“Pinagtatawanan na táyo ng buong mundo!”

Isyu ng korapsiyon. Sa Estados Unidos, ang mga krimeng puting-kolyar ay umaabot mula US$300 hanggang $660 bilyon taon-taon.

Sa Rieno Unido, ang mga panlilinlang at mga ilegal na transaksiyon sa pananalapi ay umaabot sa £73 billion (US$110 bilyon) at £48 bilyon (US$72 bilyon), ayon sa pagkakasunod, o sa kabuuang £121 bilyon (US$182 bilyon) taon-taon.

Noong 2009, sa Italya, ang mga krimeng ginawa ng mga mafia ay umabot sa €135 bilyon (US$189 bilyon) ang benta at €78 bilyon (US$109 bilyon) ang tubò.

Sa Swisa, ang mga krimeng puting-kolyar ay nagkakahalaga ng aabot sa SFr8 bilyon (US$9.4 bilyon) bawat taon. Sa Alemanya naman, ang mga ganitong krimen ay nagdudulot ng pagkalugi na umaabot sa mahigit €6 bilyon (US$8.6 bilyon) taon-taon.

Ang ilan sa mga pigurang ito ng korapsiyon sa ibang bansa ay higit na malaki kaysa pambansang ekonomiya at pambansang badyet ng Pilipinas noong 2010 na umabot sa PhP10 trilyon (US$216.1 bilyon) at PhP1.645 trilyon (US$32 bilyon), ayon sa pagkakasunod.

Tuwing may isyu ng korapsiyon sa Pilipinas, ang sasabihin kaagad ng mga táong makikitid ang ulo ay:

“Only the Philippines!”

“Iba talaga ang Pilipino!”

“Walang katulad ang Pilipino!”

“Walang tatalo sa Pilipino!”

“No. 1 na táyo sa buong mundo pagdating sa korapsiyon!”

“Pinagtatawanan na táyo ng buong mundo!”

Isyu ng krimen. Kahit saan panig ng mundo, may mga nangyayaring pagnanakaw, panloloob, pagpatay, at iba pang krimen. At ang kalahati ng mga krimen ay hindi naiuulat. Sa Estados Unidos nga, mula 2006 hanggang 2010, tináyang 52% ng mga bayolenteng krimen (may average na 3,382,200 bawat taon) ay hindi naiulat sa mga otoridad. Ang mga sumusunod ay ang sampung bansa na may pinakamaraming naiulat na krimen noong 2009:

1. Estados Unidos—11,877,218 krimen

2. Rieno Unido (UK)—6,523,706

3. Alemanya—6,507,394

4. Pransiya—3,771,850

5. Rusya—2,952,370

6. Hapon—2,853,739

7. Timog Afrika—2,683,849

8. Canada—2,516,918

9. Italya—2,231,550

10. India—1,764,630

Kung sa Pilipinas nangyayari ang mga krimen, ang sasabihin kaagad ng mga táong makikitid ang ulo ay:

“Only the Philippines!”

“Iba talaga ang Pilipino!”

“Walang katulad ang Pilipino!”

“Walang tatalo sa Pilipino!”

“No. 1 na táyo sa buong mundo pagdating sa krimen!”

“Pinagtatawanan na táyo ng buong mundo!”

Isyu ng masaker. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig (1939-45), ipinapatay ni Adolf Hitler ang mahigit 6 na milyong Hudyo. Sa dating Unyong Sobyet, ipinapatay ni Josef Stalin ang mahigit 6 na milyong kababayan noong 1932-39. Gayundin ang ginawa ni Mao Tse-tung ng Tsina—minasaker ang 78 milyong kababayan niya noong 1958-70, at ni Pol Pot ng Cambodia, noong 1975-79—1.7 milyong kababayan ang ipinapatay din.

Sa Pilipinas, tuwing may nagaganap na masaker, gaya ng Maguindanao Masaker noong ika-23 ng Nobyembre 2009, kung saan 43 tao ang napatay, ang sasabihin kaagad ng mga táong makikitid ang ulo ay:

“Only the Philippines!”

“Iba talaga ang Pilipino!”

“Walang katulad ang Pilipino!”

“Walang tatalo sa Pilipino!”

“No. 1 na táyo sa buong mundo pagdating sa mga masaker!”

“Pinagtatawanan na táyo ng buong mundo!”

Ang mga iyan din ang mga reaksiyon ng mga táong makikitid ang ulo sa iba pang isyu, gaya ng mga isyu ng alitan, siraan, talangkaan, tsismisan, sugal, pekeng produkto, at gaya-gaya.

Pinupuri ang Ibang Lahi, Nilalait ang Sariling Lahi. Ang mga táong makikitid ang ulo ay madalas ding purihin ang mabubuting gawa ng ibang bansa at laitin ang mga pagkakamali ng mga Pilipino. Hindi nila káyang isipin na ang bawat tao, lahi, at bansa ay may kanya-kanyang kadakilaan, kabutihan, kabaitan, kahinaan, pagkukulang, kasiraan, at kahihiyan. Bakit? Makitid kasi ang ulo.

Halimbawa, ang ilang kasiraan ng ating bansa ay ang maruruming kalsada, mga paglabag sa mga batas trapiko, at di-wastong pagtatapon ng basura. Dahil sa mga kasiraang ito, para sa mga táong makikitid ang ulo, ang Pilipinas ay isang walang saysay o ang pinakawalang saysay nang bansa sa mundo. Hindi nila káyang isipin na ang ibang bansa ay may mga kahinaan, pagkukulang, kasiraan, at kahihiyan din. Sino ba ang mga bansa na nangunguna sa mundo pagdating na sa paramihan ng mga krimen, kinukurakot na salapi, at kità mula sa mafia at iba pang ilegal na transaksiyon?

Kung may mga kasiraan sa ating bansa, hindi nangangahulugan iyan na walang saysay na táyong mga Pilipino, dahil bawat bansa nga ay may kanya-kanyang kahinaan, kakulangan, kasiraan, at kahihiyan.

Mahiyain. Gawain din ng mga táong makikitid ang ulo ang pagiging mahiyain sa ibang lahi at bansa sa tuwing may mga pagkakamaling nagagawa táyong mga Pilipino.

Tama ba naman ito? Ano ba ang karapatan ng ibang lahi at bansa na pagtawanan ang mga pagkakamali nating mga Pilipino kung sila mismo ay may mga pagkakamali rin at masahol pa nga ang mga pagkakamali? Hindi ko naman sinasabing porke may mga krimen at iba pang kawalanghiyaan sa ibang bansa, sige, ang gawin natin dito sa Pilipinas ay magsiraan, magsipagnakaw, at magpatayan na táyong lahat. Ang gawin natin ay itama ang mga mali, ituwid ang mga baluktot, parusahan ang mga dapat parusahan, ikulong ang mga dapat ikulong, itayugod ang mabuti, purihin ang mga dapat purihin, parangalan ang mga dapat parangalan, at lagi táyong magsumikap na maging matitinong mamamayan.

Pero kung lagi na lámang táyong mahihiya sa ibang bansa sa tuwing magkakamali táyo, gayong nagkakamali rin naman ang ibang bansa, at masahol pa nga ang mga pagkakamali nila, aba’y kakitiran na lang ng ulo iyan.

Malas Kasama. Malas kasama sa búhay ang isang táong makitid ang ulo, dahil wala nang gagawin iyan kundi ang laitin ang lahi niya, na siya ring lahi ng kanyang mga magulang, iba pang mahal sa búhay, kaibigan, at mga kababayan. Pagdating na sa ibang larangan ng búhay, gaya ng pagpapamilya, ganyan din ang gagawin niya dahil sa kakitiran ng kanyang utak.

Ang kakitiran ng ulo ang isa sa mga dahilan kung bakit maraming mag-asawa ang naghihiwalay. Malimit pansinin ng isang tao ang mga mali ng kanyang asawa, sa halip na purihin ang mabubuting nagagawa nito. Wala rin siyang kakayahan na unawain ang anumang kahinaan at pagkukulang nito. Bakit? Makitid kasi ang ulo.

Ang kakitiran ng ulo ay isa ring dahilan kung bakit maraming pamilya ang hindi makaahon mula sa karukhaan. Hindi maunawa ng isang tao na kailangan niyang paghandaan ang kapakanan at kinabukasan ng kanyang mga anak. Sa halip, basta lámang siyang mag-aasawa at gagawa ng mga anak, at lulustayin lámang niya ang kanyang kità sa mga bisyo o kapritso. Bakit? Makitid kasi ang ulo.

Kayâ, kung nais ninyong maging masaya ang inyong búhay may-asawa at búhay may-pamilya balang araw, ngayon pa lámang ay iwasan na ninyo ang mga táong mahilig magsasasabi ng mga ganito:

“Only the Philippines!”

“Iba talaga ang Pilipino!”

“Walang katulad ang Pilipino!”

“Walang tatalo sa Pilipino!”

“No. 1 na táyo sa buong mundo pagdating sa ganito’t ganoon!”

“Pinagtatawanan na táyo ng buong mundo!”

Malas na lámang ninyo kung ang mga táong kasama sa trabaho ninyo ngayon ay may ganyan ding mga pananaw, dahil wala ring gagawin ang mga iyan kundi ang hanapan kayo ng mali, sa halip na kilalanin at parangalan ang pagsusumikap, pagtitiyaga, at pagpupunyagi ninyo sa trabaho. Bakit? Makitid kasi ang ulo e. Magtiis na lang kayo.

Talasanggunian

Allen, Matthew, “White collar crime ‘certain to rise,’” Hunyo 16, 2011, http://www.swissinfo.ch/eng/business/White_collar_crime_certain_to_rise.html?cid=30470372.

Friedrichs, David O. (2009), Trusted Criminals: White Collar Crime In Contemporary Society, (4 ed.), Wadsworth Publishing, p. 50, sinipi sina Kane and Wall, 2006, p. 5; sinipi sa http://en.wikipedia.org/wiki/White-collar_crime.

http://en.wikipedia.org/wiki/Genocides_in_history.

http://en.wikipedia.org/wiki/List_of_plagiarism_incidents.

http://soccerlens.com/football-violence-worst-football-riots/23093/.

https://www.cia.gov/library/publications/the-world-factbook/geos/rp.html#Econ.

http://www.dw.de/dw/article/0,,2830229,00.html.

http://www.graphs.net/201206/countries-highest-crime-report.html.

http://www.gov.ph/2010/08/24/president-aquinos-2011-budget-message/.

http://www.ndtv.com/article/world/74-dead-in-worst-soccer-violence-in-egypt-172494.

http://www.reuters.com/article/2010/01/27/italy-mafia-profits-idUSLDE60Q17720100127.

http://www.scaruffi.com/politics/dictat.html.

The National Fraud Authority, Annual Fraud Indicator (AFI) Report (2012); Money Laundering Bulletin, June 2011, sinipi sa http://www.transparency.org.uk/corruption/statistics-and-quotes/uk-corruption.

“Victimizations Not Reported to the Police, 2006-2010,” National Crime Victimization Survey, Special Report, August 2012, U.S. Department of Justice, Office of Justice Programs, Bureau of Justice Statistics.