Ang Lihim Sa Loob Ng CR ( True Story )

(PhotoCredit: google/comfort room)
(PhotoCredit: google/comfort room)

Gabi na pala; hindi ko na naman namalayan ang oras.

Umakyat na ako sa ika-apat na palapag ng Townhouse Unit kung saan kami nakatira.  Ang ibaba at hanggang 2nd Floor kasi ay opisina.  Ang 3rd Floor naman ay kitchen at bodega.

Tatlo lamang kaming mag-iina na nakatira dito, nasa malayo kasi si hubby at iisang room lamang ang ginagamit namin.  Wala pa naman si Hubby kaya hindi ko muna pinalipat sa kanilang room ang aming dalawang anak.

Tulog na ang dalawa kong anak nang binuksan ko ang pinto.  Ibinaba ko lamang ang aking mga gamit at diretso na akong pumasok sa CR; para naman  sa aking panggabing seremonyas. Nakatuwaan ko nang maglagay ng facial mask. Tanging mga butas ng mata, ilong at lips ang walang kulapol na makapal na kulay puti. Mas matindi pa sa espasol ang itsura ng mukha ko..

Kailangang ibabad ng 15 minutes kaya naglinis muna ako ng CR, ini-0ff ko ang ilaw sa CR dahil maliwanag naman ang ilaw sa labas at kita ko naman ang nililinis ko.

Kapag nakatalikod ako sa pinto ng CR at nakaharap sa salamin, madilim ang mukha na makikita ko, salungat kasi ako sa ilaw.  Nawili ako na magkuskos ng tiles nang bigla akong nakaramdam ng pananayo ng aking mga balahibo. Pakiramdam ko, mayroon na naman akong kakaibang kasama nang mga oras na iyon sa loob ng room.  Pakiramdam ko nakatingin lamang ito sa akin, kaya hindi ako lumilingon sa likod ko.  Takot ako na baka sa aking paglingon ay mayroon akong makikita na kakaibang nilalang ( may 3rd eye kasi ako).

Hindi talaga ako lumingon. Sige lang ako ng linis. Binabalewala ko ang aking nararamdaman, ngunit talagang kakaiba na at nangangapal na ang aking mukha at lumalaki ang ulo ko sa pakiramdam ko.  Pinagpawisan na ako nang mainit at malapot. Natapos na akong mag- iskoba ng tiles sa lapag at babanlawan ko na ito ng tubig.  Inuna ko ang toilet bowl at sumunod ang lababo, idineretso ko na ang aking katawan; tumayo na ako sa position na kung saan nakatuwad ako sa pag-iiskoba kanina.

Pagtayo ko, hindi sinasadya ay napatingin ako sa salamin dahil nasa tapat din ito ng lababo at nakaharap sa akin. Nakita ko! Isang puting-puti na mukha at bilog ang mga mata na maitim pati labi. Ang bilis ng pangyayari at hindi ko alam kung ano ang tunog ng aking pagsigaw.  O baka ang totoo eh hindi talaga ako sumigaw kasi hindi naman nagising ang aking dalawang anak.  Basta ang alam ko, sumigaw ako at kung paano ako nakatakbo palabas ng CR at ng kwarto ko, iyon ay hindi ko na alam.

Nakarating ako ng 2nd floor at nakatakbo galing sa 4th floor. Halos mamatay ako sa hingal at nangatog ang aking mga buto.  Hindi ko alam pero parang napaihi din yata ako noong panahon na iyon.  Pakiramdam ko ay nalaglag ang aking puso sa dating kinalalagyan nito,  Napatigil ako at napa-upo sa hagdan.  Bakit nga ba ako natakot, eh ‘di ba sanay na ako sa mga ganitong pangyayari?

Nang mahimashimasan ako….naisip ko bigla, Shit!.Ako pala iyong nakita ko! Sariling mukha ko nga pala iyong maputi na mukhang multo na nakita ko sa salamin sa loob ng CR.  Naalala ko na makapal nga pala ang pagkalagay ko. Dahil sa kapal at ang naiwan lamang na walang puti ay ang aking mga mata at labi.
Mabuti na lang wala akong sakit sa puso at kung hindi ay baka natodas na ako dahil sa aking kagagawan rin.

Lesson? Huwag kalilimutan na may nakakulapol pala na semento sa ating mukha at baka matulad din kayo sa akin.  Ang masaklap, baka ikamatay pa ninyo ito kapag sa inyong pagtakbo eh nahulog o nadapa kayo at nabagok,  O ‘di kaya ay maysakit ka sa puso at bigla ka na lang atakihin.  O maaari din na pati ang iyong mga kasama ay napatakbo rin dahil sa takot.

Happy Halloween!

Do NOT follow this link or you will be banned from the site!