Ang Liham Ko sa Aking Pasyente

mama kapit talagaMahal kong Mama Fatmah,

“Tatlong taon na tayong magkasama, tatlong taon na din akong nag-aalaga sa ’yo. Sa unang araw ko sa bahay ng anak mo, nakita kitang nakahiga sa isang improvised wheelchair na nakatakip ang iyong buong katawan, mukha mo lang ang aking nakikita. Bulag ka raw nang mahigit labinlimang taon ayon sa anak mong doktor.

Ina-assess kita sa aking isip. Sabi ko sa aking sarili na ”malamang hindi na ito maabutan ng dalawang buwan sa aking kalinga,” dahil ang tingin ko sa iyo ay napakahina mo na. Totally bedridden ka na, may sakit kang Alzheimers at Parkinson’s na nagpapawala sa iyong memorya sa edad mong walumpu’t-anim na taong gulang noon.  

Lagi ka na lang nakahiga sa iyong kama, kung nais pumunta sa sala, ilalagay ka sa silyang de-gulong, ubos-lakas talaga ang ginagawa kong pagbuhat sa ’yo dahil ang bigat mo sa timbang na walumpong kilo noon. Sa pagdaan ng mga araw, nalalaman ko na ang iyong ugali.  Mahilig kang manigaw, minsan pa nga kapag pinakakain kita, iniluluwa mo ang pagkain.  Minsan pa’y idinudura mo talaga sa aking mukha. Aba! akala mo matatamaan mo ako? Bulag ka kaya, Mama at ako’y nakakakita sa iyong ginagawa, siyempre!   Ako ay iiwas nang matamaan.

May mga panahong grabe ka kung magtantrums.  Naiisip ko tuloy na umuwi na lang sa aming bayan, kahit wala akong perang dala.  Ai g hirap mo kasing patahanin. Hindi ko alam ang aking gagawin. Tinatawag ko ang iyong anak dahil siya naman talaga ang lubos na nakakakilala sa iyo at sa ugali mo. Minsan pa nga ako ay umiiyak na lang sa isang silyang nakaharap sa kama mo. Umaagos ang aking mga luha; dahil sa awa sa’yo at awa ko sa aking sarili.

Sa bawat buwan na magkasama tayo, unti-unti ko nang nasasakyan ang iyong ugali.  Alam ko na ang mga ayaw mo. Alam ko na ang gusto mong kainin. Nagiging palagay na rin ang iyong kalooban sa akin at ganun din ako sa ’yo.

May mga gabing  sumisigaw ka;  hindi ko alam kung ikaw ay nananaginip o ito’y iyong sinasadya para lang makakuha ka ng pansin sa iyong mga anak. Mama, ako lamang ang nakaririnig sa ’yo. Hindi mo na kailangang sumigaw dahil alam ko ang iyong nararamdaman. Ramdam ko rin ang sakit na iyong pinagdaraanan.

Mama, hindi mo ba alam na sa bawat pagsigaw mo, pabalibag na isinasarado ng iyong manugang ang pintuan sa sala para hindi nila marinig ng mga anak nila ang iyong ingay? Iniuutos sa aking isarado ko raw mabuti ang ating pintuan sa kuwarto at mga bintana para walang lumusot na boses mo?

Ang mga damit mo, Mama, na aking nilalabhan ay may ibang washing machine na para sa ’yo lamang talaga; animo’y mayroon kang nakahahawang sakit na takot silang mahawa sa’ yo.   Alam mo ba na noong isinampay ko sa lubid na sampayan ang iyong mga damit ay sinita ako ng iyong manugang dahil hindi puwedeng isampay ang mga damit mo roon? At pinapunasan pa talaga ng bimpo na naibabad sa mainit na tubig sa Indo. Nanggagalaiti talaga ang aking isipan.

Kada paglabas natin sa kuwarto tuwing ikaw ay aking paliliguan ay kailangang nakasarado ang lahat ng puwedeng malusutan ng hangin para hindi ka nila maamoy. At kung tayo ay nakapasok na sa palikuran, pasusundan agad ng spray ang bahay para mawala ang amoy na iyong naiwan sa iyong pagdaan nang ilang segundo.

Alam mo ba nang makita ko iyon? Tumulo ang luha ko dahil ako’y naawa sa ’yo. Naiinis ako kay Madam dahil plastic ang ugaling ipinakikita niya sa ’yo. Pumupunta lang yan sa kuwarto natin at bibisita sa ’yo kunwari tuwing may mga bisita kang mga kamag-anak mo na pupunta sa bahay para bisitahin ka. Saka lang  papasok sa kuwarto ang iyong manugang. Pati mga apo mo ay nahawa na rin sa kaplastikan ng kanilang Ina.

Ang iyong anak na Doktor lang ang tanging bumibisita sa ’yo araw-araw. Kung hindi man siya makapunta sa ating kuarto, tumatawag siya para lang kausapin ka sa telepono.

Bakit ang mga anak mong babae, sa tuwing bibisita sa iyo’y pagchi-chismisan lang ang ginagawa sa ating kuwarto? Hindi ka man lang nila mabigyan ng kung ano ang kinakain nila. Tatawagin pa talaga ako para ako ang magsubo sa ’yo. Nasaan ang kanilang sinasabing mahal ka nila? Bakit hindi nila maiparamdam sa ’yo kahit sa ganoong bagay man lang?

Mama, noong ako ay magsabi sa ’yong magbabakasyon noong nakaraan taon, grabe ang atungal mo; ayaw mo akong payagan, pero nangako naman akong ika’y aking babalikan. Saka ka lang huminahon. Hindi ko alam kung bakit ka napamahal sa akin. Sinabi ko na naman na sana’y maabutan pa kita sa aking pagbabalik.

Isang taon na naman ang matulin na lumipas.  Hindi ko nga alam kung paano mabilis na natatapos ang isang araw na lagi tayong magkasama.  Lagi lang akong nakatunganga sa ’yo, lagi akong nasa kuwarto natin, kung lalabas man ako’y kakain lang nang labinlimang minuto o ‘di kaya’y akin na lamang dadalhin ang aking pagkain sa ating kuwarto.

Sa tuwing ako ay maliligo o gagamit ng palikuran, saka ka lang naiiwan. Minsan naman kasi, Mama, pinupuntahan ako ng aking Uncle at Auntie para mamasyal din kasi masyado na akong naboboring sa loob ng ating kuwarto. Pero may nagbabantay sa ’yo, si indo.  Pinasasalubungan ko lagi yun bilang pasasalamat na binantayan ka niya habang wala ako.

Ngayon, Mama, lumalala na ang iyong sakit, may kaunting sugat ka na sa iyong  puwetan na nililinis ko at ginagamot lagi. Sa bawat umagang tayo ay gigising at ikaw ay aking lilinisan at sa bawat paghugot ko ng iyong diaper na puno ng magkahalong tae at ihi mo, halos ako ay masuka sa sangsang ng amoy nito.  Maluha-luha ang aking mata sa pinipigilan kong pagsuka.  Ako’y masyadong naaawa sa iyo.

Alam mo ba, Mama, ‘wag kang magagalit ha, kasi pag hinuhugasan kita sa banyo, lagi kong na lang iniisip na Riyal ang aking nakikita. Hahahhaha! Pero, Mama, ang Riyal na suweldo sa akin ng iyong mga anak ay hindi mapapantayan ng aking pag-aaruga sa ’yo. Ang pagmamahal na inialay ko, hindi lahat ay  nababayaran ng pera.

Ay! teka nga pala, may napapansin akong bago mong style, Mama. Sa tuwing ikaw ay aking sinusubuan ng iyong pagkaing nakablenderized, ito’y iyo namang nilulunok. Pero kung gamot na ang isusubo ko kasama ang pagkain sa kutsara, nararamdaman mo talaga ang gamot at ito’y iyong iniluluwa. Kung alam mo namang nand’yan pa ako at may isusunod pang isusubo sa ’yo, inilalagay mo sa gilid ng iyong bibig ang gamot at saka mo ito iluluwa. Kasi napansin ko nang ikaw ay aking bibihisan, may nakita akong gamot na akala ko ay nilulon mo na. Iyon pala’y iyong iniluwa at inipit sa iyong unan. Clever ka ha! Dahil din sa iyong sakit na Parkinson, may involuntary movement na ang iyong mga muscle;s ang pagkain mong isinusubo ko sa iyo ay minsan ay napupunta sa ilong at minsan sa mata pa nga dahil hindi ko rin makontrol kung saan ang iyong ulo papunta. Hahahaha! Ang ending nating dalawa, maliligo ka ulit dahil napakadungis mo.

Kapag alam mo nang ako’y nagagalit, pilit mong kinakapa ang aking mga braso at dadalhin mo ang aking mga kamay sa iyong bibig at hahalikan ito. Sasabihin mong ikaw ay nagjo-joke lang. Hanggang tayo ay magtawanan na. Lagi mo ring sinasabing ipinagdarasal mo ako at ang aking pamilya na sana sila ay nasa mabuting kalagayan lagi; na sana’y hindi ako magkasakit habang ako’y nandito sa inyo dahil walang mag-aalaga sa iyo at sa akin din. Kay buti mo, Mama!

Kapag alam mong may problema ako at naririnig mo ang aking singhot at hikbi, tinatanong mo ako kung anong problema ko. Kung pera ba? Alam ko namang wala kang perang hawak at itinatago dahil iyon ay nasa pangangalaga ni Doktor . Pero kung sasabihin kong may kailangang pera ang aking pamilya, hindi sinasabing wala. Binibigyan mo ako ng pag-asa. Sinasabi mong ikaw ang magsasabi kay Doktor na kailangan ko ng pera. Hehehe! Nakatutuwa ka minsan, Mama!

Noong nakaraang buwan, sinabi ko sa iyong anak na doktor na ako’y nagpaplanong umuwi na, for good na. Aba!   Nag-iba ang ihip ng hangin ni Dok, sinabi ba naman na puwede raw akong umuwi nang taon-taon, kesehodang gumastos kayo ng aking pamasahe na nakabisnis klas. Basta hindi lang daw kita tuluyang iiwan habang ikaw ay humihinga pa dahil alam naman daw niya ang aking nararamdamang kaboringan sa loob ng bahay n’yo.

Hindi pa ako makapagdesisyon, Mama, kasi kailangan ko ring harapin ang aking sariling buhay, ang aming buhay ni Jik na asawa ko. Gusto ko ring magkaanak mentras puwede pa. Ako’y masyadong nagdadalawang isip dito sa aking magiging desisyon.

Kaninang umaga, kahit hindi pa ako nakapagdedesisyon kung babalik ba ako o hindi, sumubok akong magpaalam sa ’yo na ako’y uuwi na.  Hindi ko akalaing yayakapin mo ako nang ubod nang higpit. Halos ayaw mo na akong bitawan. Umiiyak kang sinabi mong mahal mo ako. Ayaw mo akong mawala sa iyong piling habang ikaw ay nabubuhay.”

Mama, mahal na mahal din naman kita ah! Kaso hindi ko pa alam. Ako’y masyadong nalilito sa ngayon.

Nagmamahal mong Nars, kadama, kaagapay…

Adelle

About Mary Adelleine J.Esic

I write to please myself...out of passion.