Ang Kabilang Mukha ng Nag-aabroad sa Middle East

Inset image by lowriderscollective
(Photo Credit: lowriderscollective)
(Photo Credit: lowriderscollective)

Nakainom ka na ba ng rubbing alcohol na hinalo sa cough syrup at pinagsaluhan pa ninyong magkakabarkada habang kayo ay nagkakasayahan?

Nakasubok ka na rin bang manigarilyo na istilo ng mga Nepalese na kung saan dudurugin nang husto sa palad ang tabako na may halo ng apog ay kahit hindi naghugas ng kamay ay pinapaikot at sabay ilalagay sa isang parte ng bibig at walang gagawin kung hindi dumura lang nang dumura hanggang mangawit na ang ngala-ngala mo?

Naranasan mo na rin na tumaya sa lottery na utang muna bago bayad? At kahit matalo ay obligado kang magbayad tuwing akinse at katapusan. O magpapa-ending base sa huling dalawang numero ng lottery at mga laptop, tablet at mga slr na camera ang kadalasang premyo? Minsan ay dollars at ginto? Kung ikaw naman ay nagigipit ay puwede kang umutang sa tindahan dito. Mayroon ding mga load na 10% ang patong at pautangan ng pera na umaabot sa 20% interest kada buwan sa mga Nepalese.

Siyempre, doon naman sa mga malalakas ang loob, mayroong mga iligal na alak(sadike). At doon sa mga mahihilig sa babae, pagtanungan lamang daw ang mga taxi driver sa bayan ay alam na nila kung saan kayo dadalhin na karamihan din ay mga kababayan ang nag-aalok ng serbisyo. Doon naman sa mga ayaw ng panandaliang ligaya ay puwedeng magkaroon ng asawa-asawahan na siyempre ikaw ang gagastos sa kanilang pangangailangan kapalit ng ligaya at pakiramdam ng may nagmamahal kunwari sa iyo hanggang makauwi sa Pilipinas. May asawa o wala, hindi na inaalam dahil parehong naghahanap ng kalinga dito.

Ito ang kabilang mukha ng mga taong nakipagsapalaran sa bansa ng Saudi.  Alam naman na maraming bawal rito at ito na lang ang bansang hindi yumayakap sa makabagong pag-iisip. Maliban sa mga pulis ay mayroon din silang holy pulis o mga taong nanghuhuli sa mga taong naliligaw ng  landas sa moralidad. Kapag ito ang nakahuli sa iyo, hindi lamang kulong ang aabutin mo, may latigo pa sa likod mo at kung mamalasin ay mapupugutan ka ng ulo o puputulan ka ng kamay.

Ilan na ba ang nabilanggo dito?

Alam naman nila na maraming bawal, pero ayaw makinig o sumunod sa patakaran ng bansang ating pinaglilingkuran. Sisisihin pa ang gobyerno kapag hindi agad natulungan kahit ang mali ay nasa tao.

Kamakailan lamang ay may nabalitaan akong dalawang Pilipino na namatay dahil sa utang sa sugal. Nung hindi makapagbayad ay pinatay niya tapos ay bumalik siya sa kuwarto niya at  nagpatiwakal din. May dalawa naman na nahulihan ng kanilang kompanya na may bitbit na shabu at wala pang 24 oras ay pinabalik agad sa Pilipinas para hindi na mahuli at maparusahan ng kamatayan ang mga taong ito.

Ang lahat ng ito ay maiiwasan kapag alam mo sa iyong isip at puso na ang dahilan ng iyong pangingibang-bansa ay ang bigyan ng magandang kinabukasan ang pamilya mo at maging ligtas ka sa ano mang kapahamakan sakaling ikaw ay bumalik na sa ating bansa.

Ikaw, anong balak mo dito sa ibang bansa?

About da_professor

Masasabi kong ako ay jack of all trades, master of nothing. Simula noong bata ako ay marami na akong nasalihan at nainvolved na activities..choir, theater, cubs scout, boys scout; senior scout. Karate, taekwando, arnis. Sali sa legion of Mary, block rosary , youth organization, sumasali sa mga tournament ng basketball, volleyball, bowling, tennis, chess, pingpong at kung ano ano pa. Hanggang ako ay nagkatrabaho, nagkapamilya ay nawala na ang mga aktibidades ko. Ang hindi lang nawala sa akin ay ang hilig ko sa pagsusulat. Siguro bunsod na rin ito ng hilig ko magbasa at magobserba ng mga bagay bagay kung kaya ang aking creative juices ay buhay na buhay pa. Sa kasalukuyan ay nasa gitnang silangan ako na araw araw ay nakikihalubilo sa mga manggagawa dito para siguraduhin ang kanilang kapakanan (human resource) Biniyayaan ako ng limang anak at isa na lang ang nagaaral sa kolehiyo.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!