Ang Dalaginding (A Family Blog Serye)

dalagindingSa ilalim ng puno

Umupo ako sa lilim ng  isang antigong puno sa UP Los Banos. Magsusulat sana ako ng aking sanaysay para sa isa kong asignatura. Tahimik at maaliwalas ang napili kong lugar; walang tao maliban sa akin.

Pilit kong binubuo sa aking isip ang aking gagawing paglalahad, ngunit ang samyo ng kapaligiran at banayad na dampi ng hangin sa aking balat ay tila nanghahalina na ito’y aking namnamin. Huminga ako nang malalim at dahan-dahang napatingin sa kalangitan.

“Kay ganda ng ulap!” ang nasabi ko sa sarili.  “Picture perfect.”

Dali-dali kong kinuha ang cellphone sa aking bag at kinuhanan ng litrato ang tila mga paslit na hugis sa kalangitan.

Napakaganda,”  nausal ko.

Naalala ko ang masiglang tunog ng tawanan ng mga bata sa plaza sa Calamba tuwing Linggo; kung saan kami’y namamasyal pagkatapos magsimba.Kasama ang aming ina at mga kasambahay, kaming magkakapatid ay naglalakad sa plaza at doon ay nagkakatuwaang maglaro habang ang mga nakatatanda ay nagsisikain ng ginisang mani, tsitsaron o kaya’y mais habang nagkukuwentuhan.

Isang simpleng salu-salo ng isang tipikal na pamilya sa isang simpleng araw sa isang simpleng lugar, oo. Ngunit hindi simple ang saya na aming nadarama noon ah. Matinding kasiyahan!  Tama! Ang habulan namin sa plaza, ang paglalaro ng ‘pick and jump’, ang tuksuhan at harutang nadala namin hanggang sa aming paglaki — lahat iyon ay may iniwang masasayang alaala at malalim na samahan sa aming magkakapatid.

 Ayan!  Namiss ko tuloy ang aking mga kuyang makukulit.  ^_^

 

Sa labas ng kampus

Pagkatapos maisulat ang aking sanaysay, naghanda na akong maglakad palabas ng campus grounds. Nakaramdam na kasi ako ng gutom. Maraming nakakainan doon; tiyak na naroroon na ang ilan kong mga kaklase at mga kaibigan. Nagmadali na akong maglakad papunta sa Sulyaw.

Blag!

up gate

May naghahabulang nakabangga sa akin. Bagama’t nasaktan ako nang bahagya, hindi naman ako nagalit dahil nakita kong mga batang lalaki lang pala ang mga iyon at tila hindi naman nag-aaway. Nag-aagawan lang pala sa kapirasong tinapay na siguro’y ibinigay ng isang mag-aaral na kumakain habang naglalakad.

Regular nang tanawin ang mga batang paslit na nanghihingi ng pera o kaya’y nakikiambus sa iyong kinakain o iniinom habang naglalakad ka. Mahihiya ka nang kumagat sa iyong hawak na donut,  tinapay o banana cue kapag nakita mo ang isang batang nakatitig sa iyong kakagating pagkain.  Wala ring patawad sa juice o softdrinks na iyong iniinom.  Ikaw pa ang makikiusap na “teka naman, patatlong lagok muna!” ^_^

Bagama’t naudlot ang sana’y pampabusog na meriendang iniraos na lamang habang naglalakad, ang pumalit nama’y kabusugang ispirituwal na sa munti mong sakripisyo ay nagkalaman ang sikmura ng isang batang gusgusin, at dalawa naman kung may karay-karay itong kapatid dahil tiyak na maghahatian ang mga iyon.  Mabubusog ka na sa ngiting makikita mo sa kanilang mukha.

Kaya lang, hindi maiwaksi sa isipan ang katanungang: ‘Nasaan na kaya ang mga magulang ng mga batang ito at hinahayaan nilang manghingi ng limos ang kanilang mga anak?

Hindi ko napigilang mag-isip na mapalad pa rin ako, kami ng aking mga kapatid; hindi hinayaan ng aming ina na kami ay makaranas ng ganoon bagama’t may mga panahon rin namang matinding paghihigpit ng sinturon ang aming kinailangang gawin upang hindi mapatigil sa pag-aaral  ang sino man sa amin.

May biglang kumalabit sa aking siko na aking ikinagulat.  Biglang pihit ako at tumambad sa aking paningin ang isang batang babae na medyo marusing at nanghihingi ng barya.    

“Wala akong barya, neng,” ang sabi ko sa kanya. Iyun kasi ang nakalakhan kong laging sinasabi ng aking nanay sa mga nanghihingi ng limos, lalo na’t tila mukhang malakas pa naman at malusog ang nanghihingi ng limos. Ang katwiran niya, lalo mong itinutulak na maging pulubi ang isang nanghihingi. Hindi na iyan magsisikap o magtatrabaho.  Kapag bata naman ang nanghihingi ng limos, kadalasan ay ayaw na nitong mag-aral sapagkat kaya na nitong kumita ng pera sa panghihingi o kaya’y sa pagpupunas ng mga sapatos (at paa, oo, paa nga) ng mga pasahero sa jeep.

“Sige na, ate, kahit dalawang piso lang,” muling pang-aagaw ng atensyon ng batang babae (ayaw ko siyang tawaging pulubi).

Hala, wala nga akong dalawang piso, ‘neng,” sagot ko sa kanya.  Pero sa isip ko’y batid kong tila may limang piso akong buo sa aking bulsa ng pantalon. Sinubukan kong magtanong sa kanya kung may maisusukli ba siyang tatlong piso sa aking limang piso.

“Akin na lang ‘yung limang piso mo, ‘te.”

3 pesos

Wehhh!  Huwag na lang.  Hahatian na nga lang sana kita eh, kakaunti rin lang ang pera ko…” at nagsimula na akong tumalikod.

“O, eto na, ‘te, ang tatlong piso.  Akin na po ang lima.”      

Hindi ako nakalusot!  Mahirap din talaga ang mayroong pusong mamon sa matalas na bagets. Hahaha

(Itutuloy)

—-

Ang Dalaginding 

Ito ay base sa mga tunay na pangyayari sa buhay ng isang pangkaraniwang anak at isang pangkaraniwang magulang na pinagbuklod ng hindi pangkaraniwang pagmamahalan. Ang layunin ng may akda ay magbigay ng isang pananaw na mas maganda at payapa ang buhay kung may malalim na pagpapahalaga ang bawat isa sa ginagampanang role sa pamilya.

About Mommyjoyce

Isang simpleng nanay na adik magbasa, adik magsulat at adik sa anak! Idol ko si Mother Theresa, kaboses ako dati ni Ate Shawie Cuneta (joke); maawain sa mga madudungis, siga sa mga taong nang-aapi, at lifecoach sa mga kabataan at mga magulang na walang ibang makausap, Ang simpleng motto ko in life: Cherish everyday (not just because it could be my last); kundi kasi, bukas iba na naman ang flavor ng buhay! Kaya namnaming maigi!
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!