“Ang Dalaginding” 3 (A Family Blog Serye)

Our ELBI home
Our ELBI home

‘Home away from home’

Click! Ang tunog ng seradura ng pintong nabuksan ng aking susi ay nakakikiliti pa rin; as in — may kakaibang damdamin ang dala ng pagsasarili; independence. My home away from home. Para itong testing ground ng iyong kakayahang makapamuhay nang malayo sa pamilya. Matututunan mo ang umasa sa iyong sarili; walang magluluto para sa iyo, maglilinis, magpaplantsa o maglalaba.

“Hello, housemate!“ ang bati ko sa isa sa anim kong ka-housemate. Iyun ang aming tawagan kapag dumarating na. Sa loob ng ilang semestre naming pagsasama-sama, natutunan naming sumakay sa pagkakaiba ng bawat isa sa kabila ng kaunting gusot sa ilan noong kami’y bago pa lamang sa aming apartment. Hindi siguro talaga maiiwasan na mayroong mas close, may hindi gaanong close at may super duper close. Basta ako, iginagalang ko ang bawat kasama ko at inaasahan ko rin ang kanilang paggalang.

My personal space
Having your personal space gives a wonderful feeling

Well, nobody’s perfect naman, at ang katwiran ko’y may kanya-kanyang pinagdaraanan lahat ng tao sa iba’t ibang panahon kaya huwag umasa na laging smooth sailing ang buhay. Basta’t ang mahalaga ay huwag magkakasakitan ng kalooban at sikaping huwag maging pabigat sa kapwa mo housemate. Sa ayaw mo’t sa gusto, mahalin mo na lang ang mga kasama mo, hahaha. Mahal kasi ang umupa nang solo, at baka mamaya ay may mumu pa.  Boom!

lb 3

Ngunit, seriously speaking, masarap din ang makaranas ng pagbukod dahil dito ay masusubukan mo ang lahat ng iyong kakayahan — na makisama, magmalasakit, magtiis (kapag short sa budget), maglinis at maglaba (kapag walang pampa-laundry) at …. mangutang! Oo, mangutang nga. Ibababa mo ang pride mo kapag bukas ay wala ka nang pangkain; kundi ay magtitiis kang magutom bago ka makatanggap ng saklolong padala ni Nanay (o tatay — whoever  (^_^)

lb 4

Mahirap din kasi ang maging mayabang; dapat mapagpakumbaba ka lang lagi dahil sa ilang punto sa ating buhay ay makararanas din tayo ng problema ah. No man is an island eh. At kung daragdagan mo ng humor at pagiging mapagmalasakit, uulanin ka pa ng pasalubong at treats. May birthday surprise pa sa iyo ang iyong sweet housemates KUNG masarap kang kasama sa buhay. Malamang, apat na birthday ang aabutan mo sa dorm! #happiness

bday 2
Happy bithdays talaga!!!

Home away from home nga eh, kaya dapat maramdaman mong may pamilya ka na rin, ‘di ba? ‘Yan ang samahang mahirap malimutan; ‘yung nagturingan kayong magkakapatid, magkakapamilya; nagse-share kayo ng buhay ng isa’t isa, natututo sa inyong mga pinagdaraanan, nagkakatulungan sa mga problema (at mga thesis at reports na madugo arghh); hiraman ng payong, ng aklat, at malamang, iyakang umaatikabo kapag oras na ng graduation. Wahhh! Ayaw ko pa tuloy maka-graduate!

“Tara, housemates! Treat ko kayo ng kwek-kwek. Nakaraket ako nang maganda sa tutorial ko eh!” Bigla tuloy akong naging galante, hahaha. Napamahal na pala sa akin ang mga bungangera kong housemates; as in, same feathers, flock together ba? hahaha

Sa biyaheng pauwi

Sa pagdating ng Biyernes, eto na ang pakiramdang excited nang makauwi. Yahoo! Matitikman na naman ang masarap na luto ni Nanay. Magiging anak na naman akong muli at magiging bunso sa piling nilang lahat. Parang naririnig ko na ang ingay ng aking tatlong kuya.

“Bitchoooooooo!” sasalubong ng pang-aasar si Kuyang panganay.

“Kakayyy!” ang malambing naman na tawag ni Kuyang pangalawa; nakahanda na ang dalawang brasong yayapos sa akin nang mahigpit sabay halik sa aking buhok.

“Kakayeeeeee!” ang nakatutulig at pabulabog namang pag-entra na kuya kong pangatlo; sasabayan pa ng panggugulo ng napakaganda kong long hair, huhuhu. Magmimistula itong kinalahig ng manok, kaya’t gaganti naman ako ng panggugulo rin sa kanyang buhok. Akala niya siya lang ang marunong niyan!!! Rambulan naaaaa!!!

Hayyy! Lalo tuloy akong na-homesick. Ang nakaiinis lang, parang napakabagal ng oras tuwing Biyernes. Bakit kaya? Parang nababagalan din ako sa pagsasalita ngayon ng aming mga guro.

‘Dalian n’yo na po,’ ang sabi ng aking isip. ‘Uwing-uwi na po ako; tatlong linggo akong hindi nakauwi dahil sa dami ng kinailangang gawin at tapusin para sa finals. Huhuhu.’

“Buzzzzzzz….!” Ayan na nga! Makauuwi na ako!

Bigla akong nagkaroon ng pakpak sa mga paa. Madali akong nakabalik sa aming apartment upang kunin ang nakahanda ko nang gamit sa pagbiyahe. Naroon na ang iba kong housemates at masiglang paalamanan na. Palitan na ng ‘ingat ka sa pag-uwi ha. God bless you!’

Nang nakasakay na ako sa bus biyaheng pa-Alabang, umusal na ako ng pasasalamat at madali akong nakasakay. Sinabayan ko na ng panalangin ng paghingi ng pangangalaga at kaligtasan sa aming pagbibiyahe. Pilit kong ipapahinga ang aking katawan at baka sakaling makaidlip. Ngunit kadalasan ay naglalaway na ako sa sopas na creamy ni Nanay o kaya’y sinigang na napakasarap at napakaasim. Hindi ko maiwasang isipin na makakatabi ko siyang muli sa pagtulog. Muli akong magiging bata sa kanyang haplos at yakap. Magkukuwentuhan na naman kami hanggang sa makatulog o kaya’y manonood ng pelikula sa Cinema one.

At siyempre, magkukulitan na naman kami ng aking mga kapatid sa loob ng dalawang araw. Manlilibre si Kuyang panganay ng ice cream o pizza dahil, siyempre, kumpleto kami at naroon ang nag-iisang prinsesang maganda eh. Hahaha

Naku… naputol ang aking masayang pagmumuni-muni. May sumakay na batang babae na tila nasa edad sampu o dose. Marami siyang burloloy sa buhok at may mga supot na hawak. Naaninag ko ang ilang tinapay at biskuwit. May saging at ponkan rin. Tumayo siya sa gitna at nagsalita. Ganito, humigit-kumulang, ang kanyang sinabi:

“Magandang hapon sa inyong lahat. Ako si Marissa, nakikiusap sa inyo ngayon na sana ay abutan ninyo ako ng tulong sa abot ng inyong makakaya at bukal sa inyong kalooban. Naisip kong gawin ito kaysa ako ay magnakaw dahil masama iyon. May mga magulang pa naman ako, pero wala silang trabaho at hirap silang pakainin kaming lahat ng aking mga kapatid. Anim po kami at walang nag-aaral sa amin. Anuman po ang inyong maibibigay ay taus-puso kong pinasasalamatan. Kahit po barya lang o kaya’y pagkain upang hindi na ako mapilitang magnakaw o gumawa ng masama. Marami pong salamat.”

Namangha naman ako sa husay niyang magsalita nang tuloy-tuloy; mukhang memoryado na niya ito dahil para lang siyang tumutula. Naisip kong baka ito ngayon ang raket ng mga sindikatong nag-aalaga ng mga bata dahil hindi na pumatok ang ‘sobre epek’ na siyang naging palasak na gawain ng mga umaakyat na bata sa mga bus o dyip.

Sa isang banda, naisip ko rin ‘paano kung sadyang matapat na paglalahad ang ginawa ng bata?’ Ibinigay ko na lamang ang biskuwit na akin sanang kakainin sa biyahe. Mabuti na rin siguro ‘yung pagkain kaysa pera.

Pagkatanggap niya ay nagsabi siyang ‘God bless you, Ate.’ Napangiti na lang ako. Ganito o  ^__^

Ang hirap na rin namang maging maunawain at maawain ngayon dahil sa dami ng mga manloloko at abusado. Mas pinipili ng nanay kong sumali kami sa mga gawaing pangkomunidad, sa mga feeding mission at ala-kariton klasrum ni Kuya Efren Penaflorida. Sigurado kasing mga nangangailangan ang naroon at hindi sindikato.

Grabe! Na-imagine ko tuloy bigla; paano kung ako ang batang iyun? Hay naku… Napakarami ko talagang ipinagpapasalamat sa Ama nating lahat. Ang suwerte ko talaga sa kabila ng maraming taon din naming pagtitiis sa kakaunti.

Nakaranas kami ng pangungutang sa bumbay, sa lending, sa kung saan-saan, makapagpatuloy lamang kami ng pag-aaral. Lahat kami ay nakaranas mapatigil sa iba-ibang panahon, nagsalo sa abang pagkain, nagsihanap ng puwedeng mapagtrabahuhan upang mapagtulung-tulungan namin ang aming mga suliranin sa pananalapi. Sa wakas, nakatapos si Kuyang panganay at tumulong siya kay Nanay.

Natatapos din pala ang mauulap na kalagayan, basta’t mananatiling matapang at nagdadamayan ang buong pamilya kahit na wala ang haligi ng tahanan.

Napakatapang kasi ni Nanay; napakasipag, matiyaga, mahaba ang pasensiya at laging positibo ang pananaw at mga sinasabi. Nakahahawang katatagan! Kaya naman nadala naming lahat ang kanyang ipinakitang halimbawa. Kaya naman labis-labis namin siyang minamahal. Hinubog at inihanda niya kami sa magandang kinabukasan. Kampante akong lahat kami ay magkakaroon ng mabuting buhay sa gabay ng Nanay at ng aming pinananaligang Diyos.

Dumating na sa Alabang ang bus namin at isa ako sa nagmamadaling makababa. Pauwi na ako! Malapit na!!! Ang saya-saya! ^_^

——————-

Home Sweet Home

Nagsalitan ang ngiti at luha sa kanyang pisngi.

Akala niya’y asignatura ng kanyang anak ang kanyang nabasa sa kuwadernong napulot niya sa sahig sa gilid ng kama ng kanyang dalaginding na mahimbing na nakatulog. Marahil ay nagsusulat ito at nakatulugan ang ginagawa; tangan pa rin kasi nito ang panulat na bolpen at padapang nakahiga.

Hinaplos-haplos niya nang napakarahan ang buhok ng kanyang dalaginding habang patuloy na namamalisbis ang luha ng kaligayahan sa kanyang mga pisngi.

Tila pelikulang naglaro sa kanyang kamalayan ang pagdating nito sa kanyang buhay hanggang sa paglaki nito ngayon. Masipag itong magsabi ng “Love you, Nay,” gaya ng kanyang mga kuya ngunit sa iba-ibang paraan. Dangan nga lamang at sa kauna-unahang pagkakataon ay tila nabigyan siya ng medalya ng karangalan dahil sa nabasa niyang akda ng kanyang anak na ito.

Kung nabasa niya ang ‘Dear Diary’ sa kuwadernong ito, mapabalat man o sa pahina, hinding-hindi niya ito magagawang basahin sapagkat malinaw na batas sa kanilang pamilya ang salitang “privacy” kahit pa sa computer. Ngunit ‘Sa ilalim ng puno’ ang una niyang nakita sa kanyang pagdampot sa kuwaderno… at sa pangalawang tingin ay nakita niya ang ‘Ayan! Namiss ko tuloy ang aking mga kuyang makukulit. ^_^’

Tila nabatu-balani siya at hindi na niya namalayang natapos niya itong basahin. Napakasarap ng kanyang nararamdaman. Para siyang lumulutang sa ulap. Totoo pala iyun. Nabura lahat-lahat ng hirap at pagod sa kanyang puso’t katawan, at hindi niya napigilan ang sariling yakapin sa kanyang dibdib ang kuwadernong may pabalat na ‘Hello Kitty” at ang pamagat na isinulat ng kanyang dalaginding sa paunang pahina: Moments worth cherishing.

Humiga ako sa tabi ng aking nag-iisang dalaginding at yumapos sa kanya; tila naririnig ko ang awiting binuo ko para sa kanila kapag sila’y aking ipinaghehele noon…

“Dugo ng aking dugo, laman ng aking laman; hindi ipagpapalit sa kahit na anong kayamanan….”

lb 5

Part 1 of 3 chapters –  http://definitelyfilipino.com/blog/2015/11/ang-dalaginding-a-family-blog-serye/

Part 2 of 3 chapters – http://definitelyfilipino.com/blog/2015/11/ang-dalaginding-2-a-family-blog-serye/

About Mommyjoyce

Isang simpleng nanay na adik magbasa, adik magsulat at adik sa anak! Idol ko si Mother Theresa, kaboses ako dati ni Ate Shawie Cuneta (joke); maawain sa mga madudungis, siga sa mga taong nang-aapi, at lifecoach sa mga kabataan at mga magulang na walang ibang makausap, Ang simpleng motto ko in life: Cherish everyday (not just because it could be my last); kundi kasi, bukas iba na naman ang flavor ng buhay! Kaya namnaming maigi!