Ang buhay ay Parang SKY LANTERN

(Photo Credit: lulupapercranes.deviantart.com)
(Photo Credit: lulupapercranes.deviantart.com)

Nito lamang katatapos na araw ng mga patay ay nagdaos ng Sky Lantern Festival ang isang private cemetery sa aming lugar. Isang paraan daw yon para maiparating sa mga yumao nating mahal sa buhay ang ating wagas at walang hanggang pagmamahal sa kanila. At dahil matagal ko nang gustong maranasan ‘yon kaya’t hindi ko na pinalagpas pa ang pagkakataon, nakiisa na rin ako.

Ika-9 na ng gabi nang magsimula ang programa. Sisindihan pa lang namin ng kasama ko ang lantern ng magsimula nang magpalipad yong iba. Hindi ko alam kung masyado ba silang mabilis o sadyang makupad lang talaga kami kumilos. ‘Yung pakiramdam na nakikita mong unti-unti nang umaangat ang kanilang mga lanterns, yong iba ang layo na nang narating, samantalang yong sayo hawak mo pa rin sa iyong mga palad. Hindi pa rin umuusad. Ang saklap! Nakakapressure! Kaya’t noong nakita kong umaapoy na ito, halos itapon ko na ito paitaas makahabol lang dun sa iba. Pero sa halip na umangat ay bumagsak lamang ito. Pinalipad ko ulit ngunit kagaya ng dati, bumalik ulit siya.

Tinangka kong subukan ulit nang biglang may isang mama na nagsalita mula sa aking likuran. “Ineng, wag mong piliting paliparin yan! Hintayin mo lang, kusa ‘yang lilipad. Mararamdaman mo naman ‘yon. Dahil kapag ipinilit mo at hindi pa niya oras babagsak at babaksak ulit ‘yan. Wag mong intindhin ‘yong iba, hayaan mo silang mauna. Darating ka rin dun!”

Awwww!! Tinamaan ako dun! Sapul na sapul ako! Magsasalita pa sana ako ng naramdaman kong unti-unting kumakawala ang lantern mula sa aking pagkakahawak hanggang sa tuluyan na itong lumipad paitaas. Yon na yata ang isa sa pinakamaganda at pinakamagical na pangyayari na nasaksihan ko. Ang sarap pagmasdan na unti-unti itong umaangat kasabay ng iba pang mga lanterns hanggang sa hindi ko na siya makilala dahil sobrang layo na ng kanyang narating. Hindi ko maipaliwanag yong naramdaman ko nang mga sandaling yon. Pagkatapos ng ilang minutong paghihintay, pagkatapos nang ilang ulit na mamatay ng apoy dahil sa ihip ng hangin, pagkatapos ng ilang beses na pagtatangkang paliparin ito,  sa wakas andun na rin siya sa itaas.

Habnag pinapanood ko yong mga lanterns sumagi sa isip ko ang mga katagang binitawan ng mama kanina, “Hayaan mo silang mauna, darating ka rin dun!” Narealize ko na hindi ka dapat makaramdam ng panibugho kapag nakikita mong mas nakakaangat yong iba kaysa sa iyo. Na walang dahilan para mapressure ka at magmadali kasi ang lahat ay mangyayari sa takdang panahon. Kailangan mo lang talagang maging matiyaga sa paghihintay. Hindi mo kailangang piliting habulin yong mga nauna na sa iyo, hindi mo kailangang lagpasan yong mga naabot nila. Hindi ito isang karera, hindi ito kumpetisyon. Dahil kung susuriin mong mabuti, walang dalawang lanterns na magkapareho ang landas na tinahak. Yong iba kumanan, yong iba kumaliwa, yong iba diretso lang. Pero, iisa lang ang kanilang layunin, ang makarating sa taas. Tanging sarili mo lang ang iyong kalaban.

Ang bawat isang lantern ay espesyal. Maaaring magkakapareho ang kanilang mga itsura, ngunit may isang lantern na mamumukod-tangi at susundan ng tingin ng kung sino mang nagpalipad nito hanggang sa tuluyan na itong maglaho.

Katulad ng sky lantern ang buhay ay kailangang sindihan at hintaying mapuno ng init ang loob nito hanggang sa maging handa ito sa kanyang paglipad. Maaaring matatagalan bago ito mangyari, ngunit wag kang mababagot. Dahil sa tamang panahon ito ay papailanlang at mamamayagpag kasama ng iba hanggang sa makarating ito sa itaas, sa rurok ng tagumpay. At kapag malayo na ang narating nito, ito ay magmimistulang isang bituin, kumikislap, nagniningning.

Nauna ka mang umangat o nahuli, kumanan ka man o kumaliwa, iisa pa rin ang inyong adhikain, ang makalipad ng matayog. Nakarating ka man sa pinakamataas o hindi, kagaya ng iba pang lanterns mamamatay rin ang iyong apoy, mawawalan ng buhay, babagsak. Pero ang saya at tuwang idinulot mo ay nakakintal na sa isipan at nakaukit na sa puso ng mga taong nakasaksi at nakasama mo sa iyong paglalakbay. Hindi ito kailanman mabubura ng panahon!

 

About Mikaylla

Hindi ako magaling magsulat pero ito ang nagpapasaya sa akin.