Ang Balikat Kong Basa ng Luha Mo

Umiiyak ka na naman, mga luhang puno ng dalamhati

Mga matang mugto, at ilong na puno ng sipon.

Garalgal na boses pag ikaw’y nagkuk’wento

Kung paanong ang puso mo ay pagod nang magmahal

At ang isip mo ay sawa na sa kaiisip.

 

Mga hinaing at pasakit sa iyo

Na dulot ng relasyong hanggang sa ngayo’y tinitiis.

Wala mang latay at pasa ang sa iyong katawa’y namumutawi

Subalit ramdam kong ang puso mo ay sumusuko na sa sakit.

 

Sa t’wing ikaw ay sa akin lumalapit

Sa mga panahong ako ang iyong hinahanap

Labasan ng sama ng loob, pagdurusa at pagtitiis

Balikat ko’y basa ng luha mong puno ng hinagpis.

 

Sa bawat pag-iyak mo at pagsasalaysay ng iyong kuwento

Ilang sakit ang balik sa aking puso.

Mahal kita, ‘yan ang totoo.

Pero mahal mo siya  kaya’t ito ako’y nagtitiis.

 

Ngunit hanggang kailan ko kayang tiisin

Ang makita kang nasasaktan at naghihinagpis

Ang makita kang umiiyak at nagtitiis

Ang basa kong balikat sa luha mo’y nagnanais.

 

Sana  tumigil ka na sa pag-iyak

Nang makita mo ang puso kong ikaw ang pinapangarap

Sana itikom mo na ang iyong bibig

Nang iyong marinig na “mahal kita” sabi ng aking puso’t isip.

 

Pangako ko sa iyo, ang balikat ko’y laging naririto

Hindi ko hahayaang  ibang balikat ang hahanapin mo

Sa panahong ibigay ng langit ang hiling ko

Lahat ng problema mo, karamay mo ako.

 

Ang balikat kong basa ng luha mo

Ang puso kong matagal nang umiibig sa ‘yo

Ang isip kong ikaw lang ang laman nito

Ang pangarap kong makukumpleto kapag ikaw ang kasama ko

Lahat sila’y testigo ng pagmamahal na iniaalay ko.

About malaya06

a deo et rege; humanus crede.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!