Ang Babaeng Nakalimutan

Photo by Generalnoir

Matagal nang nabulok ang katawan ko. Ang mga marka ng sugat at sakit ng nakaraan ay nawawala na. Nakabaon sa lupang hindi ko alam. Paano ba ako napunta dito? Bakit ba ako nasa kalagayan na ito?

Naaalala ko na ako’y ipinanganak noong dekada ’70. At duon nagsimula ang lahat.

Noong napangasawa ni Mama si Papa, ang sabi niya ay manghang-mangha talaga siya sa talino nito. Napakagaling daw niya. Ang sabi ni Mama, mukhang siya na daw ang aahon sa pamilya namin. Ang sagot sa mga problema niya. At noong una, mukhang tama nga ‘yung sinabi niya.

Pinag-aral kami ni Papa. Binigyan ng bahay, pagkain, at damit. Lahat ng kailangan namin. Pero paborito niya ‘yung isa kong kapatid. Lahat ng gusto ng kapatid ko ay ibinibigay niya. Pero kahit ganun, masasabi ko na nagawa niya ang lahat ng tungkulin niya bilang Ama.

Hindi ko sinasadya.

Ewan ko kung paano nangyari yun. Isang araw ay nahuli ko si Papa na nangungupit kay Mama ng pera. Siyempre, nagalit ako. Nanay ko ‘yun eh. At pera niya ‘yun na inilaan para sa aming mga anak niya. Ipinagtanggol ko lang kung ano ‘yung nararapat. Hindi ko nga rin alam kung bakit kailangan niyang mangupit, eh marami din siyang pera. Aanhin pa niya yun?

Ayun. Nagalit siya. Ni minsan ay hindi niya ko hinawakan. Pero tinawag niya ang mga kaibigan niya at sila yung inutusan niya para saktan ako.

Naaalala ko nung nakita ni Mama ‘yung mga sugat ko. Iyak siya nang iyak. Nung tinanong niya ko kung ano nangyari sa akin, sabi ko sa kanya na sinaktan ako ni Papa. Pero ang sabi ni Papa, wala daw siyang alam. Di daw siya ang may kasalanan.

Pagkatapos nun ay paulit-ulit nang pinapapasok ni Papa ang mga kaibigan niya sa bahay. At paulit-ulit nila akong sinasaktan at inaabuso. Pero sinigurado na nila na hindi malalagyan ng marka ang mukha ko para hindi makita ni Mama.

Sinubukan kong magsumbong kay Mama ulit. Sabi ko na sinasaktan ako ni Papa. Na masama siyang tao. Pero pinagtanggol siya ng kapatid kong paborito ni Papa. Kinabukasan, nakita kong may bagong kotse ‘yung kapatid ko.

Nang tumagal, hindi na sila nakuntento sa paglagay ng mga sugat at pasa sa katawan ko. Kinuha na rin nila ang dignidad ko. Pinagpasa-pasahan nila ako. Kung ano-ano ang pinapasok nila sa akin. Paulit-ulit.

Paulit-ulit.

Isang araw nalaman ko na sinasaktan din pala ni Papa si Mama, tinanong ko si Mama kung bakit hindi pa niya hinihiwalayan si Papa. Ang sabi niya nagsorry naman daw si Papa. Sabi ni Papa sa kanya, hindi na daw niya uulitin. Mahal daw niya si Mama.

Lumagpas ang isang lingo at may bagong pasa na naman si Mama.

Sabi ng kapatid ko, forgive and forget na lang daw. ‘Yun naman ang turo ng Diyos.

Pero hanggang kailan natin kalilimutan ang pang-aabuso? Hindi pa nawawala ang mga sugat at pasa ko sa katawan ay may panibago na naman. Paano ko makalilimutan? Hanggang kailan ako magtitiis? Kailan ba tayo matututo sa mga pang-aabuso ng iba?

Dumating ang araw na hindi na napigilan ng kaibigan ni Papa at nabaril niya ko. Dinala nila ko sa isang lugar na walang nakakaalam. Ibinaon nila ako sa ilalim ng lupa at iniwanan. Nakabukas pa ang mata ko nuon. Ang mga sugat sa katawan ko ay nagdudugo pa. Lahat ng ebidensiya ng pananakit nila sa akin ay naitago na.

Nung hindi ako nakauwi noong gabing yun, nag-alala si Mama. Ilang araw niya akong hinanap at inayakan. Tinanong niya si Papa kung ano’ng nangyari sa akin pero sabi niya wala daw siyang alam. At pinagtanggol naman siya ng kapatid ko.

Ilang taon na ang nakalipas noong binaon nila ako sa lupa. Nagtagumpay ang iba kong mga kapatid at matagal nang hiwalay si Mama kay Papa.

Ang balita ko ay namatay na si Papa at siya’y inilibing sa sementeryo na may “Best Father” award.

Akalain mo yun?

Sabi nila, lalo nung kapatid kong paborito niya, marami naman daw siya nagawa para sa amin. Tska matagal naman na daw ‘yung mga pangyayari na’ yun. Matagal na kong patay kaya move on na.

Ganun na lang ba yun? Dahil lang nagawa niya ang mga tungkulin niya bilang ama ay balewala na lang ang mga pinagdaanan ko? Kalimutan na lang?

Buti pa siya.

Buti pa siya at puwedeng masindihan ng kandila at alayan ng bulaklak. Samantalang ako, nandito pa rin. Nakabaon at hindi na nahanap ni Mama.

Naaalala pa kaya niya ako? O tuluyan na ba akong nakalimutan ng pamilya ko? Paano ako?

Nabulok na ang katawan ko. Ang mga pasa at sugat ko sa katawan ay nawala na. Pati ba ang ala-ala ng paghihirap ay ibabaon na rin sa lihim ng lupa?

 

About AJ Santos

Manunulat. Mahilig sa kwento.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!