Ang Babae sa Kabilang Upuan (Chapter 11)

abku2Mag-aalas singko na ng hapon. Nakatambay na ko dito sa terminal ng Victory Pasay. Mga alas singko daw kasi darating ang bus na nasakyan ni Lyla kaya medyo maaga-aga ako umalis ng apartment. Dito ko siya susunduin gaya ng napagkasunduan. Buti na lang, atlis di na ko lalayo.

 

Di ko nga alam kung presentable ba tong porma ko ngayon. Asul na t-shirt na may design ng shield ni Captain America, itim na short at itim na skate shoes. Mukha namang maayos (para sa’ken). Magpa-pantalon sana ko, kaso mainit. Tsaka mula Lunes hanggang kahapon naka-pantalon na ko. Balak ko pa ngang mag-tsinelas na lang (Sandugo naman yung tatak) kaso baka isipin niya gaya pa rin ako ng dati: mabantot at gusgusin pumorma.

Malapit na daw siya, nasa bandang Cubao na ang bus. Magmula pa kaninang tanghali kami magka-text kaya halos di rin ako nakatulog kanina pagkauwi. Dala na rin ng excitement, siguro. Sabagay, kahapon pa rin ako parang ewan na hindi malaman ang utak. Tulirong nagtatae. Mix emotions. Kinakabahan na nae-excite. Maya’t maya ko rin kasi naiisip kung anong mangyayari sa lakad namin ni Lyla. Kahit kulang sa tulog, para akong lasing sa energy drink at kape. Hindi ko nga matandaan kung humikab ba ko sa opisina kagabi.

Na-text ko na rin si Ada. Ayun, panay ang tanong niya kung ano daw ang plano namin. Sinabi ko na lang na wala pa, bahala na kung sa’n kami dalin ng paa namin. Buti’t di naman gano nangulit. “Goodluck. Enjoy. Behave.” yung huling text niya sa’ken. Medyo natawa ako.

Goodluck? Saan? Gagala at kakain lang namin kami (yun lang ang alam kong puwede mangyari). Enjoy? Sana. Sana nga. Behave? Bakit? Di ko naman siya sasaktan kung sakaling pagurin niya ko?

Huuu, kunwari ka pa. ‘Yung utak mong berde ang tinutukoy niya, Sa-i!

Behave? Depende. Bahala na.

Si Tunyang panay din ang usyoso sa’ken mula pa kahapon. Lahat na ata ng impormasyon tungkol sa lakad namin, tinanong na niya. Di ko rin naman masagot ng maayos, wala pa rin naman talagang specific na plano yung lakad. Nag-suggest siya ng kakainan at tatambayan na malapit lang mismo sa MOA, pero sinabi kong hindi ko pa alam kung ano ang mangyayari sa lakad namin. Come what may.

Nauuhaw ako. Makabili muna nga ng tubig.

Saglit akong namili malapit sa antayan ng mga pasahero. Bumalik din ako agad sa upuan. Sunod-sunod kong nilagok ang namamawis sa lamig na purified water. Maya-maya, naglabasan din ang pawis ko sa noo at kili-kili. Hanepasyet ang init, tsk tsk tsk.

Andyan k n b? Mdyo traffic e, senxa n. Text ni Lyla.

Oo. Ok lng. Traffic tlg dyn. Reply ko.

Kelan ba lumuwag ang Cubao? Kahit walang pasok o holiday lagi namang parusa dun. Ewan ko ba, parang nagkukuwentuhan ang mga sasakyan pag napapadaan dun. Lalo na pag Biyernes.

Teka, kelan ba nawalan ng traffic sa EDSA?

Traffic. Isa yan sa gasgas na alibi ng mga commuters, lalo na ang mga empleyadong halos araw-araw nakikipagsapalaran sa EDSA. Wala namang ginagawang masama sa kanila ang kawawang kalsada, pero madalas ko itong naririnig na dahilan ng pagka-late at problema (kasali ako dun!). Di ba nga, halos araw-araw ding napi-feature sa mga balita, mula umaga hanggang gabi kung ano na ba ang kalagayan ng trapiko ng kawawang kalsada, kung maluwag pa bang daanan o mas okey nang iwasan?

Parang nai-imagine ko ngang pinakamalaking parking lot sa ‘Pinas ang EDSA tuwing araw ng Biyernes. Naga-eyeball ang lahat ng uri ng sasakyan dun. Di na nga rin nila mabilang kung ilang beses na silang nagkapalitan ng liwanag ng headlight at nagka-businahan.

Isang malaking himala na nga lang talaga kung malalakbay mo ang kahabaan ng EDSA ng hindi lalagpas sa isang oras. Achievement yun sa mga motorista at commuters. At ganun kalupit ang parusa ng EDSA: laging may test of patience. Sinumang maba-badtrip at iinit ang ulo, talo. Kahit tawagin pa nila ang lahat ng santo ng trapik. Kaya nga recommended na umidlip-idlip muna habang kasalukuyang gumagapang ang sasakyan sa parusang kalsada.

Ayon sa pag-aaral nitong January 2015 ng Numbeo (Syria), kasali ang ‘Pinas sa top ten countries na may “pinakamalala at pinaka-malupit na parusa ng traffic” sa buong mundo. Take note: top ten. Buong mundo. Ang nasabing pag-aaral ay base daw sa overall na oras ng pagko-commute, dissatisfaction ng mga commuters, traffic inefficiencies at emission ng carbon dioxide (na nagpapalala ng kulangot ng mga pasahero). Hanep di ba? Ibig sabihin, ganun tayo kabagal tumahak ng daang-matuwid (ex: EDSA). Hindi ko alam kung kasali sa pag-aaral yung epekto ng amoy ng kili-kili ng mga konduktor at driver, pati na yung pangmomolestiya ng mga manyak sa MRT/LRT.

Malaki ang epekto ng traffic sa progress at ekonomiya ng bansa. Maraming nasasayang na oras at gasolina. Maraming nasususpinde at nawawalan ng trabaho. Maraming nasisirang pagkain na pina-deliver. Maraming relasyon ang nasisira. Maraming estudyante ang tinatamad pumasok kaya nasisira agad ang pag-aaral. Maraming gimik at gala ang naka-cancel. Pumapanget ang feedback sa mga social media sites dahil sa pag-trending ng salitang ‘traffic’. At-letseng-iba-pa.

Mahaba ang EDSA. Eto ang kalsadang kumokonekta sa mga motoristang pa-north bound at pa-south bound. Pero bakit hindi magawan ng solusyon ng gobyerno?

Tingin ko, masyado ng malaki ang populasyon ng mga sasakyan sa ‘Pinas. Kahit ata tambakan ng traffic enforcer ang mga kalsada, wa-epek pa rin. Kahit sobrang hi-tech na ng mga traffic lights, hindi pa rin uubra. Ang malaking kakulangan talaga e KALSADA. Hindi solusyon ang pagdadagdag ng traffic enforcers kun’di MAAYOS NA KALSADA mismo. Yung hindi lubak-lubak. Yung organisado ang lane para sa mga motorsiklo, pedestrian lane at bullshit na sisiga-sigang bus at dyip na ewan kung bakit nakikipag-unahan sa kalsada, wala namang aangkin nun. May under construction ng kalsadang kokonekta sa NLEX at SLEX, pero di pa sure kung anong taon matatapos. Ang ganda siguro ng EDSA nun pag nagkataon.

Eto pa, kung dadagdagan ba sana nila ang linya ng MRT at LRT, e di sana konti na lang ang magko-commute sa bus at dyip. At dahil mas mura ang pamasahe sa MRT at LRT, for sure mas marami ang tatangkilik sa tren kesa gumamit ng sariling sasakyan dahil mas mabilis at malamig  na mag-commute (depende kung bago yung tren). Alam mo yun, yung tren na sakto ang oras ng dating at alis sa terminal? Hind yung tren na lumulukot ng plantsadong long sleeve sa sikip, at tumitirik sa gitna ng biyahe sa sobrang hi-tech.

Kung wala nga lang sana trapik, e di sana kanina pa nakarating si Lyla.

Shit. Pakyu talaga gobyerno. 

                Makapag-CR nga muna.

 

*             *             *

May dumating na bus, number 1824. Eto yung bus ni Lyla. 1824 kasi yung tinext niya kanina kaya sigurado akong eto na nga yung bus na nasakyan niya. 5:20 PM na pala, di ko napansin. Not bad. Mabilis akong nagpunas-punas ng mukha, baka mukha na kong oily. Tumayo na rin ako saka sinalubong ang mga nagbabaang pasahero. Maya-maya nakita ko na rin si Lyla na nakasuot pa ng shades. Ngumiti siya sa’ken ng makita ako sabay kaway. Gulat ako ng bigla siyang yumakap at bumeso sa’ken pagkababa. Di na ko nakapalag. Napayakap na rin ako kahit isang kamay lang. Hawak-hawak ko pa kasi sa kanan yung bottled water.

Sayang. Ba’t di ko pa kasi inubos tong tubig e.

“Sorry a? Nainip ka ba?” tanong niya sa’ken pagtapos niyang yumakap. Hinubad niya yung suot niyang shades saka sinukbit sa bandang leeg ng damit niya.

“Di naman, ayos lang. Maaga lang talaga ako.”

Kinuha ko ang bitbit niyang backpack. Di naman siya tumanggi. Medyo mabigat din pala. Inalok ko siya ng tubig pero tumanggi siya kaya nilagok ko na hanggang maubos. Saka kami lumakad palabas.

“E kasi nga alam ko namang ayaw na ayaw mo sa nale-late…”

Naalala pa pala niya. Astig. “Okey lang. Di naman isang kanto yung biyahe mo e. Expected ko namang male-late ka. Mga anong oras ka ba nakasakay dun?”

“Mag-aalas dos na rin ata.”

“Sakto lang pala biyahe mo.”

Di na siya nagsalita. Sumakay na rin kami agad ng dyip pa-MOA pagkalabas ng terminal. Inabot ko agad ang bayad pagkasakay. Inunahan ko na si Lyla. Unang moves para maging gentleman.

Ewan kung sinadya, o ganito na talaga siya pumorma ngayon. Alanganing sando na alanganing sleeveless na dark blue ang suot niya ngayon, suot ang medyo fitted na jeans (kulay itim), simpleng sandals at ilang burloloy sa braso. Medyo aninag na ang cleavage niya, konting yuko pa. Napapatingin nga sa kanya yung mga pasahero. Malamang yung iba nag-iisip ng di maganda. Yung iba malamang nilalait na ko.

After twenty minutes nakarating din kami ng MOA. Naninibago ako. Di ako sanay pumunta ng MOA pag araw ng Sabado. Feeling ko tuloy may pasok.

“Nagugutom ka na ba?” tanong ko pagkatawid namin sa bus lane.

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!