Ang Amang may Tatlumpo’t Limang Anak sa Labas

Son on father's shoulders (Photo Credit: Son on father's shoulders)

Natigilan at mabilis na umiyak ang batang si Josua nang sabihin ng kanyang ama na mayroon pa siyang tatlumpo’t limang anak sa labas bukod sa kanya. Nagsumbong agad ito sa inang kaharap lang din naman sa hapag-kainan. Yumakap at inihingi ng tulong ang sandaling hindi niya lubos mawaring mga salita.

Nag-iisang anak ng mag-asawang Rey at Samantha si Josua, apat na taong gulang at kasisimula pa lang pumasok sa eskuwela. Habol na habol sa nanay. Ma ang tawag nito sa ina. Ni hindi maalis ang tingin sa labas ng silid-aralan. At kapag nawaglit sa kanyang tingin ay tatayo, mas sisipatin nang labis. At kapag hindi na talaga makita ay saka papalahaw ng iyak. Agad na papasok si Samantha sa loob na animo’y superherong laging sumusulpot kahit saan kapag may taong nangangailangan. Palibhasa’y batang-bata pa at unang sabak sa pag-aaral, kaya napakamahiyain din, takot makisalamuha sa mga kaklase. Ang paborito niyang laro ay taguan, at ang palagi niyang pinagtataguan ay ang palda ng kanyang ina.

“Uwi na tayo, Ma,” ang lagi nitong sambit pagkakatapos ng klase. Si Samantha naman, naiibigan pang makipagkuwentuhan sa kanyang kapwa-magulang. Napag-usapan nga minsan na may ibang pamilya palang inuuwian si Regor na kababata nila. Isang gabi raw, dinig na dinig sa labas ang sigawan at batuhan ng gamit sa loob ng bahay nito. Nakabibingi raw ang murahan at sumbatan. Kay tagal naitago ni Regor ang tungkol sa pangalawang pamilya nito, kaya pala pabawas nang pabawas ang inientrega nito sa asawang si Joy. Ang katuwiran, nagbabayad ng utang dahil sa halip na maituwid at mapakinis ang tinatrabaho nitong Toyota Fortuner na nahulog sa tabing dagat sa Atimonan, Quezon habang nagbabyahe pa-Bicol ay lalong nadagdagan ang pagkakulubot. Mahusay namang latero si Regor, kaya galit na galit si Joy sa balitang iyon. Ayaw niyang maniwala sa una, pero iyon din ang sabi ng mga kasamahan nito sa trabaho sa Lucena. Ang totoo, kinuntsaba niya ang lahat simula sa mga boss hanggang sa pinakamababang posisyon sa kompanya. Pati nga mga tindero’t tindera ng balut, kwek-kwek, sigarilyo at mais sa labas ng gusali ay nasabihan na. Baka nga, kung posible, ay alam na rin pati ng mga dagang kanal, ipis, langgam at aso’t pusang nanginginain sa gilid ng kalye sa tuwing tatapunan ng mga mumo kapag tanghalian.

Kung bakit nahuli, nag-post ang kabit nito sa Facebook kasama ang anak na naka-tag kay Regor. Ang bulyaw ni Joy: “Katanga-tanga mong gumawa ng kalokohan!” Pero naging matalino si Regor, biruin mong umabot pa ng limang taon ang batang may pangalang John Martin bago nabuking. Kung hindi lang dahil sa post ng kabit ay tiyak hindi mabubuko. O baka sinadya lang din ni Jane na ipaskil iyon para mang-asar at magsimula ng problema sa pagitan niya at ni Jane. Baka hindi na rin nasusustentuhan kaya nanghihingi ng ambon ng karapatan.

Naririnig ni Josua ang usapang iyon, kaya nagkaroon siya ng ideya tungkol sa mga salitang kabit, pangalawang asawa, at anak sa labas. Kaya sa tuwing magkukuwento ang ama niya tungkol sa sinasabi nitong mga anak niya sa labas, ay manununtok siya habang unti-unting nabubuo ang mga luha sa gilid ng mata. At saka magtatawanan ang mag-asawa.

“Bakit ayaw mo ba ng may kapatid?” Panay ang iling ng bata na may kasamang pagsigaw: “Ayaw!”

“Masarap ang maraming kapatid,” hirit pa ni Rey.

“Ayaw ko nga, e!” ang naghihimutok na si Josua. “Gusto ko, ako lang.”

Ang gandang pag-usapan ng sinabi ng bata: Gusto ko, ako lang. Para bang inaangkin niya ang karapatan bilang pag-aari o ang may pag-aari sa pagmamahal ng kung sino man.  Siya lamang ang anak sa tahanang iyon, kaya hindi niya maaaring maging kapatid, o ituring na kapatid, o tanggaping kapatid ang sinumang batang wala roon.

“O sige na, Anak, ubusin mo na ‘yang pagkain mo,” alo ng ina.

Tumalima naman agad si Josua matapos marinig ang inang sa pakiramdam niya’y naging kakampi niya nang gabing iyon: “Huwag kang mag-alala, ikaw lang ang nag-iisang bunso ko. Pa-kiss nga,” at hinalikan nga siya nito nang madiin sa pisngi sabay dighay.

“Nabusog ako, Anak, laki ng tiyan ko, o!” at hinimas upang ipakita sa anak kung gaano nga ito kabusog.

Linggo. Nagsimba ang pamilya. Pagkatapos ng Misa ay magulong naghiwa-hiwalay na ang pami-pamilyang kanina’y maayos na magkakahanay at magkakahawak-kamay sa upuan habang nakatingin sa iisang direksyon upang makinig sa Salita ng Diyos. At umawit.

Panay ang hila ni Josua sa kamay ng ama, sinasabing dalhin mo ako roon sa plaza, dahil mo ako roon sa parke, sa tabing dagat, sa tindahan ng tinapay, sa tindahan ng laruan, ng damit, ng prutas. Basta marami. Marami ring tao. Makikita ang mga batang biglang tatakbo sa kanilang ama at ina para yumakap at mag-aya sa kung saan.

“Nakikita mo ba sila, Josua, masaya ang maraming kapatid.”

Hindi pinansin ni Josua ang sinabi ng ama, muli siyang tumuro sa mga gusto niyang puntahan at bilhin. Ang makulit namang si Rey, niyakap nang mahigpit ang anak at isa-isang itinuro ang bawat pamilyang nakikita niya sa harap ng simbahan na masasayang nagkukuwentuhan, naglalaro, at kumakain ng fishball at isaw. Nagpapaligsahan ang mag-ama sa mga gusto nilang sabihin sa isa’t isa, subalit natalo si Josua nang dumating ang kapatid ni Rey na si Mike kasama ang tatlong anak. Agad siyang nahila ng mga pinsan na maglaro sa parke bago umuwi.

Sa paglipas ng mga araw, nakikitaan na ng sigla at giliw si Josua sa paaralan, nagkaroon na siya ng maraming kalaro, may bestfriend na nga raw siya. Minsan nga, may mga nakakatampuhan na rin. Pero ibang magalit ang bata, mabilis makalimot. Kaayaw niya ngayon, kalaro na ulit bukas. Hindi katulad ng matatanda: kaibigan mo nang mahabang panahon, hindi mo lang napagbigyan, kaaway ka na habambuhay.

Dali-daling kinuha ni Samantha ang bag ni Josua sa upuan nito. Maagang sinundo ang bata sapagkat may lakad daw silang mag-ina. Nagbiyahe sila. Medyo malayo: ilang oras din. Nakatulog si Josua sa biyahe. Mula bus, lumipat sa dyip, sa traysikel, at naglakad. Napagod ang bata, nagpakarga na sa ina. Nakatulog itong muli at nagising na nasa mga bisig na ng ama. Mag-aalas kuwatro nang marating nila ang lugar na sinadya kung saan malimit lumalagi si Rey.

“Mga anak,” ang bati niya sa tatlumpo’t limang bata na nasa kanyang harapan. “Ito si Josua, ang nag-iisa kong anak.

Isa-isang tinitigan ni Josua ang mga ito, nakahanay ang magkakahalong babae at lalaki sa upuan na gaya ng sa kanilang silid-aralan.

Bumuhos ang pagbati kay Josua na noo’y kagigising pa lamang. Natulala pero namamangha. Sunod-sunod ang paghalik at pagyakap sa kanya ng mga mag-aaral ni Rey sa isang liblib na paaralan sa Tagkawayan, Quezon. Mas malalaki sa kanya ang mga ito sapagkat sekondarya, pero naramdaman agad ng batang si Josua ang magkaroon ng mga ate at kuya. Kung gaano kaligaya ang mga ito nang makita siya, ano kaya ang maaari niyang maramdaman kapag siya naman ang nagkaroon ng mga nakababatang kapatid? Nasabik siya.

“Josua, sila ang tatlumpo’t limang anak ko sa labas.” Nakangiting pagpapakilala ni Rey.

“Hindi naman, e,” matalino nitong sambit.

Nagtawanan ang lahat. Napakamot si  Josua sa ulo. Gustong maiyak pero natawa. Agad kinagiliwan si Josua ng mga mag-aaral, siya rin sa mga ito. At pagkatapos ng klase, habang seryosong nag-uusap ang mga guro sa kantina kasama si Samantha na lubhang inuusisa ng mga guro ay matatanaw sa labas si Josua na masayang nakikipaghabulan sa mga mag-aaral ni Rey.

Bago magdilim ay pinasya na nilang umalis. Nakasakay si Josua sa balikat ng Amang nakaakay naman sa asawang hinihimas-himas ang sariling tiyan habang nakikipag-usap sa mga mag-aaral na lagi nang sinasabayan ni Rey sa pag-uwi sapagkat nadaraanan lang naman ang bahay ng mga ito patungo sa may sakayan ng traysikel.

“Mabait ba ang titser n’yo,” tanong ni Samantha sa mga bata.

“Opo, mahusay po siyang tatay sa amin.”

“The best teacher po.”

“Patawa po.”

“Lagi po s’yang: are you getting the point?”

At nagtawanan.

“Kayo ha,” si Rey.

Patlang.

“Ang layo naman ng iskul mo, Pa,” ang singit ni Josua.

“Ganoon talaga, Anak. Kailangan kong magsakripisyo para sa iyo at sa mga mag-aaral ko. Malayo man, pero masaya. Kaya ituring mong kapatid ang iyong mga kaklase gaya ng pagturing ko sa aking mga mag-aaral bilang mga tunay na anak, sapagkat ang pamilya ay hindi lang lagi sa tahanan makikita, matatagpuan mo ito sa kahit saang samahang napupuspos ng pagmamahalan at pagkakaunawaan.”

“Gusto ko na pong magkaroon ng kapatid,” ang matamis na wika ni Josua.

Nagtinginan ang mag-asawa. Panahon na para ipaalam ang magandang balitang ilang buwan din nilang inilihim sa batang sa wakas ay natuto na ring umunawa.

Do NOT follow this link or you will be banned from the site!