Ang Aking Huling Paalam

OFWs Coming home (Photo credit: Bayenn.blogspot)
OFWs Coming home (Photo credit: Bayenn.blogspot)
OFWs Coming home     (Photo credit:      Bayenn.blogspot)
OFWs Coming home (Photo credit: Bayenn.blogspot)

Apat na taon na ang nakaraan mula nung unang dating ko dito sa bansang dayuhan. Lahat sa paningin ko ay bago, mula sa mukha at salita ng mga tao hanggang sa haplos ng hangin sa balat ko. Iba na ang lupang aking inaapakan. Hindi na ang Lupang Sinilangan. Wala na ako sa Perlas ng Silanganan.

Paglabas ko sa kanilang paliparan, mga buhangin at bahay na gawa sa putik ang aking nasilayan. Kakaiba kumpara sa bansang nilisan. Unang araw ko sa trabaho, hindi ako marunong makipag usap sa lenggwaheng arabo. Salamat na lang at magaling ako sa senyasan.

Madali lang naman ang trabaho, mas madali kompara sa dati kong trabaho sa Pilipinas, malayo pang mas mataas ang sweldo. Sa mga unang linggo ko dito masaya pa ako dahil bago ang lahat, masaya pa akong inaaral ang lahat. Ngunit hanggang doon lang pala ang sayang iyon dahil sa paglipas ng linggo at buwan, nakakaramdam na ako ng lungkot at pananabik sa bansang iniwan. Totoo din pala ang sinabi nila, mahirap mangibang bansa. Higit sa sapat nga ang pera, palagi ka namang mag-isa. Kahit mag-isa at may sakit ka, kakayod ka pa rin para sa pamilya.

Pawis at luha ang aking puhunan, tiis at tiyaga naman ang aking panlaban. Pag my araw na sobra ng nahihirapan, hindi dahil sa trabaho kundi dahil sa pananabik sa mga mahal ko, mga larawang luma at hindi bago, mapapawi na ang lungkot ko.

Hindi man nakakapagod ang trabaho, naging mahirap pa din ang apat na taon ko dito sa bansa ng mga arabo. Pahirap ang mga tao sa paligid ko, lalo na ang amo. Lahat yata ng paraan para pahirapan ang loob ko (hindi naman pisikal) ginawa na nila. Mula sa kaunti kong sahod hanggang sa kada biyernes kong kalayaan pinagkakait nila. Buti na lang mahusay ang Pilipino, lahat napaparaanan.

May lungkot pero marami din namang saya. Dito ako nakakita ng mga totoong kaibigan na handa kang damayan sa oras ng pangangailangan. Sila ang pakonsuelo ko sa sarili ko sa pahirap na dala ng mga amo.

Masaya na mahirap ang apat na taon ko dito. Dumating man ako sa puntong isinumpa ko ang lugar na eto sa sobrang sama ng loob ko,  ngunit ngayong oras na lang ang binibilang at lilisanin na din ng tuluyan ang bansang kinasanayan sa loob ng apat na taon, mahirap din pala siyang iwan. 🙁 Alam na alam ko, hahanap-hanapin ko din ang buhay dito, pero panahon na para lisanin ito at mag umpisa ng buhay na may laya kasama ang pamilya. Maiiwan ko man ang aking mga mahal na kaibigan, dala ko pa din naman ang lahat ng alaalang aming pinagsamahan. Ang hirap na pinagdaanan ay magsisilbing tuntungan para sa susunod kong laban.

Paalam na Saudi Arabia, hindi ko man nais na muli kang makita, hangad ko pa rin ang iyong tatag para sa aking mga kaibigan at kababayan. Magkaroon sana ng ugnayan at pagkakaisa ang bawat lahi. Mangibabaw sana ang pagpapahalaga sa bawat isa at hindi lang ang pansariling kapakanan ang inaalala. Nawa’y manatiling mabubuti ang puso at isip ng mga taong iyong nasasakupan at yung mga hindi man, sana bulungan sila ni Allah.

Ang alaala nating dalawa ay dala dala ko saan man magpunta. Hindi man ako bumalik sa iyong piling, lagi pa rin kitang iisipin.

author:   iamfrozenfire

p.e./mj

About iamfrozenfire

hindi naman talaga ako mahilig magsulat, magbasa pwede pa! pero naisip ko hindi kaya ng memory ko ang pagiisip at pag alala sa lahat ng pangyayari sa buhay ko, buhay mo at buhay natin kaya bakit hindi ko na lang isulat kung ano sa tingin ko ang angkop sa buhay mo, buhay ko at buhay natin... palibhasa babae kaya madalas masaktan, ewan ko b sa mga yan!! bait ko naman 😀
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!