An Open Letter to JOEY DE LEON

ISA kang maituturing na respetadong komedyante, host at aktor sa ating bansa. Marami ka na ring napatunayan pagdating sa paggawa ng mga pelikulang nagpangiti’t nagpatawa sa marami mong tagahanga. Mapabata’t matanda. Pero sa puntong ito, nais ko lang ihayag ang ilan sa aking mga saloobin hinggil sa isang paksa na ikaw mismo ang siyang ugat.

Naniniwala ako na bawat isa sa atin ay may karapatang magbitiw ng mga salita base sa kung ano ang nilalaman ng ating puso. Subalit hindi lahat ay katanggap-tanggap, lalo pa’t ito ay negatibo o nakasasakit sa damdamin ng isang tao. Sabi mo nga minsan sa isang interview mo sa isang Talk Show: “Respect begets respect,” na sinasang-ayunan ko.

Pero teka, bakit kailangan mong ikumpara ang sikat na sikat na #Aldub? sa pelikulang #HeneralLuna? na para bang minamaliit mo ang isang de-kalidad na pelikulang ito na dapat lamang tangkilikin ng bawat mamamayang Pilipino?

Dahil sa totoo lang, ano ang kinalaman ng Aldub sa pelikulang Heneral Luna?

At ayon sa ‘yong komentaryo, mas kikita o box office hit agad ang Heneral Luna kapag si Alden ay kasama sa cast bilang Rizal at si Maine bilang Sisa. Bakit? Hindi pa ba sapat ang mga magagaling na aktor/aktress na kasama sa buong cast para kumita ang pelikulang ito?

orlie tweet

Tila yata may mali sa’yong tinuran. Dahil sa pagkakaalam ko, wala pang napatutunayan pagdating sa pag-arte sa big screen si Maine para ikumpara ito sa mga mahuhusay na artista sa nasabing pelikula.

At walang duda, sikat na sikat ngayon ang tambalang Alden at Maine. Pero iba ang Heneral Luna na nagpapakita ng totoong kasaysayan na naganap sa ating bansa noong kapanahunan ni Luna at iba pang magigiting nating mga bayani.

Ito rin ay nagpapakita ng pagmamahal at pagtatanggol sa ating bayan at kasarinlan na talaga namang kapupulutan ng aral —- kumpara sa kilig na hatid ng tambalang Aldub. So bakit mo kailangang banggitin ang gayong mga salita?

Uulitin ko, isa kang respetado at tinitingalang aktor sa ating bansa. Pero sa puntong ito, nakalulungkot isipin na sa ‘yo pa mismo nanggaling ang mga gayong salita na sa totoo lang ay BELOW THE BELT.

Naiintindihin ko rin na opinyon mo ang anumang salita o komentaryo na iyong sinabi, sinasabi o sasabihin mo pa lang. Pero utang na loob, ang HENERAL LUNA ay hindi dapat ikinukumpara sa kahit anumang love team — kahit pa pabiro. Dahil ito ay isang pelikula na tumutukoy sa ating kasaysayan na dapat lamang panoorin, bigyang-halaga at maging ihemplo sa bawat isa sa atin. Dahil sa totoo lang, hindi sa lahat ng pagkakataon ay kailangan natin ng puro kakikiligan. Bagkus, kailangan natin ng magandang ihemplo na magbubukas sa kamalayan ng bawat isa sa atin sa realidad at hindi sa isang pantasya lamang.

At bilang pangwakas…HINDI LAHAT NG BIRO AY NAKATUTUWA!

About Orlie Jacob

Isang simpleng "Tea Boy" sa Gitnang Silangan na nagbabakasakali na sa bansang Arabo matagpuan ang suwerte. Tatlong taon nang OFW at tanging pagsusulat ang libangan at talentong p'wedeng ipagmalaki. Sa pagsusulat, nagkakaroon ako ng sarili kong mundo kasama ang aking mga "IMAGINARY FRIENDS". Dati na rin akong nakapagsulat sa "LIWAYWAY MAGAZINE" at bukod sa pagba-blog, nagsusulat din ako ng Nobela sa Wattpad. Kung bibigyan ng pagkakataon, nais kong buhayin ang LITERATURANG PILIPINO sa pamamagitan ng aking mga akda na maiikling kuwento. Idolo ko sina Ginoong Efren Abueg, Ginang Lualhati Bautista, Bob Ong, at iba pang batikang manunulat sa ating bansa. Nawa'y maibigan n'yo rin ang bawat akda ko rito sa Definitely Filipino!