“Alikabok”

Lahat tayo nakaapak sa lupa.

Pinakaayaw ko sa lahat ay ‘yung mga taong hinihila ka na nga pababa, ibinabaon ka pa sa lupa. ‘Yung mga taong kunyari concerned sa ‘yo, pero pagtalikod mo, kulang na lang sipain ka papuntang ibang planeta mawala ka lang sa paningin nila. Haha.

Nakakatawa dahil ang totoo, kung ayaw nila sa ‘yo, eh ‘di hamak na mas ayaw mo sa kanila. Sila ‘yung mga taong nakakasalamuha natin sa araw-araw. Mga taong matatayog ang tingin sa kanilang mga sarili, pero hindi nila makuhang tumingin sa sarili nilang mga budhi? Kung nangingitim ba ‘to o namumuti? Pero sigurado, ‘yung namumuti ay ‘yung mga matang dilat dahil sa tunay na kalinga ay salat. ‘Yung kalingang may haplos ng tunay na pagmamalasakit. Tunay, kagaya ng ginto. Hindi tanso, delikado sa tetano – tetanong parang nagtatanong – “teh, ano?”

Ano nga ba? Ano nga ba ang papel natin sa mundo? K’se kung may mga taong ma-appeal, meron din ma-papel. Parang choco na gatas, o, gatas na choco? Pero ang totoo, walang gatas, pero may maangas. Wala ring choco, pero maraming loko. At pag may loko, magulo. Kung sa Bisaya pa “gubot pa sa lukot”. Pero sa totoo lang, nasa ugali ‘yan eh. Kung pinalaki kang may takot sa Diyos at respeto sa kapwa, walang apektadong kaluluwa sa paligid mo.

“Everything’s gonna be alright”, ‘ika nga sa kanta ni Bob Marley. Pero, is everything really alright?

Gayunpaman, kahit hilong talilong tayo sa kaguluhan ng mundo, sa pakikipag-kapwa tao, at sa pag-iintindi sa mga ugaling asal-hayop, ‘eto pa rin tayo, mga paa’y nakaapak sa lupa – lahat tayo, pantay dito. Unless isa kang  supernatural at may kakayahang mag-levitate. Pero ‘yun ay hindi pangkaraniwan. Dahil ang karaniwan at ordinaryo ay tayo – tayong mga tao.

Sa worldwide web, for security purposes, laging itinatanong “Are you human?”  Hindi ko alam kung may hayop bang nag-o-online? Baka nga nga naman. Siguro ang baka, kalabaw, kambing, nag-o-online muna bago ihawin! Haha. Dyok. Pero seryoso, ke tao, o hayop, o anuman klase kang nilalang sa mundong ‘to, lahat tayo nakaapak sa lupa.

Speaking of “apak”, lately lang, aksidenteng may naapakan ako na paa nang ‘di sinasadya sa loob ng Ceres bus. Nag-sorry agad ako, pero ‘yung aleng  naapakan ko, galit, kung ano-ano agad ang pinagsasabi. Grabe noh? nag-sorry na ‘yung tao, galit pa rin? Kung tutuusin paanong hindi maaapakan paa nila eh nakabalandra sa gitna ng daraanan? Tapos tayo pa ang may kasalanan? O baka naman galit k’se naapakan natin ang mamahaling Havaianas nila? Alam mo naman tayong mga Pinoy, brand conscious. Pero unconscious sa kanilang sariling pagkakamali. Hindi ako nahiya para sa sarili ko nang tinalakan niya. Mas nahiya ako para sa sarili niya. Nang dahil sa tsinelas, nag-asal balasubas. Tsk.

Kung tutuusin, wala naman talagang perpekto sa mundong ‘to. Lahat tayo ay nagkakamali. Pero may mga pagkakamaling hindi katanggap-tanggap lalo na kung ito ay sinadya – sinadyang ikaw ay pahiyain, alipustahin, hamakin. ‘Yung iparamdam sa ‘yo na ikaw ay mababa. Parang alikabok na nakakapuwing sa kanilang mga mata. Pero hindi ba doon naman tayo lahat papunta? Sa pagiging alikabok?

Kaya kung nakakalimutan mo kung ano at sino ka, siguro  naman noong Araw ng mga Patay ay naalala mo. Naalala natin ang mga taong pumanaw na at naging bahagi ng ating buhay.  Mga taong naging mabuti o ‘di kaya’y naging masama sa atin. Pero mas malalim ang ating hugot doon sa mga taong naging mabuti sa atin pero pinakitaan pa rin natin ng masama.  At nawala sila sa mundong ‘to nang hindi man lang tayo nakahingi ng tawad. Kaya laging huli ang pagsisisi dahil sa mga pagkakataong pinapalampas natin.  Naresolba na sana ang problema, nagkapatawaran na, pero mas pinili nating lunukin ang “pride chicken” nang buo. At ngayon nabubulunan na? Bakit kailangang mabulunan muna bago matauhan?  Paano kung walang isang basong tubig? O kamay na hahampas sa ‘yong batok? Handa na ba tayong umuwi sa lupa? Sa pagiging alikabok? O mas mainam pakinggan – balik abo?

 

“Huwag maging sobrang tayog, dahil pag nabalian ka ng mga pakpak, sa lupa din ang iyong bagsak.

Maging mabuting tao, mabuti sa sarili, sa pamilya, sa kaibigan, sa kapwa.

Higit sa lahat, maging kaaya-aya sa paningin Niya.

Dahil ang kabutihan ay laging tumatatak sa puso, at ang alaala na dala nito ay laging masaya.”

(Photo credit: Pinterest)

 

About Nomatterwhat143

Analyst ang aking propesyon. Pag bagot, walang magawa, nagsusulat. Dati nung maliit pa ako, pinapalo. Ngayon pina-follow (hehe!) Kung hindi ako nagsusulat, nakikinig ng musik. Minsan naman wala lang imik. Tahimik. Mata'y ipipikit. Matutulog. Pag gising, magkakape. Pag walang kape, okay lang basta tayo'y mug-KAPEling hehe! Corny? Yun ako. 🙂 Page owner/Admin din ako ng https://www.facebook.com/iloveannemurray/; https://www.facebook.com/nomatterwhat143/.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!