Aldub Pa More!

aldub sylHindi ko akalain na sa National Pabebe Wave Day ay makikisali ang halos dalawampung milyon ng Sambayanang Filipino. At hindi lang pang Pilipinas ngunit pang internasyonal na umaabot din sa milyon-milyong tweets.

Binigyan pa ng papuri ng CBCP ukol sa pagbibigay ng importansya sa tamang kaugalian at moral.

Sa loob lamang ng ilang buwan ay nagbago ang mula umaga hanggang pananghalian ng bawat mamamayan na lubos na tumatangkilik sa Aldub.

Bilang isang maybahay, magmamadaling sinupin ang kabahayan, magluluto ng pananghalian nang mabilisan para tiyak na kapag Eat Bulaga na ay lubos na nakatutok sa palabas.

Bilang estudyante, buong maghapon sa eskwela ay pinag-uusapan ang tambalang Aldub at pagdating na pagdating sa bahay at dali-daling hanapin ang replay ng palabas.

Bilang manggagawa, ay kakain nang mabilis sa lunchbreak upang matiyempuhan at seryosong makapanood ng hinahangaan na tambalan. Kadalasan pang overbreak dahil hindi mapigilan ang kilig sa taimtimang panonood ng palabas.

Bilang OFW at OCW ay tiyak na inaabangan ang sinusubaybayan na kilig ng bayan na tambalan sa TFC o kaya naman sa Youtube.

Kasabay na ng mainit at masarap na tanghalian ang pamosong palabas na matutunghayan ang walang kiyemeng tambalan na Aldub.

Kasabay ng walang kaartehan na pagpapakilig kahit sa kainitan ng panahon na nasa kalye si Yaya Dub at ni Lola ni Dora, sampu ng mga kalahok sa Kalye serye ng “Juan for all, All for Juan” ay sadyang kahanga-hanga sa lahat ng aspeto.

‘Ika nga, sapul na sapul sa panlasang Pinoy, pagtuturo at paggabay na hindi agad pagsagot sa lalaking napupusuan at paghihintay ng tamang panahon. Angkop din sa pagganap ni Alden na sadyang paghihirapan muna at dadaan sa butas ng karayom para lamang mapasagot ang babaeng iniirog. Pananariwa sa tamang kaugalian ukol sa pagkakaroon ng kasintahan na sadyang nakalimutan na ng ating mga kabataan sa panahon ngayon.

Konting kilig, sagot agad… kapag nasawi sa pag-ibig ay bukambibig ” Walang Forever”

Patok din sa kiliti ng bawat isa ang ginagampanan ni Lola Ni Dora kung saan ay hindi siya nawawalan ng payo at mahigpit na binabantayan si Yaya at Alden upang maging hinog ang kanilang pagmamahal sa itinakdang panahon.

Sa kalye serye na ito ng Eat Bulaga ay tiyak na mapalitan man ng iba’t-ibang pakulo ang palabas ay mananatili nang nakatatak sa isipin ng bawat manonood ang Aldub. Isang matagumpay na pakulo para mas mapapatag ang palabas na simula noon at ngayon ay sinusubaybayan, sinusuportahan at tinatangkilik ng karamihan.

Ang dagdag na masasabi ko rin ay sa mga iilang buwan ng Aldub ay marami ang nabigyan ng lubos na kasiyahan sa bawat puso ng manunuod kung saan sa kaunting sandali ay makatakas sa realidad na punong-puno ng pasakit at panlililanlang.

Na pasumandali ay magkaroon ng pag-asa ang mga sawing puso upang kiligin at magkaroon din ng tapat na mamahalin at magmamahal sa hinaharap.

Para sa mga pagal na katawan at isip ng simpleng manggagawang tulad ko ay naibsan pansamantala ang pagod dulot ng ligaya na dala ng kalye serye ng Eat Bulaga.

Para sa karamihan na nagkakaroon ng pagkakataon magkausap-usap at magkasalo-salo tuwing tanghalian na kung tutuusin ay hindi na nagagawa dala ng modernong panahon ay nagkabuklod-buklod para lamang sabay sabay na makapagpakuha ng larawan ng National Pabebe Wave Day!

Salamat Eat Bulaga! Salamat Aldub!

Hangga’t hindi pa huli, nakapagpost ka na ba ng Pabebe Wave mo, kaibigan?

Do NOT follow this link or you will be banned from the site!