Ako si Snowhite

Ako si Snowhite.

Ipinagbubuntis pa lang daw ako ni nanay noon, batid na ni Mang Johnson at Aling Greta na paglaki ko ay walang daplis ang aking kabaitan at katapangan.  Paniguradong magmamana daw ako sa aking ina dahil sa hirap na pinagdaanan niya noong nasa sinapupunan pa niya ako. Tandang tanda pa nga nila noong bata pa si nanay, sila na daw ang nag-alaga sa kanya. Swerte daw na maituturing noon ang pagdating ni nanay sa buhay nila. Simula daw kasi noong maikasal sila, ni minsan sa loob ng apatnapung-taon ay hindi na sila biniyayaan ng anak. Kaya nga buong  giliw nilang inari ang aking nanay na tunay nilang anak. Inalagaan. Pinakain. Binusog ng pagmamahal.

Maputi daw si nanay noong bata pa. Madalas nga kapag yakag-yakag daw nila si nanay sa may likod-bahay, walang pagkakataong hindi napapansin ng ibang tao ang kagandahan niya. Matangos daw ang ilong. Mangasul-ngasul ang kulay ng mata na parang isang foreigner. Maganda ang kutis at mapula ang mga labi. Hulog nga daw ng langit si nanay para sa kanila. Kaya nga simula noon, Star na daw ang ipinangalan nila sa kanya.

Hindi daw sila nagkulang na turuan ng iba’t ibang bagay si nanay. At kahit kailan ay hindi sila nabigo dahil hindi rin daw matatawaran ang kabaitan at pagkamasunurin na ipinapakita ni nanay sa kanila. Kahit hanggang sa lumaki at magdalaga si nanay. May mga pagkakataon daw na umuuwing luhaan si nanay, minsan pa nga ay duguan at sugatan. Hindi nga daw kayang itanggi pa ni nanay ang lahat ng galos at sugat nito dahil na din sa mala-porselanang kaputian. Pero kahit minsan ay hindi nito magawang magkwento. Hindi na din inusisa ng mag-asawa kahit sa kabila ng pagkaawa at kalungkutan sa kanilang alaga.

May isang gabi nga daw na nagising sila na wala na sa higaan si nanay. Hinanap nila. Nagtanung-tanong sa kapit-bahay at sa mga taong madaanan nila kung nakita nila si Star pero bigo daw silang umuwi na hindi siya natagpuan. Laking pagkalungkot at panlulumo daw ang kanilang naramdaman. Nagkasakit daw si Mang Johnson dahil sa sobrang pag-iisip at pananabik sa aking inay. Napanghinaan na din ng loob si Aling Greta na mahanap pa niya ang aking nanay.

Hanggang isang araw habang naiidlip ay nagulat na lang daw si Aling Greta nang maramdaman niya ang halik ng kanilang anak, ang aking inay. May pagsusumamo ang tinig niya at bakas sa kanyang mga mata ang pananabik sa mag-asawa. Hindi na din noon masyadong makatayo si Mang Johnson dahil sa sakit. At hindi rin nagtagal ay binawian na rin ito ng buhay.

Lumipas daw ng ilang buwan ng pagdadalamhati ni Aling Greta at noon ay kabuwanan na din ng aking ina. Kahit hirap dahil sa katandaan, hindi pa rin daw niya ito nakaligtaang alagaan at bantayan. Hanggang sa maipanganak daw ako at ang aking  kapatid, si Rex.

Isang gabi habang natutulog daw noon si Aling Greta ay nakarinig ng kaluskos si inay. Dali dali itong tumayo. Nagising din noon ang matandang babae at nagulat nang makita ang mga magnanakaw sa loob ng bahay. Gumawa ng ingay ang aking inay habang humihingi ng saklolo si Aling Greta. Pero lubhang mapangahas ang mga magnanakaw at aktong sasaksakin ang matanda. Agad tumakbo si nanay at buong tapang na hinarap ang mga kawatan upang iligtas ang taong kumupkop at nag-alaga sa kanya. Ngunit sa kasamaang palad, walang patumanggang hinampas ng lalaki  sa ulo ng  aking ina ang itak na kanyang hawak-hawak. Isang saglit pa, nabawian na din ng buhay si inay. Labis na ikinalungkot iyon ni Aling Greta. Buong araw siyang nakatulala at nakatingin sa kawalan. May mga pagkakataong sa aking kamusmusan ay ikinuwento niyang lahat ang makulay na buhay nilang mag-asawa kasama si Star, ang aking matapang na nanay.

Ilang linggo pa ang lumipas, pumanaw din si Aling Greta.

Ako si Snowhite. Kasama ko si Rex, ang aking kapatid. Naka tadhanang mabuhay ng walang ama gaya ni Star na aking ina. Umaasa lamang sa mga taong may puso upang kami ay kupkupin at ariing bahagi ng kanilang pamilya.Aalagaan at mamahalin.

Madalas ay sa ganitong uri ng istorya lamang umiikot ang aming mundo.

Hindi kami tao gaya ninyo. Pero may damdamin ding kayang magprotekta at magmahal nang may buong katapatan.

Ako si Snowhite, your MAN’S BEST FRIEND.

 

 

 

 

 

 

 

About leahcim_isaac

31 years old, poet, already written hundred of poems and other literary articles love reading editorials and commentaries; novels and poetry. fond of watching movies and reading informative researches on the internet.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!