Ako si Sisa

(Photo Credit: Oocities.org)

CRISPIN!!!!!  BASILIO!!!!!  MGA ANAK KO..  NASAAN NA KAYO???!!!”

Sino nga ba ang makalilimot sa linyang ito  Sino nga ba ang hindi nakakakilala sa karakter na nagmula sa  nobelang akda ni Dr. Jose Rizal na NOLI ME TANGERE?

Sino nga ba ang hindi kilala si SISA?

Marami na akong iba’t ibang klaseng karakter na ginampanan sa mga pagtatanghal  noong ako’y estudyante pa lamang.  Bawat karakter ay naging bahagi na rin ng aking buhay-estudyante.  Hindi ko na matandaan kung ilang beses na akong natanong kung ano o sinong karakter ang nais kong gampanan.  At ang aking laging sagot, “Gusto kong maging si SISA.”

Pinagtatawanan na lamang nila ako tuwing sinasagot ko sila nang ganito.  Kapag gumanap daw kasi akong Sisa, effortless na masyado.  Natural na daw sa akin ang magbaliw-baliwan kaya naman wala na daw challenge ang role na yun sa akin.  Hindi na daw masusukat ng katauhan ni Sisa ang aking pag-arte.  Ilang beses na rin daw  kasi alkong akong gumanap bilang isang baliw tuwing may palabas kaya bakit naman daw ang maging si SISA pa ang aking dream role.  Wala na raw iyong ipinagkaiba sa ibang BALIW na karakter na natapos ko nang gampanan.

BALIW.

Yan ang pagtingin ng lahat kay Sisa.  Tunay nga naman na siya ay isang baliw.  Ngunit bakit nga ba sinapit niya ang ganoong uri ng kapalaran???

Si Narcisa, “SISA”, ay isang simple at mabait na babaeng ni minsan ay hindi naghangad ng masama sa kapwa.  Nagtratabaho siya bilang isang mananahi, ngunit lagi na lamang siyang pinangangakuang babayaran kahit natapos naman niya ang mga ipinagawa sa kanya sa itinakdang oras.

Isa siyang maybahay na minamaltrato ng lasenggo at sugarol na asawa niyang si Pedro, ngunit kahit ganoon ang nangyari ay nanatili siyang isang mabuting maybahay.  Bilang isang ina, ang kanyang tanging kayamanan ay ang kanyang dalawang anak na sina Crispin at Basilio.  Parehong inakusahang nagnakaw ang dalawang bata na naging sanhi ng pagkamatay ni Crispin.  Hindi kinaya ng kanyang  katawan ang pambubugbog ng “sacristan mayor” at ni Padre Salvi.

Sunod-sunod ang masasaklap na pangyayaring naganap sa buhay ni Sisa,  kinutya ng madla at hindi pinaniwalaan, ikinulong, binugbog at noong siya ay nakalaya, HINDI NA NIYA NATAGPUAN ANG KAHIT ISA MAN SA KANYANG DALAWANG ANAK.  

Sa buong pag-aakalang nawala na pareho ang kaniyang mga anak, tuluyan nang bumigay ang kanyang katinuan.  Siya’y nabaliw at naging palaboy-laboy na lamang sa lansangan.  Huli na nang nagkita sila ni Basilio na noong una’y hindi pa niya nakilala dahil na rin sa estado ng kanyang pag-iisip.  Ang isa sanang masayang pagtatagpo ng ina’t anak ay nauwi sa isang masaklap na pangyayari.  Namatay si Sisa at naiwang ulila si Basilio.

Napakasakit ng mga pangyayaring dinanas ni Sisa sa kanyang naging buhay.  Sinasagisag ng kanyang karakter na nagungulila sa pagkawala ng kanyang mga anak ang ating Inang bayan na noo’y nagdurusa rin.  Ang mga pagmamalupit na kanyang tinamo ay katumbas ng pagmamalupit at pang-aalipusta ng mga dayuhang mananakop sa ating bansa.  Ang pagkawala ng liwanag sa kanyang buhay ay katumbas ng pagkawala ng kalayaan ng ating bansa. Napakalalim nga ng karakter ni Sisa.

Hindi ba’t isang kahanga-hangang tauhan si SISA?

Isa siya sa mga tauhang nagbigay-kulay sa nobela ng ating pambansang bayani.

Kaya naman noong inatasan kaming gumawa ng isang palabas para sa aming klase sa “Rizal” , hindi ko na pinalampas ang pagkakataong matupad ang pagganap sa aking dream role.  Maliit lamang ang parte niya sa palaba,s pero ayos lang sa akin basta’t mabigyang-buhay ko si SISA at mabigyan ng hustisya ang aking pagganap sa kanyang papel.

Sa bawat praktis ay bigay na bigay na ang aking pag-arte.  Bawat salita, bawat sakit na kanyang sinapit ay damang-dama ko.  Alam kong kailangan kong paghandaang mabuti dahil hindi ko alam kung yun na ba ang una’t huling pagkakataon kong maging si Sisa.  Natatandaan ko pa noon na napalakas ang pagkakasampal at pagkakatulak sa akin ng aking kaklaseng gumanap bilang prayle.  Masakit talaga yun kasi napahandusay pa ako sa sahig.  Praktis pa lang yun ha.  Pero wala sa akin yun.  Ayos lang.  Bahagi ng palabas.

At sa araw ng pagtatanghal, hindi naman kami nabigo.  Kinarir talaga namin ang mga karakter na aming ginampanan.  Itinodo ko na ang pagiging si Sisa.  Naging makatotohanan ang aming palabas. Nabigyang-buhay ang isang napakagandang obra.  Pinalakpakan at pinuri  ng mga manonood ang aming pagtatanghal.  Maging ang aming guro ay lubusang natuwa dahil sa nasaksihan niya kung gaano namin isinapuso ang buhay ni Rizal at ang kanyang mga akda.  Isang namumukod-tanging pangyayari.  Isang bagay na tumatak sa aming lahat.

Ako naman ay walang pagsidlan ang galak dahil sa wakas ay natupad na rin ang aking matagal na pinangarap; naging AKO SI SISA.

Matagal-tagal na rin buhat nang ako’y huling sumali sa isang pagtatanghal.  Matagal na rin buhat nang ako’y gumanap bilang Sisa.  Pero kahit ilang taon pa ang lumipas, ang pagganap sa karakter na iyon pa rin ang aking magiging paborito at ipagmamalaki.  Sa aking puso’t isipan ay tumatak na si Sisa.

Si Sisa na isang matiising asawa.

Si Sisa na isang ulira’t mapagmahal na ina.

Si Sisa na mabait na babae.

Si Sisa na matatakutin sa Diyos.

Si SISA na hindi lamang ISANG BALIW.

Kaya buong pagmamalaki kong sasabihin na “Minsan, naging AKO SI SISA.

About april13

Nurse na nakastuck sa Disyerto. Writer na naglalakbay sa iba't ibang mundo ( hangga't kayang marating ng utak ko).
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!