ABROAD: Nagsimula sa Pangarap

(Photo Credit: gettyimages.com)
(Photo Credit: gettyimages.com)
(Photo Credit: gettyimages.com)

“Balang araw, ako’y makakapunta din sa abroad“.

Isang pahayag na namuo sa aking kaisipan noong panahon pa ng aking kamusmusan. Isang pangarap na nagbibigay liwanag at pag-asa na balang araw ay makakamtan ko rin at ng aking pamilya ang kaginhawaang tila ipinagdamot sa amin ng tadhana.

Ako’y isinilang sa hindi mayamang pamilya. Bakas ang kadukhaan sa bawat aspeto ng aming pamumuhay. At hanggang sa aking paglaki, dala-dala ko ang masakit na katotohanan na pilit kong tinatakasan maging sa aking panaginip na ako’y isang bunga ng pag-iibigan na hindi ipinaglaban para sa aking kapakanan.

Simula nang masilayan ko ang mundong ito, hindi ko kailanman nakilala ang aking ama. Pilit na ginawa ng aking ina ang lahat para ako ay maitaguyod at mapalaki nang maayos hanggang sa abot ng kanyang makakaya. Siya ang nagsilbing ama at ina ko. At naging patnubay sa lahat ng aking mga naging mithiin sa buhay.

Sa kabila ng kadukhaan at masalimuot kong mundo, hindi ako tumigil sa pag-abot ng aking mga pangarap at mithiin sa buhay. Datapwat, ang mga pangyayaring iyon sa buhay ko ay ginawa kong inspirasyon para unti-unti kong makamtan ang mga bituin na pinipilit kong abutin.

Nagsumikap ako sa aking pag-aaral. Pumapasok ako sa paaralan kahit walang baong pera o pagkain man lamang. Diskarte na lang ang puhunan para maitawid ang gutom na nararamdaman ng aking kumakalam na sikmura. Tiniis kong lakarin ang mahigit ilang kilometrong layo ng aking paaralan mula sa aming tahanan. Kung papalarin na may pera o makahiram ng pamasahe sa aking mga kaklase at mga kaibigan ay saka pa lamang makapagpapahinga ang aking mga paa sa pagod at pananakit ng kalamnan dulot ng malayong distansiya ng paglalakad.

Sa paglipas ng apat na taon, nagtapos ako sa high school bilang 4th honorable mention at nagsumikap na makapasa sa scholarship program ng Provincial Capitol. Sa awa ng Diyos, dininig Niya ang aking panalangin na makapasa upang maipagpatuloy ko ang aking pag-aaral sa kolehiyo. Nabiyayaan ako ng full scholarship at kumuha ng kursong BS in Computer Science.

Hindi ko inaasahan na sa pagtahak ko sa bagong kabanata ng aking buhay sa kolehiyo ay mas marami pa pala akong pagsubok na kakaharapin. Naroon ang mga pagsubok pinansiyal, peer pressure at maging ang pagsubok na normal na pinagdaanan ng nakararami — ang mga pagsubok sa buhay pag-ibig.

Nilabanan ko ang mga pagsubok na iyon sa paraang alam ko na tama at makabubuti para sa aking sarili at para sa mga taong naniniwala at umaasa sa aking mga balikat – ang aking pamilya (ang aking ina, ang aking tiyahin at lola na nag-aruga sa akin).

Para matugunan ang kakulangan ko sa pinansiyal na aspeto, nag-sideline ako na magbenta ng mga bags, bracelets at mga class A na Havainas slippers. Laway at makarismang sales talk lamang ang puhunan ko sa mga paninda kong iyon. Sapagka’t ito’y kinukuha ko sa aking kaibigang wholesaler. Nag-apply din ako bilang student assistant sa Computer Department para makadagdag na rin sa pang-allowance ko kada buwan. At namasukan din akong schoolgirl sa aking ninang sa binyag upang makalibre sa bahay at pagkain dahil malapit lamang ang bahay nila sa University na pinapasukan ko.

Pilit kong binalanse ang pag-aaral at ang pressure ng barkada. Naging masaya naman kahit papaano ang aking college life dahil sa mga naging kaibigan ko. Naranasan ko ang mag-aral ng leksyon na lasing o may hang-over pa para maipasa ko lamang ang aking mga exams nang sa gayon ay hindi mawala ang pinakaiingatan kong scholarship na nagsisilbing tulay  sa pagitan ko at ng aking mga pangarap.

Tinuruan ko ang aking sarili na maging manhid sa sakit na idinulot ng una kong pag-ibig, na siya ring naging una kong kabiguan sa larangan ng pagmamahal.

Sa huling semester ng aking pag-aaral sa kolehiyo, nakilala ko ang lalaking nagpatibok ulit ng aking puso at nagparamdam sa akin ng unconditional love. Simula noon, ako’y naniwala muli sa pag-ibig at naramdaman ko na siya na ang lalaking para sa akin.

Nagbunga din ang aking paghihirap at pagtitiyaga. Sa wakas, nakapagtapos ako sa kursong pinili ko, at iyon ay hudyat na naman ng pagsisimula ng panibagong kabanata nga aking journey in life.

Nakipagsapalaran ako sa Maynila. Isinama ako ng aking tiyahin na naninirahan doon upang makapaghanap ng trabaho. Hindi man sang-ayon ang aking kasintahan ay wala siyang magagawa kundi suportahan ako sa aking naging desisyon, sapagkat ito’y para sa kinabukasan ko at ng aking pamilya.

Nakapagtrabaho ako sa isang local call center company at tumagal lamang ako ng limang buwan. Hindi ko nakayanan ang shifting schedule, puyat, irregular eating habit at ang pressure sa trabaho. Dahil nagkakasakit na ako at inaatake ng aking hika ay nagpasya akong mag-resign at pagbigyan ang hiling ng aking kasintahan na umuwi na lamang sa probinsiya at doon na lamang maghanap ng trabaho. Kahit daw maliit lang ang sahod, kasama ko naman ang pamilya ko at hindi na kami magkakalayo.

Sa aking pagbabalik sa probinsiyang kinalakihan ko, masuwerte naman na hiring ang University na pinagtapusan ko. Natanggap ako bilang Clerk/Admin Staff sa Registrars office ng aking Alma Mater.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, isang pangyayari ang naganap na siya palang magiging simula na ang lalaking inakala kong magiging parte na ng aking buhay hanggang sa huling sandali ay mawawala sa akin. Nakatanggap ako ng tawag mula sa pinsan ng aking kasintahan na sila ay on the way papunta ng ospital, at ang pasyenteng lulan ng ambulansiyang iyon ay ang pinakamamahal ko.

Para akong nakalutang sa hangin habang nag-aabang ng masasakyan papunta sa ospital. Alas syete na ng gabi sa mga oras na iyon, at madalang na ang pumapasadang sasakyan papunta sa city. Nag-uunahan ang aking mga luha sa pagpatak sa magkabila kong pisngi. Hindi ko inaasahan ang mga pangyayari.

Pagdating ko sa ospital ay nadatnan ko sila na kasalukuyang nasa emergency room. Na-revive pa ang aking kasintahan subalit inilipat ito sa ICU. Inatake pala siya sa puso. First heart attack niya iyon, at hindi kami makapaniwala na mangyayari iyon sa kanya sapagkat wala ni ano mang sintomas na may sakit siya sa puso. Nanatili siya ng dalawang araw sa ICU. Nakalabas kami ng ospital makalipas ang isang linggo. At simula na pala iyon ng malaking pagbabago sa buhay namin.

Nasundan pa ng ikalawang atake sa puso ang insidenteng iyon, at dahil doon ay kinailangan niyang tumigil muna sa pagpasok sa trabaho ng dalawang buwan para makapagpahinga. Pagkalipas ng dalawang buwan ay nakabalik ulit siya sa kanyang trabaho. Nang dahil sa kanyang kondisyon, kinailangan niya ang aking full support at pag-aalaga kahit pa ang kapalit noon eh ang pag-absent ko lagi sa aking opisina. Kaunti na lamang ang natira sa aking sasahurin dahil no work no pay policy kami. Gayon pa man ay hindi ko pinagsisihan ang aking naging desisyon. Dahil nararamdaman ko na hindi na siya magtatagal.

Dumating ang araw na kanyang pinakahihintay. Niyaya niya akong magpakasal at sila ay namanhikan upang opisyal na pag-usapan ang aming pag-iisang dibdib. Pumayag ako na magpakasal sa kanya dahil mahal ko siya. Nanaig ang pagmamahal sa kabila ng takot at pag-aalinlangan. Takot ako noon sa maraming bagay na maaaring mangyari pagkatapos ng kasal.

Natakot ako na baka hindi ko makayanan pag nawala siya. Lalo na kapag nabiyayaan kami ng anak. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kapag dumating ang araw na iyon. Baka maisipan ko pa na mag-suicide. Isinantabi ko ang mga pag-aalinlangan, ang takot, pangamba at mga pagdadalawang isip na namumuo sa aking isipan, at napagkasunduan na August 2015 ang magiging petsa ng magaganap na kasalan.

Nakapagkit na ang petsang iyon sa aming isipan at sa mga miyembro ng aming pamilya na nakasuporta lamang sa mga desisyon at hakbang na aming gagawin. Noon ko napagtanto kung bakit ayaw niya akong payagan na sundin ang matagal ko nang gusto na magpunta ng abroad upang doon magtrabaho para sa ikagiginhawa ng aming pamumuhay.

Siguro matagal na niyang dinaramdam ang mga sintomas ng sakit niya at siguro nga matagal na rin niyang alam na may sakit siya, at gusto niya lang akong makasama hanggang sa kahuli-hulihang sandali ng kanyang hininga. Mas pinili lang siguro niya itong ilihim sa amin para ‘wag kaming mag-alala sa kanya at maging normal pa rin ang lahat.

Sumapit ang kanyang ika tatlumpu’t-anim na kaarawan. Labintatlong taon ang age gap naming dalawa, 19 anyos ako at 32 naman siya noong kami ay nagkakilala. Masaya kaming ipinagdiwang ang araw ng kanyang kapanganakan nang magkasama. Ni hindi ko man lang siya nakakitaan ng kahit anong senyales na iyon na pala ang pinakahuling birthday celebration na pagsasaluhan naming dalawa at ipagdiriwang nang magkasama.

Kinabukasan, pumasok kami sa trabaho na may ngiti sa mga labi at may usapang susunduin niya ako sa opisina upang sabay kaming umuwi sa bahay dahil bibili siya ng gamot sa pharmacy malapit sa amin at doon na lamang siya matutulog at magpapalipas ng gabi.

Iyon na pala ang pinakahuling beses na masusundo niya ako sa opisina, at huling beses na makakasama ko siya na buhay. Wala man lang ni isang pahiwatig na mawawala na siya sa araw na iyon. Pagsapit ng 8:30 ng gabi, habang nagpapahinga na kaming lahat sa bahay at nanonood ng tv ay inatake siya sa puso.

Sa pagkakataong ito ay third heart attack na niya. Sinikap naming madala siya agad sa ospital. Sira ang ambulansiya ng munisipyo kaya ang multi-cab ng barangay ang aming nasakyan papunta sa ospital. Habang nasa daan kami na hindi na masyadong kalayuan sa ospital ay binawian na siya ng buhay. Dead on arrival na ang declaration sa emergency room pagdating namin.

Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman kong sakit noon. At hindi ko rin malaman ang aking gagawin. Sobra ang pagkabigla at takot ko sa bilis ng mga pangyayari. Nakadagdag pa sa inaalala ko na baka sisihin ako ng kanyang mga magulang at mga kapatid na pinabayaan ko siya. Huli na kasi ang lahat nang dumating ang kanyang ina sa ospital.

Wala na siya, wala na ang kaisa-isang lalaking nagparamdam sa akin ng pagmamahal; hindi lamang bilang kasintahan, kundi bilang kapatid, kaibigan, at nagbigay ng fatherly love na inaasam-asam ko simula pagkabata.

Sa tulong at pagmamahal ng aming pamilya, unti-unti kong natanggap ang lahat. Sinuportahan nila ako sa aking desisyon na sundin ang matagal ko nang pangarap na mag-abroad. Isa na rin iyong hakbang para makapag-move on at makapagsimulang muli.

Nag-apply ako sa isang agency as private tutor. Dahil hangga’t maaari ay ayaw kong maging Domestic Helper pag nag-abroad ako. Subalit noong nasa training center na ako ng agency at dumating na ang visa ko, DH pala ang bagsak ko. No choice na ako sa mga panahong iyon. Inisip ko na lang grab ko na lang yon as a stepping stone na makapag-abroad ako para sa pangarap ko, para sa pamilya ko, at para makapag-move on na rin.

Natuloy ako na makalabas ng bansa, at nakarating nang maayos sa Kuwait. Sa pagtuntong ko sa panibagong lupain na magiging saksi ng panibago kong kasaysayan, inaral ko at tinanggap ang kanilang kultura. At kinumbinsi ang aking sarili na magiging ok din ang lahat.

Sa pagdating ko sa pamamahay ng aking employer, naging maayos naman ang kanilang pakikitungo at pagtanggap sa akin. Mababait naman sila at hindi madamot sa pagkain, at ibinibigay naman nila kung ano ang personal needs ko. Ngunit may hangganan din pala ang lahat ng iyon.

Makalipas ang tatlong buwan, unti-unti nang nagsimula ang mga pagbabago. Nagsimula na silang maghigpit sa pagkain. Hindi na ako malayang magluto kung ano ang gusto ko. Hindi ko na rin puwedeng kainin ang mga natira nilang pagkain hangga’t hindi lumilipas ang tatlong araw na nasa refrigerator ang mga ito at saka pa lamang nila sasabihin na puwede ko na itong kainin. At bawal na ang magpahinga. Kailangang makita ka nilang busy lagi at may ginagawa. Dahil kung hindi ay puro utos ang aabutin mo, ‘yung tipong pinahihirapan ka nang husto.

Hindi ko sukat akalain na ang pangarap ko pala na magpunta ng abroad para sa ikabubuti ng pamilya ko ay siya rin pala ang simula ng mas maraming paghihirap at pagtitiis.

Dito ko lang narasanan na kumain nang patago, magdala ng pagkain sa bulsa habang naglilinis ng sala, banyo, kuwarto, atbp. Dito ko lang din naranasan na ganito pala kahirap ang buhay ng isang katulong. Naging paborito ko nang ulam ang itlog at paboritong pang laman ng tiyan ang kuboz (tinapay na matigas pag nasobrahan ng init o kaya mahanginan). At naging pang araw-araw ko nang pampalambot ng kuboz ang mainit na kape. Dito ko lang din naranasan na mag-agahan ng bandang 10-11 am or 12 noon. At magtanghalian bandang 2, 3, 4 or 5pm. Maghapunan ng alas 10-11 pm or 12mn.

Hindi pala ganun kadali ang makipagsapalaran sa abroad. Lalo na at katulong o DH ang napasukan kong trabaho. Idinadaan ko na lamang sa pag-iyak para mabawasan ang hirap, sakit at lungkot na aking nadarama. Hanggang ngayon napapahagulgol pa rin ako kapag naaalala ko ang aking kasintahang pumanaw na, at kapag naiisip ko ang akahabag-habag kong sitwasyon.

Kahit ganito ang kinahinatnan ng pagpunta ko sa abroad, buong tibay, tapang at determinasyon ko pa rin itong nilalabanan na malalagpasan ko rin ang lahat ng ito. Iniisip ko na lang lagi na matatapos din ito. At para sa pamilya ko ang lahat ng hirap at sakripisyong ito.

Para sa pangarap ko hindi ako susuko. Hindi habang buhay ay magiging katulong ako at alipin ng ibang lahi. May awa ang Diyos. I do believe that God has a purpose for me, and He has a purpose for everything that happened.

orig. written by: jjfdc

(This is based on my true-to-life story)

About Yohj Amitaf

I am an OFW currently working in Kuwait. I graduated BS Computer Science at Capiz State University, Pontevedra Campus. I am an only child and was raised by my mother alone since birth. I started to have passion in writing poems, articles and short stories when i was in high school. But wasn't able to pursue it due to some circumstances. I am looking forward in writing a book in the future. I hoping that by contributing my skills in writing in this site will be a good start.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!