A Letter for My Ex-husband

Credit to image owner

Ginawa ko itong sulat na to nang walang halong galit.  Habang sinusulat ko to,  instead of hating you, mas matimbang pa din ‘yung good memories at pagmamahal ko sa iyo.

Naalala ko nung una ulit tayong nagkita. Photoshoot?  Ikaw ang photographer.  ‘Yun ‘yung mga panahon na hinahanap ko ‘yung sarili ko,  feeling ko kasi nawawala eh.  So dun na nagsimula ‘yung love story natin.  Hanggang sa chat ka na nang chat.

Remember our first date?  Sa pazza pizza?  Galing pa akong pampanga non, pero ginawan ko ng paraan makapag bonding lang tayo.  Naalala ko non,  masayahin ka lang,  laging naka ngiti.  Hindi marunong magalit.  But that time, parang takot pa akong pumasok sa relasyon kaya may times na sinasabi ko sa iyo na huwag magmadali.

Biglang sumabay pa ‘yung  namatay ‘yung lola ko,  nalungkot ako nang sobra na pati ikaw ayaw ko nang kausapin. Pero ma effort ka,  pinaramdam mo pa rin sa akin na hindi ako nag-iisa.  Lagi mo akong sinasamahan sa puyat.

Doon ako nagsimulang ma-fall sa iyo.  Hanggang sa lagi na tayong nag d-date.  Lagi mo akong pinapasaya, kinukulit.  Sobrang clingy mo, minsan nga nakakairita na kasi sanay lang ako nang mag isa.  Umabot ang 3 months nabuntis mo na ako agad.  Ang bilis, ‘di ba?  Hahaha.  Sabi mo nun,  bubuntisin mo na ko.  Mag-aasawa na tayo.

Naalala ko ‘yung araw na confirmed na buntis nga ako.  Ang saya saya mo nun,  hindi maipaliwanag ‘yung saya sa mukha mo.  Kaya lalo kitang minahal. Inaalagaan mo ko,  lahat ng gusto kong kainin ibinibigay mo,  kahit ‘yung strawberry na sobrang hirap hanapin. Nag-decide ka na kunin na ko,  para mag-stay sa iyo.  Hanggang sa ikinasal tayo,  Dec 28, 2016.

Late ka pa nga nung kasal natin kaya umiiyak ako sa inis.  Masaya naman tayo noon.  Masaya ka lang palagi nun. Hanggang dumating sa point na “what went wrong? ” May times na mabilis ka na magalit at uminit ang ulo. Hanggang sa namatay ‘yung lola mo na kinalakihan mo.  Habang tumatagal lalo kang nagiging mainitin ang ulo, may times na nag-aaway tayo, nagmumura ka na.  Naiiyak na lang ako kasi hindi ka naman dating ganoon.  Hanggang sa padalas nang padalas away natin.

Makalipas ang ilang buwan lumabas na si baby,  madalas nag-aaway na tayo lalo.  Dumadating sa time na nag-aaway na din tayo kasi inaaway mo ‘yung mama mo.  Patagal nang patagal naging mainitin yung ulo mo nang sobra.  Hindi nagtagal namatay na din ‘yung lolo mo.  Lalong lumala ‘yung gulo sa pamilya mo na pati ako damay.  Pati ako nahihirapan na dahil sa mga issue na kung ano ano.  Pero sabi ko sa sarili ko kahit hirap na hirap na ko.  Okay lang ang mahalaga nagkakaintindihan tayong mag-asawa.

Dumating ‘yung point na hindi na ko lumalabas ng kuwarto natin iyak na lang ako nang iyak kasi nakaka-depress ‘yung mga nakapaligid sa atin dun.  Na halos pati tayo nag-aaway na lagi dahil laging masama loob ko.  Paulit-ulit na away,  gulo pero hindi ako sumuko kasi gusto ko buo tayong tatlo ng anak natin.  Sobrang dami na natin pinag-awayan minsan gusto ko na din patulan ‘yung mga tao sa inyo pero ayokong gawin.  Hanggang sa nag away na tayo nang tuluyan ngayon,  pinag sabihan lang kita nagalit ka na hanggang sa masasakit na salita na yung narinig ko sayo.  Ayokong ilagay dito yung mga bad words or bad memories kasi gusto ko ng i let go ung pagmamahal ko sayo.  Okay lang kahit anong hinding magagandang post ang i post mo sa fb, wala na kong magagawa dun.

 

Gusto ko lang na kahit sa huling sandali sabihin sa ‘yo na hindi ko pinagsisisihan na minahal kita dahil may Adam tayo.  Kahit na lagi mong pinapamukha sa ‘kin na pinagsisisihan mo na pinakasalan mo ako.  Pinagsisisihan mo na minahal mo ako.  Minumura mo ako.  Pinapatawad ko na ‘yun.  Ayokong mabuhay sa galit,  mas matimbang pa rin ‘yung pagmamahal ko sa ‘yo.  

‘Yun nga lang mas matimbang ‘yung galit mo which is ‘di ba dapat ako ‘yung nakakaramdam ng galit ngayon?  

Hindi naman ako galit,  pero nasasaktan ako.  Sobrang sakit na buong pagkatao ko down na down na sa mga sinasabi mo.  Hanggang ngayon alam mo?  Kahit post ka nang post sa FB ng masasakit na patama na hindi naman totoo?  

Ako ito nag-aalala pa rin sa ‘yo kung paano na ang buhay mo?  Sino na mag-aalaga sa ‘yo pag nagkasakit ka?  Sino na magluluto para sa ‘yo?  Pero hanggang dito na lang itong nararamdaman ko.  Kailangan ko nang tanggapin na wala nang tayo.  Na sira na ‘yung tayo.  Na hindi mo ako ganon kamahal kaya ginagawa mo sa ‘kin ito.  

Huwag kang mag-alala.  Aalagaan ko ‘yung anak natin.  Mamahalin ko siya nang sobra.

Salamat sa mga good memories na natabunan ng puro away.  Hindi kasi ako makaka-move on kung hindi ko tatanggapin na hanggang dito na lang talaga tayo.  Sino ba naman kasi ang may gusto ng broken family?  Sino ba naman ang may gusto ng magulong pamilya? 

Hanggang sa huli.  Mahal na mahal kita pero paalam na,  unti-unti kong tatabunan ‘yung pagmamahal ko na ‘to.  Sa anak na lang natin ko siguro ito dapat ibuhos.  Mahirap. Sobrang hirap pero kakayanin ko para sa anak natin.  Huwag kang mag-alala,  paglaki ng anak natin,  makikilala ka pa rin niya na ikaw ang tatay niya. Sana kapag nabasa mo ito someday,  naka-move on na ako at wala na itong pain sa puso ko.

Pinapalaya na kita.

About Ms Vulnerable

Vulnerable
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!