The many faces of Janet Napoles during the interview
Photo Credit: newsinfoinquirer.net

Hindi ko alam kung matatawa ako o maiinis habang binabasa ang serye ng transcript ng interview ni Janet Napoles na kasalukuyang ipina-publish ng Inquirer.

Hindi ko rin alam kung natural ang kanyang ‘kabobohan’ ayon sa nakuha kong impresyon mula sa kanyang mga sagot o playing dumb lang siya, na mas lalong nakapapangamba. Hindi kasi kapani-paniwala ‘yung una dahil sa laki ng halaga na ikinakabit sa umano’y pangungulimbat niya sa kaban ng bayan. Sa level ng intelihensiya na ipinakita niya sa interview, hindi mo talaga maiiwasang magtanong na – ito ba iyong babae na inaakusahang utak sa ’10 billion pork barrel scam’?

Bukod kasi sa walang sense ang kaniyang mga sagot, puro pa paiwas. Okey maiintindihan ko kung tumanggi siyang sagutin ang ilang mga tanong para maiwasan ang kumplikasyon sa kanyang kaso, pero wala talaga eh, as in WALA akong makuhang sense sa kaniyang mga sagot. Kung mababasa niyo ang transcript (i-klik ang link sa ibaba), puno ng ‘ano’, ‘kuwan’ at mga unintelligible murmurs ang kaniyang binibitiwang mga salita.

Heto sampol:

Monsod: Are you saying you have the money in AMWSLAI?

Napoles: We have P5 million po.

Monsod: P5 million? Not 500?

Napoles: No. My goodness! [laughs] 500. ’Di ba ho? Kaya, medyo. So, pero sabi nga ng lawyer, wag nang ano. Pag nasa legal ano na lang po di ba. Sa ano lang kasi, yung anak kong isa, depressed na. [Unintelligible] Ilan na yung anak kong. Meron na namang isa. Siyempre everyday ’di ba, below the belt. Hanggang sa pinaglalaruan na ho kami sa Internet, sa buong… Pati yung anak kong isa, ayaw nang umuwi dito ng Pilipinas. Sana kung. Tutal, may investigation naman hong nangyayari. Yun lang ho ang pakiusap ko.

At heto pa isa:

Nolasco: Sino nagturo sa kanila mag-incorporate?

Napoles: Ay kasi po, yaya po siya nung ano, parang nanay ko, Louie knows that.

Cabacungan: Eh, incorporator niyo, ma’am, eh.

Napoles: ’Yun na nga eh. Sana kung tinanong mo ako, I can … na may document po ’yun. Na ’pag kasi diabetic ano [unintelligible] hindi ho ako ano. ’Yung isang anak ko, 18 years old, nilipat na kay Anabelle ng anak niya. Kay Gertrude is, ’pag nag-18 na po ’yung bunso ko, i-tratransfer na ’yung ano. May side agreement po ’yun. Kasi po ’yung mga anak ko, bata pa. Kaya incorporator po, family namin. Kasi, parang kamag-anak, ’di ba? Nasa ’min, 25 years mong kasama, kasama mong matulog, kasama mong kumain. Hindi ho kinakatakutan ko ’to. Alam niyo kinakatakutan ko? Buti ho hindi kami nilason nung kasama namin sila, na ganyan na pala kalalim ang ginagawa nila sa opisina.

Pero dito ako nawindang, may comic relief pa siya. Ang luuupit!:

[To photographer Edwin Bacasmas] Kuya, bibigyan kita ng picture. ’Wag mo na akong picturan. Pangit ako ngayon, stressed. [Laughs] Sige na please, ’di ba? Please naman.

Anyways, interesting din ang background na kwento kung paano siya nagpainterview sa Inquirer.

Una, hindi alam ng abogado niyang si Atty. Lorna Kapunan ang tungkol dito. Kusa siyang pumunta sa opisina ng respetadong newspaper. (Parang nahuhuluan ko na ang magiging reaksiyon ni Kapunan dito.)

Pangalawa, hindi niya inaasahan na round table interview ang mangyayari. Akala niya ay isa lang ang kaniyang makakausap at hindi ang buong staff at reporters ng diyaryo. Pero hindi pumayag ang pamunuan kaya napasubo siya sa group interview.

Halata ang nerbiyos at pag-iingat sa kaniyang pananalita kahit hindi ko siya nakita. Ingat na baka magkamali sa pagsagot at nerbiyos dahil hindi niya inaasahan ang naging takbo ng pangyayari at hindi siya handa sa mga tanong.

Pero kung ikaw ba na gusto mong linisin ang pangalan mo sa isang malaking eskandalo, at ikaw mismo ang kusang nag-alok ng panayam, hindi ba naman dapat lang na maging handa ka? Siguro naman alam niya na ang mga posibleng katanungan dahil detalyado ang pagsisiwalat ng pahayagan sa isyu.

Samakatuwid, nasorpresa siya dahil hindi talaga iyon ang kaniyang pakay.

Isa lang ang masasabi ko, kung isa lang ang plano niyang kausapin (marahil ang pinakamataas na tao), meron siyang binabalak na iba. Kung ano man iyon ay kayo na ang humula. Para sa kaalaman ng lahat, ang Inquirer ang unang nagpasabog ng kontrobersiyal na scam at patuloy itong naglalabas ng mga series of investigative articles na lalong nagdidiin kay Janet Napoles.

Ngayon balik tayo sa pagkaaliw ko sa binasang mga transcript ng interview. Obviously, hindi ko nakitaan ng intellect si Napoles kaya gusto ko na tuloy maniwala na wala talaga siyang kinalaman sa mga ibinibintang sa kaniya.

Pero, iba naman ang pagiging matalino sa pagiging WAIS, di ba? Ang bagay yata na tawag sa ganitong mga tao ay cunning o scheming. Ewan ko kung lilingon din siya sa tawag na tuso.

Pero kung tunay man lahat ng kasong kinasasadlakan niya, aba eh bilib ako sa kaniya. Hindi ko maaaring husgahan at maliitin ang kaniyang katalinuhan. Na ginamit nga lang sa hindi mabuting paraan.

Hindi ako bibitiw sa pagsubaybay sa interview na ito ni Janet Napoles. Gusto kong malaman kung saan siya dadalhin ng pagkakasubo niya dito. Dahil kung patuloy niyang isusuot ang damit ng hunyango, nagkunkunwari man siya o nagpapakatotoo, maaaring ito rin ang magsadlak sa kaniya sa kumunoy na mahihirapan na siyang umahon.

Ang isda, ‘ika nga, ay sa bibig din nahuhuli.

Respetado at hindi mga bobo ang taong kaharap niya sa Inquirer na nagbabato ng mga tanong sa kaniya. Kung hindi siya mag-iingat, marahil ay kumagat siya sa pain ng kanilang pagtatanong. At kung suswertehin, marahil ay lumabas ang katotohanan nang hindi sinasadya. At marahil para kay Janet Napoles, huli na ang lahat para umatras pa. Maaaring ito na ang simula nang kaniyang katapusan.

Dahil kung susuriin ang nagiging takbo ng panayam, malinaw na meron talaga siyang itinatago. Ang kaniyang pag-iwas sa mga tanong ay lalo lang nagdadagdag ng pagdududa sa kaniyang katauhan.

Kung meron man akong dapat ipagpasalamat sa kaniya, iyon ay marahil naaaliw niya ako matapos ang nakakalungkot na pagkatalo ng Gilas Pilipinas sa Iran.

Sa totoo lang kinasasabikan ko ang suunod na mangyayari sa dramang ito. Mas dobleng higit pa kaysa mga teleserye nila.

Sources: http://newsinfo.inquirer.net/462867/janet-napoles-takes-the-floor-at-inquirer

http://newsinfo.inquirer.net/463503/napoles-insists-her-money-came-from-inheritance- coal-trading