Yakap ni Itay (Photo Credit: www.flickr.com )

Yakap ni Itay (Photo Credit: www.flickr.com )

Nasa sinapupunan pa lamang ako ng aking inay ay nakikinikinita  ko nang magiging masaya ang aking pagsilang. Nararamdaman ko kasi ang init sa loob ng kanyang tiyan, parang init ng pagmamahal. Parati rin akong idinuduyan sa tuwing siya’y hahakbang; napakasarap sa pakiramdam. Habang unti-unting nabubuo ang iba’t ibang bahagi ng aking katawan,  tila lalo akong nasasabik na lumabas. Nararamdaman ko ang palad niya na inaalalayan at hinahaplos-haplos ako.  Madalas din niya akong ikonsulta sa Doctor. Kaya naman wala akong pag-aalinlangan sa pag-ibig niya; tunay ngang mahal na mahal ako ni Inay.

Sa sobrang kasabikan ko, tila napaaga nga yata ang aking pagsilang. Pitong buwan pa lamang ako sa tiyan ni Inay nang ako’y ipinanganak; nadulas kasi siya noong nililinis ang aking magiging kuwarto.

Sa kasamaang palad, namatay si Inay. Taliwas sa inaasahan ko sanang kasiyahan ang sumalubong sa akin sa mundo; naging malungkot ang pag-iyak ko. Ayaw ko pa nga sanang umiyak e, para maramdaman ng mga tao kung gaano ako nalungkot sa pagkawala ni Inay, pero pinalo ako sa puwet ng Doctor. Dahil doon, nagpalahaw ako nang napakalakas.

Kapalit ng aking pagsilang ang pagpanaw ni Inay, pero hindi ko maintindihan kung bakit sa akin ibinubunton ni Itay ang kanyang galit. Simula noong isinilang ako, hindi ko naramdaman ang yakap niya. Hindi niya ako kailanman kinarga, ni inawitan pa; na inaasahan ko sanang gagawin niya, lalo pa’t wala na si Inay. Si Lola Maria lamang ang gumagawa niyon para sa akin. Wala kasing oras si Itay, madalas ay naglalasing siya pagdating ng gabi. Pilit na kinalilimutan ang lahat ng masasakit na nangyari; hindi pa rin niya  matanggap-tanggap ang sinapit ni Inay.

Tuwing umaga, sa aking paggising, palagi lang akong nilalampas-lampasan ni Itay. Kahit nilalakasan ko na ang aking pag-iyak, hindi pa rin niya ako kinakarga.  Si Lola lang ang laging nag-aasikaso sa akin. Noon ngang minsan na gutom na gutom na ako, hindi niya man lang ako nagawang ipagtimpla ng gatas. Hindi niya rin ako tinatabihan sa pagtulog, nag-iisa lamang ako sa aking kuwarto. Takot na takot ako lagi sa tuwing darating na ang gabi, baka kasi may ibang taong kumuha sa akin.

Natuto naman akong magsalita at maglakad sa tulong pa rin ni Lola Maria, hanggang sa mga panahong iyon ay wala pa ring pakialam sa akin si Itay. Kahit ipakita ko pa sa kanya na kaya ko nang tumindig nang mag-isa, bigla naman siyang tatanaw sa malayo. Kung kaya’t nakasanayan ko na lang din ang mga araw na parang wala siya. Ang pakiramdam ko nga’y si Itay ang nawala, at hindi si Inay.

Dahil sa pagiging mailap sa akin ni Itay, tumatak sa utak ko na hindi siya mabuting ama sa akin. Hindi ako kailanman nagtangkang lumapit sa kanya, dahil baka saktan lamang  niya ako. Alam ko kasing ako pa rin ang sinisisi niya sa pagkamatay ni Inay. Kahit hindi sabihin ni Lola, ramdam ko ang bagay na iyon.

Naiinggit ako kapag nakakikita ako ng ibang bata na kalaro ang kanilang ama, pero nasanay na lamang din ako sa pagkukunwari na isa ako sa mga batang nakangiti habang pinatatawa ni Itay. Ang sarap isiping nakasakay ako sa kanyang balikat habang siya’y tumatakbo, pero ang lungkot dahil hindi iyon totoo.

Nitong isang gabing nakita ko siyang susuray-suray sa daan dahil sa sobrang kalasingan, parang gusto ko siyang lapitan at tulungan. Bumagsak pa siya sa lupa, sumuka sa daan, at sa labas na ng pinto nakatulog. Awang-awa ako sa itay ko, at noon ko napagtanto kung gaano niya kamahal si Inay. Tinitigan ko siya, natitiyak kong hindi biro ang pinagdaraanan niya, nakikita ko iyon sa kanyang matamlay na mukha. Anim na taon na siyang gano’n, nawalan na siya ng ganang maghanap-buhay. Hindi na niya ako naintindi, gayon din ang kanyang sarili.

Naglakas-loob akong lumapit sa kanya kahit natatakot ako, gusto ko siyang buhatin at ihiga sa papag, pero hindi ko siya kaya. Umupo na lamang ako sa tabi niya, nanginginig kong idinampi sa kanyang buhok ang aking nag-aalangang palad, saka ko hinimas ang kanyang noo. Kahit nakaw lamang ang sandaling iyon, gustong-gusto ko ang tagpong magkatabi kaming dalawa. Ang pakiramdam ko’y nakikipaglaro ako sa aking itay, nakikipagkuwentuhan at nakikipagtawanan. Napangiti ako nang hindi siya pumalag habang ipinadadama ko sa kanya ang pag-ibig ko, siguro’y dahil wala naman siyang magagawa nang mga sandaling iyon. Kung sakaling magising naman siya, kakaripas na lang ako ng takbo papasok sa kuwarto.

Kumuha ako ng tuwalya at palangganang may lamang tubig, isinawsaw ko sa tubig ang tuwalya, pinigaan, at saka idinampi sa nanlalagkit niyang katawan. Panay ang hilik ni Itay, lasing na lasing siya. Sa ‘di inaasahang pangyayari, kumilos ang kanyang braso, napayakap siya sa katawan ko. Natumba ako sa tabi niya. Pilit akong bumabangon, subalit hindi ko kaya ang lakas niya. Takot na takot ako noon, tinatawag ko si Lola, pero hindi niya ako naririnig. Itinulak ko pataas ang kanyang braso, umangat iyon nang bahagya subalit muling bumagsak sa akin. Halos maiyak na ako sa takot, pero noong banggitin niya nang marahan ang mga salitang “anak ko,” hindi na ako pumalag. Pinaulit-ulit pa niya iyon, hanggang sa tila naging isang magandang musika na sa aking tainga. Humiga ako sa tabi niya, at ginawa kong unan ang kanyang dibdib.

“Anak, patawarin mo si Tatay ha,” dugtong niya.

Sa mga sandaling iyon ay hindi ko alam ang itutugon, bigla akong kinabahan. Ngunit sa isip ko mandin ako ay natutuwa. Tunay ngang masarap magkaroon ng isang ama. Hindi ko sinagot ang kanyang mga sinabi, bagkus ay nagpatuloy lang ako sa pakikinig, at hindi ko na nga napansin ang pagpatak ng aking luha.

Unang beses kong naranasan ang kanyang yakap, at sa pagkakataong iyon ay ayaw ko nang kumawala pa, kung kaya’t yumakap na rin ako sa kanya. Matagal kong hinintay ang sandaling iyon, kahit alam kong lasing lang siya, sa isip ko’y isa iyong pangarap na natupad. Sapagkat para sa isang batang katulad ko na nangungulila sa pagmamahal ng isang ama, ang yakap na iyon ay walang hanggan, at hindi ko ipagpapalit sa kahit ano mang bagay, kailanman.