Ai-ai crying during an interview with Boy Abunda. Photo courtesy of ABS-CBN.

Ai-ai crying during an interview with Boy Abunda. Photo courtesy of the Buzz, ABS-CBN.

Noong nakaraang Linggo ay napanood ko ang interview ni Ginoong Boy Abunda kay Ginang Ai Ai De las Alas. Dahil matagal na akong wala sa Pilipinas ay hindi na ako updated sa mga kaganapan sa Showbiz na talaga namang inaabangan at sinusubaybayan ng marami sa ating mga kababayan.

Nasorpresa lang ako sa walang tigil na pagluha ni Ai Ai sa TV habang inilalahad niya ang kanyang mga pinagdaanan sa kamay ng kanyang kabiyak na si Jed Salang. Sa totoo lang, wala nang bago sa mga inilahad ni AiAi habang kapanayam siya ni Boy. Marami sa mga Pilipina ang nakakaranas ng dahas sa kamay mismo ng kanilang mga asawa. Nakapagtataka lang na sa dinadami ng mga tao sa Pilipinas ay kay AiAi pa nangyari ang ganitong pagmamalabis. Bakit nga ba nagkakaroon ng mga ganitong kaso ng pagmamalabis laban sa mga kababaihan sa kabila ng kanilang emansipasyon at pagiging independente sa ikadalawanput-isang siglo?

Ang Pilipinas, kung tutuisin, ay isang bansang may malasakit at respeto sa mga kababaihan. Tayo lang yata ang bansa sa Asya ang nagtagumpay na magluklok ng dalawang babaeng presidente. Ito’y tanda ng isang lipunan na hindi tinitingnan ang kasarian ng isang tao upang maging karapatdapat  na pinuno. Pero bakit nga ba may mga kalalakihang tila walang respeto sa mga kababaihan? Ayon kay AiAi ay ginamitan sya ng dahas ng kanyang kabiyak na humatong sa pagkaladkad sa kanya mula sahig hanggang kama. Inilahad rin nya na madalas ay pisikal ang kanilang nagiging alitan na nauuwi sa sampalan at suntukan. Ganun na lang ba kadali para sa isang lalaki na saktan ang isang babae dahil alam niyang wala itong laban?  Sadya nga bang malupit ang ibang mga lalaki at hindi nila mapigilan ang kanilang mga sarili tulad ni Jed?

Ai-Ai and Jed on their wedding day.

AiAi and Jed on their wedding day.

Kung ating susuriin at bibigyang pansin ang ating lipunan, hindi pa rin nawawala ang kulturang “macho” nating mga Pilipino. Marami pa din sa ating mga kababayan ang naniniwalang ang mga babae ay pangalawa lamang sa mga lalake bilang mga mamayan. Marahil ito na rin ang resulta ng mahigit sa tatlong siglong pananakop ng mga Espanyol. Ang mga sinaunang Espanyol o mas kilala ng ilan sa atin sa tawag na mga “Kastila,” ay ang nagpakalat ng paniniwalang ang mga kababaihan ay pumapangalawa lamang sa mga kalalakihan. Itinuturing nila noon na pag-aari ang mga babae katulad ng isang bahay o lupa. Dito rin nagmula ang kultura ng pagbibigay ng dote ng mga lalake sa ama ng  babae kung sila ay nagdesisyon na magpapakasal.

Sa pagdaan ng panahon ay unti-unting nawala ang ganitong tradisyon ngunit ang kultura ng pagturing sa mga kababaihan bilang pangalawang uri ng mamayan ay namamayani pa rin. Marami pa rin sa mga kalalakihang Pilipino ang naniniwala na ang mga babae ay dapat nanatili lamang sa bahay at nag-aalaga ng mga bata. Iniisip din ng marami sa mga Pilipino na ang pagkakaroon ng maraming babae (kabit) sa buhay nila ay tanda ng pagiging macho kahit ito ay pinagbabawal ng simbahang katoliko. Para sa maraming lalake sa Pilipinas, ang pagkakaroon ng ibang babae maliban sa kanilang mga asawa ay tanda ng pagiging isang tunay na “macho.” Kung ganito ang paniniwala ng marami sa mga Pilipino ay hindi rin nakapagtatakang madali nilang saktan ang mga kababaihan. Kung mababa ang tingin nil sa mga babae ay madali nila itong pagbuhatan ng kamay. Naniniwala akong may koneksyon ang mga kaso ng karahasan laban sa mga kababaihan at ganitong pananaw ng mga  Pilipino. Aminin man natin at hindi, ang kultura natin ay sadyang may pagka-”macho” na nagiging dahilan ng pagmamalabis ng mga lalakeng tulad ni Jed.

 

Enhanced by Zemanta