(Photo Credit:   Toddsrus.themtodds)

(Photo Credit: Toddsrus.themtodds)

Sino ba talaga si Inay???

Sabi nila, wala na raw makapapantay sa pagmamahal ng isang ina sa kanyang mga anak; lahat ay gagawin nito para sa higit ikabubuti ng kanyang mga supling. Maging ito ma’y magdadala sa kanya sa tiyak na kapahamakan o ‘di kaya’y kahit na masama o ‘di kaaya-aya sa mata ng lipunan at minsan sa mata ng Dakilang Lumikha para lamang maitaguyod o matakpan ang gawain ng mga ito. Pero ito ba ay tugma sa lahat ng mga ina?

 Bago pa lang tayo isilang sa mundong ito, ilang buwan na tayong inaalagaan ng ating ina sa kanyang sinapupunan. At halos ibuwis ang buhay para lamang mailuwal tayo upang matunghayan ang kagandahan ng daigdig. Inalagaan tayo hanggang sa tayo matutong gumapang,lumakad at kalaunan tumayo sa sarili nating mga paa. Hindi biro ang ginagawang sakripisyo niya para lng tayo mapalaki ng maayos. Ang pagmamahal ng isang ina sa kanilang anak ay katumbas na rin ng kanilang buhay, minsan pa’y mas higit pa dito. Ang mga ina ay binansagang “ilaw ng tahanan” dahil sa kanila nanggagaling ang liwanag na tumatanglaw upang mapabuti ang paglaki ng mga anak para sa ikakaunlad ng mga ito. Sila ang ang una nating mga guro na nagtuturo ng mga magandang asal at naggagabay sa atin para makasabay tayo sa takbo ng buhay. Ngunit hindi lng natatapos ang pagiging ina nila doon, kundi habang buhay. Dakila ang mga ina, ang pag-aaruga nila walang kapantay at walang kupas. Ngunit ito ba ay akma sa lahat ng ina?

Lumaki ako sa isang pangkaraniwang pamilya, pagsasaka ang ikinabubuhay namin. Isang simpleng pamilya lamang noon ngunit napakasaya. Ang ilang masasayang sandali sa buong buhay ko ay nakatatak sa musmos kong kaisipan noon at mula ngayon. Kahit na mahirap lng ang buhay, masaya pa din kasi magkakasama pa din kami parati ng buong naming mag-anak sa oras ng pagkain at pagtulog, o sa oras ng pahinga. Masaya ako dahil kasama namin ang aking ina. Pero nagbago ang lahat ng mangibang-bansa si mama.  Nasa ikalawang baitang pa lamang ako noon, ‘di ko alam ang eksaktong dahilan niya, pero dahil gusto niya siguro maiahon kami sa hirap, marahil. Pinagtiisang iwan kami upang makipagsapalaran sa Gitnang Silangan. Hindi ko alam na yon pala ang maglalayo sa kanya sa amin nang matagal na panahon.

Mahirap na mawalay sa mahal mong ina sa gitna ng iyong kamusmusan. Minsan, patagong naiiyak na lang ako noon kapag siya’y naalala. Sa mga oras na natutukso ako ng mga kalaro o ‘di kaya’y sa tuwing kami’y magkakasakit. Sa tuwing nakikita ko ang mga pinsan ko at ibang mga bata na kasama ang kanilang mga ina at masayang-masaya. Dahil sa akin natuka ang mga gawain sa bahay at pag-alaga sa bunso namin, madalas namimiss ko si mama.

Noong kasama pa rin kasi namin siya, nagkukusa na akong magwalis sa bakuran at magluto para kahit paano ay matulungan siya. Dahil alam kong pagod sila ng aking ama galing sa pakikipagtanim o pagtatrabaho sa bukid. Malapit ako sa aking ina, kaya nang umalis siya halos nagbago ang lahat.

Noong una’y maayos pa naman, ilang taon sa sulat lang niya namin siya nakakausap at nalalaman ang kalagayan niya, o sa voice tape lang namin naririnig ang kanyang boses. Hanggang sa dumating ang araw na hindi ko halos maintindihan kung bakit, magtatapos na ako noon ng elmentarya gusto naming pauwiin siya, pero ang sabi daw niya’y hindi raw siya makauuwi.

Ilang buwan ang lumipas, nakatanggap kami ng sulat mula sa hindi kilalang tao, kaibigan daw siya ng aking ina at kasama sa trabaho don sa ibayong dagat. Halos nagiba ang mundo ko sa aking nalaman, umuwi raw ang aking mama, pero hindi sa amin. Kundi sa ibang lugar at sa ibang tao. Nagtatanong ako sa aking sarili kung bakit? Hindi ko halos maarok kung bakit natiis niya kaming iwan nang ganon katagal at kalauna’y ipagpalit sa ibang pamilya. ‘Di ko na halos naintindihan ang buong laman ng sulat na iyon. Sa oras na iyo’y ang daming tanong na sa isip ko. Gusto ko siyang tanungin kung bakit ganon?  Bakit ganito? Puro bakit? Nagbago ang lahat sa isang iglap. Napakahirap malayo sa iyong ina, pero mas mahirap  at masakit na malaman mong kailanman  ay ‘i mo siya makakasama pang muli.

 Sa mga panahong iyon ko natanong ang aking sarili, kung bakit mayroon mga inang kaya palang isakripisyo ang mga anak para sa sariling kaligayahan at kapritso. Hindi ko alam ang dahilan niya kung bakit kami iniwan nang ganoon, at pabayaang lumaki nang wala siya at sa huli ay  mas pipiliin pa niya na sumama sa iba. Hindi ko maintindihan kung bakit sabi nila, lahat daw gagawin ng isang ina para lang sa anak nito, pero bakit sa kanya’y kabaliktaran?

Ang mga tanong sa isip ko, nais kong itanong sa kanya nang harapan at gusto ko malaman ang sagot niya. Ngunit hanggang ngayon ang mga tanong na iyon ay nananatili pa rin sa aking dibdib at sa isip ko. Sa isang banda ng aking isip ay itinakwil ko ang aking ina, ngunit sa kabila noon ay gusto ko pa rin na makasama siya, ‘di ko rin maintindihan. Naging matigas ako mula noon pagdating sa kanya, pinakita ko sa iba na ayaw ko na siyang makita pero sa likod noo’y napakalalim na pangungulila sa kanya.

Dumating ang mga panahon na nagawi siya sa amin dahil ang kanyang magulang ay sa mismong barangay din namin nakatira. Nagpapadala siya sa pinsan ko ng mga gamit at material na bagay, pero para sa akin ayaw ko tanggapin sapagkat umaasa pa rin ako na siya ang umuwi sa amin.

Ang pag-asang bumalik siya sa amin ay halos nawala na. Sa ngayon, nagkaroon na ako ng sarili kong pamilya. Maituturing kong sa kabila ng nang nangyari sa aming pamilya, napakasuwerte ko pa rin at dumating sa akin ang aking maybahay at napagkalooban kami ng tatlong anghel na itinuturing kong buhay ko. Ipinangako ko sa aking sarili na kailanman ‘di mararanasan ng aking mga anak ang lumaki na hindi kumpleto ang pamilya. At gustong kong maranasan nila ang mga bagay at panahon na ipinagkait sa akin.

Marahil ang bawat ina’y nagsasakripisyo para mapabuti ang kanyang anak.  Ngunit  minsan, ito’y nagkakamali din dahil isa din lamang siyang tao. Nobody is perfect ika nga. At minsan ang pagkakamaling ito’y nagtutulak sa anak na lalong mapabuti ang buhay nito para mapakita sa kanyang ina na kaya nitong magtagumpay kahit wala ang gabay nito. May dahilan ang lahat, at kahit ‘di pa din malinaw sa akin,  ang ginawa sa amin ng aking ina’y itinuturing ko pa ding hamon sa akin at kahit lumaki ako na halos wala siya sa tabi namin, nagkaroon ng dahilan upang lalo kong mapabuti ang aking buhay.

 Hanggang sa ngayon ay hindi ko pa rin alam ang dahilan ng pag-abandona niya sa amin. At hindi ko rin alam kung bakit natatakot na rin ako tanungin siya pa. Marahil panahon na lang ang makapagsasabi kung kailan magtatagpo muli ang aming landas. Sa kabila nang lahat, mahal ko pa din ang aking ina dahil ang buhay ko utang ko sa kanya, yon nga lang andon pa di iyong sakit ng pag-iwan niya sa amin. Kahit kamuhian at itakwil mo pa ang iyong mga magulang o ang iyong ina, di mo pa rin maaalis na siya pa rin ang iyong ina at nagpakahirap na iluwal ka sa mundong ginagalawan mo ngayon.

 Mapalad ang mga anak na lumaki sa gabay at kanlong ng kanilang ina kaya habang nandiyan sila, make all out of it. At ipakita natin sa kanila ang sukli ng kanilang pagmamahal at pagpapakahirap sa atin. Sa lahat ng mga nanay, mama, mader, mommy, mamu, inang.. Happy Mother’s Day po sa inyo lahat. Salamat mama sa pagsilang mo sa akin sa mundong ito. Wala ako dito sa mundo kung wala kayo….