imagesMay nami-miss ka ba sa mga oras na ito?

Maaaring may nami-miss kang mga bagay, lugar o pangyayari na tumatak sa puso’t isipan mo dahil naging parte ito ng buhay mo; na may malaking naiambag ito sa pagkatao mo.  Nami-miss mo yung dating school mo, yung alagang aso o pusa mo, yung favorite toy mo, yung park na dating tagpuan ninyo, yung first dance mo, yung debut celebration mo at marami pang iba.

Maaaring may nami-miss ka ding mga tao na malapit sa puso mo.  Mga tao na laging kasama mo noon. Maaring kaibigan, kapamilya o kakilala.   Nami-miss mo yung magulang mo – Mama o Papa mo, yung Lolo o Lola mo, yung Tito o Tita mo, yung pinsan mo, yung bestfriend mo, kahit yung kaaway mo, yung favorite teacher mo, yung crush mo at higit sa lahat, nami-miss mo yung isang tao na laging nasa isip mo.

Nami-miss mo yung isang espesyal na tao.  Isang taong mahalaga para sa’yo.  Yung dati mong close, kachat o katext, kakwentuhan, kasama sa mga trip sa buhay, kapalagayan ng loob, sumbungan ng mga hinanakit…  pero ngayon umiiwas na siya sa’yo.  Maaring may konting tampo.  Maari ding hindi mo alam ang kaniyang dahilan kung bakit ganun siya kaya mas lalo kang nasasaktan sa ginagawa niyang pangde-deadma sa’yo.

Bakit nga ba nami-miss mo siya?  Isa lang naman ang sagot diyan sa tanong na yan – kasi MAHALaga siya para sa’yo.  Importanteng tao siya sa buhay mo.  Espesyal siya sa lahat ng mga nakilala mo.

Bakit nga ba siya nagpapa-miss?  Bakit siya umiiwas? Ano kaya yung mga dahilan niya?  Bakit ganun ganun na lang, bigla na lang siyang lalayo sa’yo at parang balewala yung mga pinagsamahan ninyo?

Para sa akin, dalawa lang maaring rason niya kung bakit naging ganun siya:

  •  Maaaring hindi ka importante sa kanya.  Di ka niya gusto. Ayaw na niyang patagalin pa kung anuman yung ugnayan na meron kayo sa isa’t isa.  Maaring nararamdaman niyang nahuhulog ka na sa kanya at ayaw niyang magkaroon ka ng “maling-akalang pag-asa”.  Pag ramdam mo na ito ang dahilan niya, huwag mo na ipagpilitan pa ang sarili mo.  Masasaktan ka lang. Ikaw na mismo ang lumayo. (sana ganun lang kadali no?)
  • Maaaring importante ka sa kanya.  Mahal ka din niya.  Nagbibigay lang siya ng “space” para sa ikabubuti ninyong dalawa.  Space para mas ma-realize mo yung totoong nararamdaman mo sa kanya at pati na din yung nararamdaman niya sa’yo.  Baka kasi mali yung akala niya na sa sobrang close ninyo sa isa’t isa ay kaibigan o kapatid lang pala ang turing mo sa kanya o yung turing niya sa’yo. Space para masabi mo sa kanya pag sure ka na na “mahal talaga kita”.

Kung anupaman yung mga dahilan na mayroon siya kung bakit siya umiiwas sa ’yo, wala ka namang ibang choice kundi ang maghintay sa pagbabalik niya.  Yung bumalik yung dating mayroon kayo. Wala kang choice lalo na kung ikaw ang babae o ikaw yung tipo ng tao na ma-pride o kaya naman ay duwag at walang guts na unang mag-approach.  Ang tanong ay hanggang kailan ka naman maghihintay sa kanya?  One day? One week? One month? One year? One decade?

Nasa inyong dalawa lang naman kung ano ang sagot sa tanong na yan.  Simpleng tanong na kayang sagutin ng isang simpleng tugon o aksyon, pero bakit mahirap gawin.

“Absence makes the heart grow fonder” – isang pamilyar kasabihan na may halong katotohanan.  Ganun naman talaga tayo eh.  Doon lang natin nakikita ang halaga ng isang tao sa buhay natin pag ito’y nawala na.  Doon lang natin naa-appreciate yung totoong value niya. Dun lang natin nare-realize na importante at MAHALaga siya.

Pero ang tanong hanggang kelan tatagal yung “fonder” na yan?  Paano kung yung letter F ay napalitan ng letter W?  Imbes na fonder, wonder na pala ang dating sa’yo.  You’re already wondering why.

Ang tao kasi ay parang halaman lang din. Para mabuhay ang isang halaman, kelangan nito ng lupa, tubig at ng sikat ng araw.  Sa tao naman, kelangan niya ng atensyon at pagmamahal.  Paano kung sa mga panahong wala ka, may ibang taong magbigay ng atensyon at pagmamahal na pinagkait mo sa kanya?  Paano kung yung space na binigay mo ay occupied na pala ng iba? Anong gagawin mo?  Masisisi mo ba siya?

Sana sa pagbabalik mo ay hindi pa huli ang lahat.  Sana sa pagbabalik mo ay pananabik ang isasalubong niya sa’yo at sana ito ang maririnig mo sa kanya:

“Sobra ka naman magpa-MISS, effective!”

at hindi ang mga katagang ito:

“Nasanay na akong wala ka.  At yun ay dahil sa kanya.”