fbAng buhay OFW ko na kahit anong lungkot ay nagiging masaya dahil sa Facebook.

Sa bawat sigaw ng amo ko…
Nakagaganti ako kapag nakapag-i-status message ako ng kanyang pagiging bruha… Todo shout pa nga ako at tiyak na mas taob siya dahil saksi ko ang buong mundo, samantalang siya, ako at ang nabingi kong tainga na lamang.

At kahit nakukulangan sa pagkain ay kaunting pag-browse lamang sa iba’t ibang pahina ng Facebook ay nabubusog na ako.

Kung hindi naman, para hindi mag-alala ang pamilya ko na puro khubz na pagkatigas-tigas lamang ang madalas na panglaman tiyan ko ay todo picture ako sa pagkain ng mga amo ko bago ko ihain sa kanila.

“Wow!  “Tuwang-tuwa ang mga kaibigan at kapamilya ko sa mga komento nila…

“Sarap ng pagkain mo, napakasuwerte mo!”

Tama na ang itago ko na lamang ang tunay kong sitwasyon upang hindi kayo mag-alala, sapagka’t kaya ko naman.

Sa bawat maghapon na halos lumawit ang dila ay hindi ako papayag na hindi makapagpahinga saglit kahit sa loob ng banyo, o kunyari ay nagpupunas sa isang gilid, o kaya naman ay sa kusina na kunyari ay naglilinis ng kanilang pagkalaki-laking refrigerator, ngunit madalas, kunyari ay naglalaba o namamalantsa.  Iyon ay upang makasagot ng mga mensahe o makapagkomento sa Facebook.

Walang kasing ligayang dulot nito, “Nagiging malapit sa mga mahal sa buhay kahit sa pamamagitan lamang ng mga nakaw na pahinga!”

Sa bawat pangungulila ko ay…
Parang kapiling ko na ang mga mahal ko lalo na at maya-maya ay may mensahe sila o dili kaya ay nakikita ko palagi ang kanilang uploaded na mga larawan.

At lubos pa akong natutuwa na sa Facebook ay nailalabas ko maya’t-maya ang mga bigat ng loob ko sa pakikipagpalitan ng mensahe sa mga kapwa ko OFWs na kaparehas ng sitwasyon ko.

Sa Facebook, hindi man ako nakalalabas ay nakatutulong ito para hindi ako lubusang maging ignorante.  May balita mula sa iba’t ibang panig ng mundo, mapa-showbiz o lovelife ni Pnoy (mayroon nga ba?) at mga pulitiko.  Nandiyan pa ang mga palitan ng halaga ng pera na lubos na makapalaglag-balikat sa sobrang bagsak na halaga. May bonus pang horoscope na kung saan ay nalalaman ko kung mamalasin ba ako nang araw na iyon (May maituturing pa bang malas sa piling ng amo kong maldito’t maldita?) at saka ang mga jokes na kahit napapahagalpak ako nang mag-isa at napatitingin ang aking mga alaga, “Filipina maids are crazy!” may sasabihin pang ganyan; ayos lang!

Mayroon naman akong ibang kakilala na sa pamamagitan ng Facebook ay natunton ang mga kamag-anak na OFWs na matagal nang hindi nila nakakapiling at nawalan ng komunikasyon.

Iyong iba naman na kaibigan ay dito natagpuan ang mga makakapareha sa buhay na nawalan na ng panahon noon na maghanap ng makaiisang-dibdib sa sobrang pagkasubsob sa trabaho. Laking tuwa ng lahat at naging matagumpay ang kanilang pagsasama na hindi naging hadlang ang layo ng milya sa isa’t-isa.

Bukod pa riyan ay lagi akong napapalapit sa ating Panginoon sa mga nababasang mga tungkol sa Bibliya at mga panalangin.

Higit sa lahat ay ang Facebook ang aking pinaka-”lifeline.”    Minsan, nang ako ay sinaktan ng amo ko, ang sabi ko sa kanya, “I uploaded my pictures of scratches and bruises in Facebook! And because of the location services; a lot of people can help me! So try it again and you will suffer, too!” hindi ko alam kung saan ako kumuha ng lakas ng loob, pero laking tuwa ko na kahit nasa gipit na akong kalagayan at bukod sa pagdarasal… Facebook agad ang pumasok sa aking isipan.

Tanging nakawiwindang kapag walang internet kung minsan ay ‘yung  hindi tayo makakapag-Facebooking!

Animo’y may kulang na sa araw-araw nating gawain.

Kaya tanging masasabi ko lamang, Salamat Facebook, laking tulong ka sa aming mga OFWs!

—–>>>>
Agree po ba?

Ikomento pa ang ibang karanasan ninyo kay Facebook^_^

Ni: Cluelezz417