(Photo Credit:   Fineartamerica )

(Photo Credit: Fineartamerica )

Single mom ako sa aking anak na ngayon ay maglalabing-anim na taong gulang na. Sa mahabang panahon ng aking pananahimik, sa wakas naisipan ko nang basagin ang tila higanteng pader sa pagitan namin ng aking anak. Sa haba ng panahong nagdaan, ngayon ko lang mailalabas ang lahat ng nasa kalooban ko.

Itago n’yo nalang ako sa pangalang Hannah, nabansagang disgrasyada sa edad na labing-anim nang ipanganak ko si Joanah..ang batang naging sentro sa kuwento ng aking buhay.

Nakilala ko si Emman, ang papa ni Joanah nang lumipat sila sa Barangay namin noong trese anyos palang ako. Tatlong taon ang tanda niya sa akin. Nagkapalagayang-loob kami nang dahil sa mga Youth Organization na parehas naming sinalihan sa aming Barangay.

Makalipas lang ang ilang buwan, nanligaw siya at siya’y sinagot ko. Tinago namin ang aming relasyon sa takot na kapwa pagalitan ng aming mga magulang. Hanggang umabot ng dalawang taon ang aming “lihim” na relasyon. Sa mismong anibersaryo namin ay naibigay ko ang aking pagkababae sa kanya na nang mga oras na ‘yun ay hindi ko pinagsisihan. Ang noon na inakala kong isang beses lang ay naulit nang naulit at naulit pa. Alam kong mali at alam kong parehas pa kaming menor-de-edad, pero nagpatuloy pa rin ako. Mahal ko si Emman at ‘yun lang ang tangi kong pinanghahawakan sa tuwing may nangyayari sa amin..

Kinse anyos ako nang magdalang-tao. Akala ko’y ikatutuwa ni Emman ang balitang ‘yun dahil alam ko naman na mahal niya ako..pero nagkamali ako. Kinausap ko siya at nagmakaawang panagutan niya ako kahit alam kong imposible iyon, pero nagmatigas siya. Bata pa daw kami para sa ganun’ kalaking resposibilidad.

Pagkatapos ng pag-uusap namin na ‘yun nalaman kong umalis siya at nagbakasyon sa malayong probinsya at hindi na muling bumalik pa. Nang malaman ng aking mga magulang, nagalit ang mga ito na siya naman dapat kong asahang reaksyon nila. Pinahinto nila ako sa aking pag-aaral.  Hindi man nila ako pinagbuhatan ng kamay, kinulong nila ako sa bahay at hindi man lang pinalalabas kung hindi rin lang araw ng pa-check-up sa doktor.

Paulit-ulit kong tinangka na kausapin sila, pero para lang akong hangin, nandiyan, pero hindi nila pinapansin. Aminado naman ako na kasalanan ko, binigo ko sila at binigyan pa ng kahihiyan. Pero kaya ko naman sanang tanggapin ang pang-iinsulto nila basta kausapin lang nila ako..pero hindi umubra, balewala pa rin ako. Kung ‘di lang dahil sa nagdadalang-tao ako ay baka nga napalayas na nila ako. Masama man ang loob ko, itinikom ko na lang ang bibig ko at tiniis ang nakamamatay nilang pananahimik.  Ang importante ay safe akoat  ganun’ din ang bata na nasa sinapupunan ko.

Mabilis dumaan ang mga buwan, naipanganak ko na sa wakas ang isang ubod nang lusog na sanggol na babae. Si Joanah..ang bunga ng kapusukan ko sa aking murang edad. Lahat ng sama ng loob ko ay biglang naglaho nang marinig ko ang kanyang unang pag-iyak. Nakatatakot manganak. Takot na takot talaga ako, pero nairaos ko rin ang napakahabang pagli-labor ko sa kanya.

Sa wakas nasa tabi ko na siya. Napa-fragile niya. Nakatatakot hawakan. Nakatutuwa na nakakakaba na nakaloloka rin pala pag may anak ka na. Ganun’ pala ang pakiramdam.. mixed emotion..’ika nga nila.  ‘Kala ko okey na ang lahat, akala ko tapos na lahat ng mga pagsubok sa buhay ko, pero mali na naman ako, ‘dun pa nga yata nagsimula ang mga problema ko na kinimkim ko sa mahabang-mahabang panahon.

Si Joanah, isang linggo pa lang sa mundong ibabaw, pero minahal na ng lahat ng tao sa bahay namin.  Si mama ko, si papa ko, sila ng mga kuya ko pati ni lolo ko. Kinatuwaan nila ang pagdating niya sa buhay namin..na siyang ikinalungkot ko dahil halatadong nai-tsapwera na ako nang tuluyan. Maliban sa katotohanang ako ang kanyang ina, ang nagsilang sa kanya, maliban doon ay wala na yata akong papel sa bahay na ‘yun. Lagi na lang may mali sa akin. Lagi na lang may kulang sa akin. Kaunting sablay ko lang lalo na sa oras ng pagpapadede sa anak ko, parang mortal sin na kung ituring nila. Doon..doon mismo..nabuo ang pader na nilagay ko sa akin at sa batang kinawiwilihan nila.

Nagseselos ako. Dati ako ang bunso. Dati ako ang paborito nila, pero habang lumalaki ang bata ay lalong lumalayo ang loob ko sa kanya nang dahil na din sa kanila. Tinuruan nila akong mainggit. ‘Di ko lang kayang sabihin dahil obvious naman na hindi makatarungan ang nararamdaman ko.

Minsan, naisip kong ipamigay ang bata o itakas pagkatapos ay iligaw na lang para matapos na ang problema ko, pero hindi ko magawa dahil bantay-sarado sila sa anak ko. Palaki na nang palaki si Joanah..palaki nang palaki rin ang inis ko sa kanya. Naiinis ako kapag tinatawag niya akong mama. Pasimple ko siyang kinukurot. Nabubuwisit ako sa kanya kahit alam ko na wala naman siyang kasalanan. At tumindi pa ang pagkasuklam ko sa kanya nang sa paglaki niya ay lumabas ang pagkakahawig nila ng kanyang ama..ang lalaking kinamumuhian ko, pero kinasabikan ko at inasam-asam na sana magbalik para sa ‘min..para sa akin.

Nag-aral akong muli, nakapagtapos. Kumuha ako ng kursong computer at ngayon ay nagtatrabaho bilang data encoder. Bumukod ako at kumuha ng apartment. Dinadalaw-dalaw ko na lang sila kapag naisipan ko. Pinabayaan ko si Joanah sa parents ko dahil alam kong hindi naman siya pababayaan ng mga ito. Suportado siya mentally, emotionally at financially. Kaya nabuhay ako nang malaya, pero parang robot. Trabaho-bahay. Bahay-trabaho lang ang routine ko.

Alam kong mali, pero sinisisi ko noon si Joanah kung bakit naging ganoon ang naging takbo ng buhay ko. Kung sana ay hindi siya dumating, dapat ay magkasama pa rin kami ni Emman, kung sana ay hindi siya dumating, dapat sana’y maganda pa rin ang relasyon ko sa sarili kong pamilya. Sinira niya lahat ng mga pangarap ko. Gabi-gabi ko ‘yung iniiyakan. Wala akong naging kaibigan na napagsabihan ko ng aking mga hinaing dahil takot akong mapintasan at mapagsabihan kaya minabuti kong ilihim lahat ng saloobin ko.

Dahil doon hindi ko namalayang singkapal na ng poste ang pader na iniharang ko sa pagitan namin ng anak ko. Lumaki si Joanah na bagama’t nabusog sa pagmamahal ng aking mga kapamilya ay nangulila naman sa pagmamahal ko, ng kanyang tunay na ina. Pinaramdam ko sa kanya ang panlalamig ko. Birthdays o kahit anong okasyon..kung patungkol sa kanya ay parang ordinaryong araw lang sa akin. Sa ganoong paraan ay naiisip kong nakaganti na ako sa kanya.

Lumipas pa ang ilang taon at nalalapit na ang graduation ni Joanah sa elementarya. Di ko inasahan na magbabalik ang kanyang ama. Si Emman, ang lalaking una at huli kong minahal. Heto siya’t nagmamakaawa, kumakatok sa pintuan ng buhay naming mag-ina at nakiusap na muli ay tanggapin siya at patawarin. Hiwalay siya sa kanyang asawa dahil hindi sila magkaanak. Matagal siyang namalagi sa America kaya masasabing asenso na siya. Nais daw niyang punan ang pagkukulang niya sa aming mag-ina. Pakasalan ko raw siya at marami pang pangako. Lumuha ako nang tahimik dahil gustuhin ko mang papasukin siya at patawarin ay hindi ko kaya dahil nanaig ang tampo ko sa kanya.

Araw-araw ay dinadalaw niya si Joanah. Pinakilala niya ang sarili niya sa bata bilang ama niya. Nagulat ako kung bakit ganun’ na lang kabilis tinanggap ni Joanah si Emman na para bang hindi niya alam na inabandona niya kami noong siya ay maliit pa lang.

Nagselos ulit ako. Pero wala silang narinig sa akin. Saloobin ko, sinarili ko. Hanggang mapansin kong lumayo na nang tuluyan ang loob ng anak ko sa akin. Hindi ko na napapansing tinatawag niya akong mama. Wala kaming imikan na para ba kaming mga estranghero sa isa’t isa. Wala akong alam sa kung anong nangyayari..sabagay wala rin naman akong pakialam. Umabot ng tatlong taon na parang normal na lang sa ‘min ang ganoong istilo.

Last July 16. Inatake sa puso ang daddy niya. Until now, nagdadalamhati si Joanah. Masakit sa kanya dahil naging malapit sila sa isa’t isa. Nakaiinggit isipin na sa ilang taon lang ay napunan ni Emman agad ang pagkukulang niya sa bata. Sa pagkawala ng daddy niya, naging wild si Joanah. Naging barkadista at napariwara. Kinausap ako ng parents ko para umasta daw na ina ni Joanah at kausapin siya bilang anak ko. Hindi ko sila pinansin; bagkus “hayaan n’yo siya, gusto niya ‘yan….kung saan siya masaya, doon siya” ang sagot ko sa kanila.

Ilang buwan pa at noong November ay nabalitaan kong buntis siya. Nag-attempt siyang ipalaglag ang bata kaya nag-bleeding siya at isinugod sa hospital. Natulala ako. Natauhan. Hindi ko siya pinuntahan ‘dun at hinintay na lang sa bahay. Now or never. Kailangan kaming magkaharap na mag-ina.

Nang malaman kong nasa bahay na siya ng parents ko, pinuntahan ko siya at kinausap. Nakapapanibago. Sa sarili ko ay ramdam ko ang kaba sa dibdib ko. Ipinagtataka ko iyon gayung’ anak ko naman ang kakausapin ko. Siguro ganun lang ang pakiramdam kapag hindi mo halos nasubaybayan ang anak mo sa paglaki niya. Binalewala ko na lang ang nararamdaman ko at nagsimula akong magsalita,

“Anong nangyari sa ‘yo? Sa tingin mo ba’y maganda yang’ ginawa mo? Alam mo bang kasalanan yan sa Dyos? Bakit ako noon, inisip ko bang ipalaglag ka?-”

naputol ang sunod-sunod kong sinabi nang barahin niya ako.

“-Oo! Sana! Sana pinalaglag mo na lang ako! Baka sana masaya ka ngayon. Sana, pinatay mo na lang ako noon para hindi ako nagkasala ngayon. Sana, ginawa mo ‘yung ginawa ko ngayon sa sarili kong anak para hindi na niya malasap pa ‘yung nalalasap kong hirap noon hanggang ngayon. Mama..ano bang kasalanan ko sa ‘yo hah?  Maayos naman ako. Maganda at matalino. Bakit mo ako ginaganito? Mama naman..kailan ka ba naging ina sa akin? Lagi na lang sila lolo at lola ang nasa tabi ko. Bakit hindi mo man lang ako nilimusan ng kahit kaunting pagmamahal mo? Bakit?”

Wala akong maisagot. Kasabay ng sigaw at luha habang binibigkas niya ang mga katagang ‘yun ay parang patalim na isinaksak sa puso ko. Sinumbatan ako ni Joanah–’yun ang direktang pumasok sa utak ko. Bago pa man ako may masabi, lumabas na ako ng kuwarto.

Ilang minuto lang, bumalik ako at alam kong nakatulog na siya. Sa unang pagkakataon ay tinitigan ko siya habang natutulog. Sayang..hindi ko nga naman naiparamdam sa kanya ang pagiging ina ko. Naging madamot ako. Kasalanan ko kung bakit nagkaganyan ang anak ko. Tama siya, siguro nga kung noon ay naisip kong ipalaglag siya, baka nga iba ang nangyari ngayon. Wala sanang nasaktan at wala sanang aborsyon na naganap. Dinadaan ko kasi sa iyak ang lahat at hindi ko ibinabahagi sa iba ang nararamdaman ko kaya naging makasarili ako. Iniiyak ko lang noon ang mga problema ko kaya hindi man lang nasolusyonan..kaya ngayon, heto ang resulta. Hindi ko alam kung paano humingi ng tawad sa kanya. Siguro kapag handa na ako.

Masakit sa akin ang pagkawala ni Emman, para din akong binagsakan ng langit at lupa. Nagdalamhati din ako at nanghinayang, kung sana ay pinatawad ko siya at binigyan ng pagkakataon..’di sana maayos ang lahat ngayon. Hindi ko na nagawang kausapin pa ang anak ko. Gumawa na lang ako ng liham na pinakisuyo ko sa parents ko na iabot sa kanya sa oras na ready na siya. Kalakip ng liham ko ang paghingi ko ng sorry sa lahat ng pagkukulang ko. Hindi ko na hiningi na patawarin niya ako kundi hiniling ko na sana bumalik siya sa Joanah na minahal ng pamilya ko.

Tuluyan ko na siyang pinaubaya sa parents ko. Magpapakalayo-layo na ako. Nag-file ako ng visa para Canada sa tulong ng auntie ko na citizen na ‘dun. Hopefully this month makaaalis na ako. Iiwan ko lahat ng alaala sa Pinas at pipilitin kong magkaroon ng bagong buhay sa bansang pupuntahan ko. Magpapakatatag ako at magiging open sa lahat ng nasa damdamin ko para maiwasang may masaktan na ibang tao. Gagawin ko ‘yun at hindi na ako iiyak.