(Photo Credit:    Sanfranciscosentinel)

(Photo Credit: Sanfranciscosentinel)

Sabi nila, nabubuo raw ang isang tao dahil sa dalawang nagmamahalang individual, ngunit sa kaso ko hindi ganyan ang sitwasyon. Nabuo ako sa ibang paraan; sa tawag ng laman, sa libog ng katawan at sa kapangyarihan ng espirito ng alak na siyang dahilan kung bakit ako nasa mundong kahit kailan ay hindi ko naramdamang may puwang ako.

Lumaki akong kapiling ang katulong na pinagkakatiwalan ng aking lola na nasa ibang bansa. Kaya sigurong mas tamang sabihing anak ako ng isang katulong at hindi anak ng isang doctor at ng isang kahera sa bangko. Minsan, tuloy nakararamdam ako ng guilt sa puso ko dahil baka kaya hindi na nakapag-asawa ang nanay Tess ko ay dahil sa akin, dahil kargo niya ako at nag-aalala siya sa akin.  Siya lang kasi ang bukod-tanging nagpakita sa akin ng pagmamahal at pag-aaruga.  Tuwing magkakasakit ako siya ang nasa tabi ko.  Siya ang kasama ko maging sa pagdadalaga.

Noon, kapag tinatanong ng mga kaklase ko kung nasaan ang mga magulang ko sinasabi ko na lang na asa ibang bansa lang sila at malamang sa mga susunod na taon ay isasama na rin nila ako. Kahit na ang totoo’y nasa kabilang bayan lang aking ama at ang aking ina naman ay nasa Maynila lang.  Madalas ay  missing in action silang dalawa sa mga importanteng bahagi ng buhay ko. Bilang sa daliri ang mga birthday ko na nakita o nakausap ko man lang ang isa sa kanila. Wala sa panahon ng recognition sa eskwelahan at maging sa graduation at kahit kailan ay hindi ko nakasama sa family day o umattend man lang sa PTA meeting sa eskwelahan.

Buwan-buwan lang dumarating ang masasabi kong nagpalaki sa akin; nakalagay sa puting sobre at kung minsan nama’y kinukuha namin ni nanay Tess sa Atm machine.

Ang sabi ni nanay Tess panganay daw ako sa apat na magkakapatid at bunso naman sa limang magkakapatid.  Ang gulo, ‘di ba? Simple lang naman ang sitwasyon; inanak ako ng nanay ko noong dalaga pa siya samantalang naging anak naman ako ng aking ama nang pamilyado na siya.

Kahit kailan ay hindi nalaman ng mga kapatid ko ang tungkol sa akin, ang pagkatao ko o ang paglitaw ko sa mundiong ito. Sabi, bawal daw malaman dahil magugulo ang pamilya ng tatay ko. Bawal daw malaman dahil baka hindi matanggap ng asawa ng nanay ko at magalit sa kanya ang iba pa niyang mga anak. Kaya dapat na lang akong makuntento sa sustento nilang dalawa; dapat makuntento sa mga material na bagay na kaya nilang ibigay. Hindi sila basta-basta puwedeng tawagan; bawal, baka raw mahuli. Kailangan kapag importante lang.  Bawal ding mangamusta dahil okey lang naman daw lagi sila. Hintayin ko na lang daw ang padala nila.

Lumaki akong kailangang laging may mapatunayan; kailangang laging maging magaling at matalino; kailangang mag-exel sa lahat ng bagay dahil baka sakaling sa paraang yon ay hindi na nila ako ikahiya at maging proud na sila sa akin kahit papaano.  Baka sakaling dahil doon ay maipakilala na nila ako sa iba.

Madalas ay naiingit ako sa mga bata sa mall na naglalakad habang hawak ng kanilang tatay ang kamay nila; sa mag-inang sabay nagpapagupit at nagpapalinis ng kuko sa parlor. Sa masayang pamilya nalumalabas tuwing espesyal na araw.

Siguro kung may resignation letter lang para sa pagiging anak ng mga pabayang magulang, malamang pinirmahan ko na yon noon pa at buong pusong iaabot sa kamay ng president; kaso wala. Ang pinakamadaling paraan lang ay ang tanggapin ito at umasang balang araw, sa tamang panahon, gaya nga ng sabi ni natay Tess, ay maipakikilala rin ako.

Ngayon graduate na ako ng Kolehiyo nang walang kahit anong ibinagsak na subject. Hawak ko na ang diplomang ilang taon kong pinaghirapan. Nakatanaw sa akin ang taong pinagkakautangan ko ng lahat; ang taong kailan ma’y hindi sumuko at lubos na nagtiwala sa akin. Ang taong minahal ako kahit hindi ako galing sa kanya. Iniaabot ko sa kanya ang diploma ko at agad siyang yumakap gaya ng ibang ina; naiiyak din siya sa tuwa.

“Nay, sa tingin n’yo po ngayon, puwede na ba?

“Oo, anak magtiwala lang tayo.”

Kahit alam kong walang kasiguraduhan sa sinabi niya ay napasaya pa rin ako nito.  Bumitaw ako sa yakap niya at sinabing “okey lang po, Nanay Tess, kahit gaano pa katagal.  Ang mahalaga po kasama ko pa rin kayo sa paghihintay ng panahong handa na nilang harapin ang responsibilidad na inasa nila sa inyo.”