www.treybailey.net -

www.treybailey.net -

Ako si Ricky, piping saksi sa mapaglarong kapalaran ng mag-amang Ben at Cesar.

Wala nang sasakit pa sa pinagdaanan ng Pamilya Aseres.

Ang mga detalye na ito ay mula sa mga taong kumupkop at nakakakilala bahagya kay Mang Ben.

Si Mang Ben noon ay tatlumpu’t limang taong gulang nang siya ay sumabak sa pakikipagsapalaran sa Gitnang Silangan.

Pinalad siyang makapasok sa isang maliit na talyer sa Jubail, Saudi Arabia bilang mekaniko.

Ang pangunahing dahilan na nagtulak sa kanya upang mag-abroad ay ang pangarap na mabigyan ng katuparan ang kagustuhan ng mga anak na maging tuloy-tuloy sa pag-aaral. Nang mga panahon na iyon ang kanyang panganay ay nasa unang taon na sa kolehiyo.

Unti-unting nawawalan na ng pag-asa si Mang Ben sa kanyang ikatlong buwan sa pinapasukang kumpanya, dahil ni isang riyal ay walang ibinibigay sa kanya bilang kabayaran sa kanyang pagbabanat-buto.

Halos ang kinakain ay kung kani-kanino na lamang ipinanghihingi.

Sa kinasamaang palad, ang pinapasukang talyer ay bigla na lamang nagsara.

Mabuti na lamang nang mga sumunod na araw ay nabuhayan ng loob si Mang Ben sapagka’t mayroon isang kalapit na talyer ang tumanggap sa kanya bilang trabahante roon.

Naging maganda ang unang buwan niya sa shop na pinapasukan ngunit sadyang naging mailap na naman ang suwerte para sa kanya.

Dahil ang kakarampot na sahod ay hindi ibinibigay ng kanyang amo at iyon ay mas lumala ng bigla na naman itong nagsara.

“Sadya nga bang hindi ako mapalad sa bansang ito? ang natatandaan nilang nasambit ni Mang Ben.

Hindi na niya alam ang kaniyang gagawin pa. Sapagka’t ano nga ba naman ang magagawa o maiisip niyang solusyon sa kalunos-lunos na kalagayan, na ang tanging ipinasasalamat ay ang kagalingan sa pagmemekaniko kahit siya ay hindi nakapagtapos ng elementarya.

Sa sunod-sunod na dagok ng hindi kaaya-ayang kapalaran ay bahagyang bumigay ang kanyang katinuan.

Simula noon ay naging palaboy-laboy na siya sa mga lansangan sa Gitnang Silangan.

Ginawa ang mga karaniwang gawain ng mga “taong grasa” tulad ng pangangalkal sa basura upang maipantawid sa kanyang kumakalam na sikmura.

Napapalipas ang mga araw na kung saan lansangan abutin ay doon na lamang matutulog.

Ngunit may iilan naman ang may ginintuang puso ang kumupkop pansamantala sa kanya. Kaya rin hindi nakapagtataka na siya ay nabuhay sa ganuong sitwasyon ng labinlimang taon. Ngunit siya ay kusang tumatakas sa mga taong nagbubukas ng kanilang tahanan, dahil sa kalagayan ng kanyang pag-iisip.

Subalit ako ay nagtataka kung bakit sa tinagal-tagal ng panahon ay hindi siya natulungan upang maipabatid sa mga mahal niya sa buhay ang kanyang kalagayan.

Napagalamanan ko na ang dahilan na hindi siya natulungan ng mga iyon na malaman ang kanyang eksaktong pagkakakilanlan sapagka’t hindi niya nasasagot ang mga importanteng detalye na kinakailangan.

Nagpatuloy si Mang Ben sa pagiging palaboy, nakatatanggap ng mga tulong sa mga nakasasalubong na kalahi, nabibigyan ng damit, pagkain at kung anu-ano pa. Pansamantalang natutulog din sa mga bukas na Masjid.

Sinusuwerte siya kung minsan ay may mga malalaking akomodasyon na kumukupkop sa kanya nguni’t hindi pa rin siya pumipirmi. Sa pakiwari ng iba, siya ay hindi mapakali at parang may hinahanap.

Naging interesado ako sa kanya sa araw-araw naming pagkikita habang siya ay nagbububungkal ng basura.

Nakasanayan ko nang lagi siyang nakikita na malapit sa aming akomodasyon at sadyang nilalapitan ko siya upang kamustahin at maabutan ng makakain.

Subalit isang araw ako ay nagtaka sapagka’t bigla ko na lamang siyang hindi napagkikita.

Lumipas ang ilang buwan, napunta ako sa tinutuluyan ng isa kong kababayan, laking gulat ko ng makita ko na nandoon si Mang Ben.

Ibang-iba na siya sa nakita ko. Namangha ako sa aking nasaksihan. Hindi ko na halos makikilala kong hindi ko siya pinakatitigan. Walang mababakas na siya ay minsang “palaboy”.

Nagulat ako nang ako ay kanyang binati, “Hoy Ricky! Ano ang ginagawa mo rito?”

Sinagot ko naman siya, “Oh, Mang Ben? Ano rin ang ginagawa mo rito? Mabuti na lamang at nandito ka na pala!”

At sumagot siya na may kagalakan, “Dito na ako nakatira, may trabaho na ako ngayon! Ikaw saan ang punta mo?”

Hindi makapaniwalang sumagot ako ng, “Papunta ako kay Kuya Sergio, alam mo ba kung saan ang kuwarto niya?”

Tuwang tuwang sumagot si Mang Ben, “Talaga? Doon din ang kuwarto ko! Halika, samahan na kita!”

Lumipas ang ilang mga araw na pabalik-balik ako kila Kuya Sergio ay kasabay din iyon ng unti-unting pagbabalik ng katinuan ni Mang Ben.

Maaaring dulot ng maaasikasong mga kababayan, tamang pagkain at pag-aalalay ay nagiging normal na ang kaisipan niya.

Sinimulan niya ang pagkukuwento ng kanyang nakaraan. At labis na na niyang inaalala kung ano na ang nangyari sa pamilyang naiwan ng matagal sa Pinas.

Ikinukuwento niya kay Kuya Sergio ang pagkakaroon ng apat na anak, asawang guro at ang pagkakatanda niya ay sampung taon gulang pa lamang ang naiwang bunsong anak.

Nabanggit niya sa kanyang mga salaysay na siya ay taga-Bataan.

Matamang nakikinig lamang ko Kuya Sergio sa kanyang mga kuwento ng biglang sumagi sa isip niya ang eksaktong kuwento ng buhay ng isa sa Pinoy engineers ng kumpanya nila.

Sa kanyang pagkakatanda ay bigla na lamang hindi na nagpakita ang ama ni Engr. Cesar simula’t sapul ng tumungo sa Saudi ang kanyang ama noong siya ay sampung taong gulang lamang.

Kaya’t itinatak na ni Cesar sa musmos niyang mga puso noon na hahanapin ang kanyang ama makapagtapos lamang siya ng pag-aaral.

Magpupursigeng makapunta rin sa Gitnang Silangan upang tiyakin kung buhay o sumakabilang buhay na ang kanilang ama.

Tumatak na sa isipan ni Cesar kapag sa kanilang pagkikita ay natiyak niya na kanyang ama ay nasa mabuting kalagayan ay susumbatan niya ito at itatanong kung bakit na lamang sila pinabayaan at tinalikuran.

Bigla ang pagkabog sa dibdib ni Kuya Sergio, tumawag sa ilang mga kasamahan at pinagtanong-tanong ang ilang mga detalye sa buhay ni Engr. Cesar.

Kaya naman sa pagkalap ng mga impormasyon, napagtanto niyang iisa ng apelyido si Mang Ben at Engr. Cesar.

Hindi lamang iyon, iisa ang kanilang mga salaysay; “Amang nag-aalala sa kalagayan ng pamilya na nawalan ng komunikasyon ng labinlimang taon dahil sa malupit na sinapit at si Engr. Cesar na hinahanap ang ama na sila ay tinalikuran labinlimang taon na ang nakalilipas.”

“Sila na nga kaya ang mag-ama?Isa itong patunay na mapaglaro ang tadhana!” wika ni Kuya Sergio.

Gumawa ng paraan si Kuya Sergio upang makausap si Engr. Cesar at pinaanyayahan na tumungo sa kanilang akomodasyon.

Naikuwento niya ang isang lalaki na natagpuan nilang palaboy-laboy at ngayon ay nasa kanilang pangangalaga.

“Kung nais mong kumpirmahin ang katotohanan o nais mong matagpuan ang maaaring sagot sa ilang taon mong katanungan, pumunta ka rito!” saad ni Kuya Sergio.

Sa mismong araw ng pagdating ni Engr. Cesar sa tinutuluyan ni Kuya Sergio, lahat kami ay hindi mapakali.

Ngunit walang kaalam-alam si Mang Ben sa maaaring sorpresa namin sa kanya.

Pagpasok pa lamang ni Engr. Cesar sa akomodasyon ay may lalaking nagkukumpuni ng sasakyan. Kaya’t tinanong niya ito, “Saan po ba ang matatagpuan ang kuwarto ni Mang Sergio?”

“Doon din ang kuwarto ko, tara ihatid na kita roon!” magiliw na sagot ni Mang Ben.

Pagdating ng mag-ama sa kuwarto ni Mang Sergio ay nagkumustahan sila ng bahagya si Engr. Cesar at pinagkakilala silang dalawa, “Mang Ben, siya po si Engr. Cesar ang iyong anak!”

Nagkatitigan ang mag-ama at walang isang salita ang namutawi sa bibig ng bawat isa. Hindi maipaliwanag ang biglang katahimikan na namagitan.

Bigla ang pagtulo sa aking mga luha na siyang saksi sa marubdob na pagkikitang iyon.

Namalisbis ang mga luha sa mag-amang naging biktima ng mapait na kapalaran sa Gitnang Silangan.

Nagkaroon ng tanungan sa bawat isa at nang makumpirmang sila ay mag-ama.

Dali-daling nagyakapan nang mahigpit ang mag-amang hindi nagkita nang matagal na panahon.

Walang pagsidlan sa tuwa ang  puso ni Cesar na dati ay nababalutan ng poot sa akalang basta na lamang pagtalikod ng kanyang ama sa kanila.

Walang inaksayang panahon ang batang-batang inhinyero na mapauwi ang kanilang ama na dumanas ng matinding hagupit ng hindi kanais-nais na kapalaran.