(Photo Credit:     Halloweencostumes4u))

(Photo Credit: Halloweencostumes4u)

Tumunog ang cellphone ko nang mga alas diyes ng gabi na kung saan ay patulog na ako. Galing ang tawag sa isang tauhan ko. Takang-taka ako dahil karaniwang nangyayari ay sa umaga na kami nag-uusap kapag may mga problema sa kampo.

“Sir,  pwede po kayong lumabas? May nahuli po ang ating guwardiya na isa sa manggagawa nating may dalang shabu at kasalukuyang hawak nila upang ipaimbestiga sa iyo?”

“Sige, susunod ako, magbibihis lang at pupunta agad,” tugon ko.

Pagbaba ng telepono ay napaisip ako, ang tatapang ng tao talaga, alam ba nila na nasa Saudi tayo? Matapos ang sampung minuto ay pumunta na ako sa aming opisina; naroon ang dalawang guwardiya at ‘yung tao kong tumawag sa akin. Pinaligiran nila ang isang tao na nakayuko at parang nanginginig sa takot.

“Good evening, anong balita?” bungad ko sa kanya at tumingin siya sa akin.  Ang mata ay kakikitaan mo ng takot at kaba.

“Eh sir, nahulian akong may dalang shabu eh.”

“Ano ba ang nangyari talaga?”

“Sir, akin po yan at ako ang gumagamit niyan. Pangatlong beses ko na sanang gagamit niyan kasi may problema lang sa aking pamilya sa Pilipinas.”

“Alam mo ba kung ano ang parusa diyan sa pagkakaroon ng illegal drugs dito sa Saudi?  

“Pupugutan ka ng ulo sa harapan ng mga tao at susugurin ng mga pulis ang kampo para maghanap ng mga iba pang tao na maaaring gumagamit niyan.”

“Sorry po, hindi na mauulit, may problema lang talaga sa bahay.”

Matapos ang kaunting usapan ay pinasulat ko siya ng malayang salaysay pati ang mga nakahuli para lubusang maimbestigahan kinabukasan. Binigay sa akin ang sachet ng droga para maging parte ng ebidensiya.  Sabi ko, bukas na lang ulit kami mag-uusap, pero sa ngayon ay tahimik muna ang lahat dahil malaking issue yan kapag kumalat. Kinuha ko ang kanyang company ID at iqama(residence ID) at sinabihan kong magpahinga na muna.

Kinabukasan ay agad naming pinag-usapan at ginawan ng report at ipinarating kaagad sa mas mataas sa kumpanya at napagpasiyahang pauwiin na lang sa Pilipinas.  Minadali ang kanyang tiket at walang nakaaalam sa nangyari; kaya sa loob ng tatlong araw matapos ang insidente ay agad naming inihatid sa airport para ipauwi.  Nalaman ko pa na isa pala siya sa mga pusher, pero hindi umamin at ang pinagkukuhanan niya ay kapwa  Pilipino rin na sa ibang kumpanya nagtratrabaho. Nagkikita sa bayan tapos simpleng abutan lang at balik agad.

Hindi ko talaga maubos maisip na maging dahilan ang kanyang pamilya para gumamit at magbenta siya ng pinagbabawal na gamot. Na siguro ang nagtulak sa kanya para maghanap ng paraan ay ang magbenta ng droga para madagdagan ang pinadadala niyang kita sa pamilya. Hindi sigurado alam ng kanyang mag-anak na kung anu-ano na ang nangyayari sa kanilang ama at nasa bingit na ng kamatayan ang kapalit ng paghingi nila. Marami rito ang gumagawa pa rin ng mga iligal dito tulad ng pagbenta ng “sadike” o alak at  pagnanakaw ng gamit ng kumpanya at kapwa manggagawa.

Oo nga, nagtratrabaho tayo sa ibang bansa para sa pamilya natin, pero dapat sa isang legal at maayos na paraan. Tayo ay mga dayuhan lamang at bisita rito kung kaya dapat lang sundin ang kanilang batas. Dapat ring ipaalam sa pamilya ang kikitain dito para matuto rin silang pagkasyahin ang ano mang naipadadala natin. Huwag nilang ipitin sa sobrang paghingi na higit pa sa kanilang kinikita. Lahat dapat ay matutong magsakripisyo dahil para sa kinabukasan din ng pamilya ang dugo at pawis na ipinupuhunan ng mga manggagawa rito. Huwag naman pati ang kaniyang ulo ay ialay para lamang sa kapritso o luho.

About da_professor

Masasabi kong ako ay jack of all trades, master of nothing. Simula noong bata ako ay marami na akong nasalihan at nainvolved na activities..choir, theater, cubs scout, boys scout; senior scout. Karate, taekwando, arnis. Sali sa legion of Mary, block rosary , youth organization, sumasali sa mga tournament ng basketball, volleyball, bowling, tennis, chess, pingpong at kung ano ano pa. Hanggang ako ay nagkatrabaho, nagkapamilya ay nawala na ang mga aktibidades ko. Ang hindi lang nawala sa akin ay ang hilig ko sa pagsusulat. Siguro bunsod na rin ito ng hilig ko magbasa at magobserba ng mga bagay bagay kung kaya ang aking creative juices ay buhay na buhay pa. Sa kasalukuyan ay nasa gitnang silangan ako na araw araw ay nakikihalubilo sa mga manggagawa dito para siguraduhin ang kanilang kapakanan (human resource) Biniyayaan ako ng limang anak at isa na lang ang nagaaral sa kolehiyo.
Disclaimer: All articles appearing on this site are the opinion and responsibility of their respective authors. They do not necessarily reflect the views of Definitely Filipino, its owner, and staff.