www.tumblr.com

www.tumblr.com

Sabi nila magiging matandang dalaga na raw ako. Sa edad ko naman kasi na kuwarenta, sino pa ang magkakamali sa akin?

Hindi naman ako pihikan pagdating sa lalaki, sadyang wala lang talaga akong matipuhan sa mga nanliligaw sa akin noon. Hindi naman sa pinagyayabang ko, pero noong kabataan ko marami ang nanliligaw sa akin. Sabi rin nila baka dahil nasaktan ako noon at naging “man-hater” na. Pero, talagang ganun; wala sigurong nakatadhanang lalaki para sa ‘kin.

 April 22, 1993

Galing ako sa Visayas at pumunta sa Luzon, napadpad ako sa lugar sa Cavite. Naroon kasi ang isa kong kamag-anak. Namamasukan siya bilang katulong. Naghahanap kasi sila ng isa pang katulong kaya ako ang nirekomenda nito.

Mag-isa lang palang naninirahan sa bahay na iyon si Eduardo, 85 anyos at biyudo. May mga anak naman siya ngunit may sarili na ring mga pamilya. Isang retired US Navy si Eduardo kaya nakadepende na lang siya sa kanyang buwan-buwang pensiyon.

Mapagbiro naman kasi si Eduardo kaya walang oras na hindi kami nagtatawanan. Masasabi kong para ko na siyang Ama dahil magkaedad lang sila ni Tatay.

Sa una kong dalawang taon ay alam kong nahulog na ang loob nito sa akin. Pinili kong umiwas. Ngunit sadyang matalas lang si Kopido at diretso sa aming puso ang pagpana nito.

Hanggang sa siguro nahulog na rin ako sa kanya, at nagsimulang lumalim ang pagtitinginan namin. Sa edad naming iyon ay para kaming si Romeo at Juliet. Against all odds pa nga ang theme song namin dahil marami ang tutol sa pag-iibigan naming iyon. Kumbaga maraming kontrabida. Tinutulan kami ng mga anak niya, “gold digger” daw ako. Nandoon lang ako sa gilid, umiiyak at walang magawa. Sa huli ay ipinaglaban pa rin ako ni Eduardo sa kanila.

Tatagan ko lang daw ang loob ko at malalampasan din namin ito. Araw-araw ay pinasasaya niya ako, para kaming bumalik sa pagiging bata. Sino naman ang hindi mahuhulog sa kanya, napakalambing niyang tao.

 Dec. 23, 1996

Inaya akong magpakasal ni Eduardo.  Noong  una’y nag-atubili ako. Pero dahil ipinaglaban niya talaga ang pagmamahalan namin sa lahat ng tao ay sino ako para humindi. Simple lang ang handa, ngunit para sa akin sapat nang kasama ko sa araw na ito ang aking asawa. Naging maayos naman ang pagsasama namin kahit maraming kontra.

 Sa aming probinsya marami rin ang humusga sa akin, pinakasalan ko lang daw siya dahil sa yaman niya. Suwapang daw ako at kung anu-ano pa. Aaminin ko sa pagpikit ng mga mata ko iyon ang naririnig kong sigaw ng diwa ko, ngunit pag naramdaman ko ang yakap ng asawa ko ay napapanatag na ako.

Mahal na mahal ko si Eduardo kahit uugod-ugod na siya. Mahal ko siya kahit maputi na ang buhok niya. Mahal ko siya kahit kulubot na ang balat niya. Gustong-gusto niya na ako ang personal na mag-aasikaso sa kanya pag may sakit siya.

Nakapagpatayo na rin ako ng bahay sa aming probinsiya sa tulong niya. At nakabili ng pampasaherong sasakyan para sa kapatid ko. Hindi ko na sana tatanggapin ang tulong niya, ngunit ipinagpilitan niya lang.

Lumipas ang maraming taon, siguro pareho sa bulaklak natutuyo; ganoon din ang buhay. Katulad sa dahon, nalalagas sa pagdaan ng panahon; ganoon din ang tao. Unti ay naging mahina si Eduardo, hanggang sa hindi na siya makapaglakad. Pero nandiyan pa rin ako sa tabi niya, hindi siya iniwan. Nakikita ko ang pagkapagod sa mukha nito at iyon ang unti-unting nagpapahina rin sa akin.

Eduardo: Manilyn, sadyang kay damot nga ng buhay. Kung kailan matanda ka na ay saka ibibigay ang taong labis na mahalaga sa buhay mo. Ngunit nagpapasalamat pa rin ako sa Diyos dahil kahit sa dapit hapon ng aking buhay ay ipinakilala ka pa rin niya sa akin. Upang sa pagtanda ko ay may mag-aalaga at magmamahal sa akin. At hinding-hindi ako mag-iisa. Tahan na, mahal ko, balang araw magkikita rin tayo. Doon sa lugar kung saan hinding-hindi na tayo maghihiwalay. At walang tutol at manghuhusga sa ating pagmamahalan. Ang pag-ibig ko sa ‘yo ay walang hihigit pa sa kung ano mang yaman sa mundo. Dahil para sa akin, ikaw ang kayamanan ko.

 

Nov. 30, 2000

Nanangis ako sa pagkawala ni Eduardo. Nagdadalamhati ako ‘di dahil birhen pa rin ako sa edad kong 47, ngunit iyon ay dahil mahal na mahal ko si Eduardo. Katulad man ng Love story ni Zsa zsa at Dolphy ang pagmamahalan namin, ngunit ang kaibahan lang mayaman si Zsazsa at ako’y mahirap lamang. Ngunit hindi iyon naging balakid para hindi ako mahalin ni Eduardo. Mas minahal pa nga niya ako kung sino at ano ako.

Ngunit  katulad nga ng napapanood n’yo sa telebisyon, hindi naging madali ang buhay ko nang mawala siya. Pinag-agawan ng mga anak niya ang bahay at ari-arian na naiwan ni Eduardo. Hinayaan ko lang sila, sa kanila na ‘yun kung gusto nila. Wala silang narinig na kahit ano sa bibig ko na pag-aangkin sa ari-arian na naiwan nito.

Nagtagal pa ako ng dalawang taon sa Maynila at umuwi na rin sa probinsiya namin pagkalipas noon.

Naninirahan ako kasama ang kapatid ko at pamilya nito. Mag-isa man ako sa buhay,  kasama ko pa rin ang pagmamahal ni Eduardo na naiwan sa puso ko magpakailanman.

Oo nga pala, ngayong 2013 ay  mag-cecelebrate ako ng aking animnapung kaarawan. At alam n’yo ba, ngayong taon na rin ibibigay sa akin ng Government ang karapatang makuha ang ilang milyong pensiyon na naiwan ni  Eduardo. Hindi pa rin niya ako pinabayaan kahit matanda na ako.

—————————————————————————————————————————-

 

Ang kuwentong nabasa n’yo ay totoong buhay ng isa sa kamang-anak ko na itago na lang natin sa pangalang Manilyn. Sa ngayon, kasalukuyan pa rin siyang nakatira sa aming probinsiya.

Sa mga nakakilala pala sa akin, ‘wag n’yo akong ipakidnap,ha? Hahaha Malayong kamag-anak ko po ‘yun. Wala kayong mahihita sa akin kundi ang pakpak kong kasingputi ng busilak kong kalooban. Char!

Oh, siya hanggang dito na lang.

Angel_in_disguise