mother-daughter-moments  (Photo credit:  karen-ahuja)

Mother-daughter-moments (Photo credit: karen-ahuja)

A mother’s treasure is her daughter. ~ Unknown

Maaaring biniyayaan ka ng magulang na mamahalin ka nang lubos at maaaring nabiyayaan ka ng magulang na hindi mo naramdaman ang pagmamahal.  Iba’t iba ang kwento sa loob ng isang tahanan at iba~iba ang istorya sa relasyon ng anak at ina.

Simula nang ako’y isilang, kinamuhian na ako ng aking mahal na ina dahil iniwan siya ng aking ama noong malaman niyang nabuo ang isang tulad ko,  sinaktan at pinagtabuyan naman siya ng kanyang pamilya noong malaman nilang ilalabas ako ni ina dahil isa raw itong malaking kahihiyan sa baryo.

Noong ako’y lumalaki na, nakakaramdam ako ng awa kay ina at nagagalit ako sa mga taong iniwan,  sinaktan at pinagtabuyan siya.

“Hoy!  Kumilos ka!  ‘Wag kang lalampa-lampa!”

Napatingin ako sa taong sumisigaw at nagagalit; ang aking ina.

Iniayos ko ang aking kasuotan;  isa lamang itong manipis at maigsing kasuotan.

Nakapangliliit ng sarili, ngunit para sa aking ina,  hindi ako magdadalawang-isip na gawin ang bagay na ito kahit na ayaw ng sarili ko.

 “Kumendeng ka!

Sa mga tingin niya habang sumisigaw,  natatakot ako.

Iginalaw ko ang beywang ko kahit na nahihiya ako,  kahit na mayroong takot na naglalagi sa puso ko.

Maraming nanonood at halos lahat ay kalalakihan.

Naririnig ko silang tumatawa at sumisigaw na, “Igalaw mo pa!”

Sa bawat kembot ng aking beywang,  sa bawat haplos ng mga kalalakihan sa aking katawan,  nanlulumo ako at nanliliit ako sa sarili ko.

Ngunit habang tumatagal,  nakasasanayan ko na rin ang gawaing ito,  nakasasanayan na ng sikmura ko ang pagkamuhi ko sa aking sarili.

Para naman ito sa kaniya,  para sa aking mahal na ina, para mahalin niya ang nag-iisa niyang dalaga.

 

“Magkano nga pala’ng binigay sa ‘yo nung ka-table mo kagabi?  Akin na nga.”

Kinuha ko ang aking pitaka at ibinigay sakaniya.

Nakita ko siyang nakangiti kaya’t napangiti rin ako;  makita ko lang na masaya siya,  masaya na rin ako.

Lahat ay gagawin ko,  lahat ay pagtitiisan ko,  kahit na babuyin at ipagkaloob ko sa iba ang sarili ko,  mapaligaya ko lang siya,  maging masaya lang siya.

“Lumayas ka na!  ‘Di ba may pasok ka pa?!”

Ibinato niya ang aking pitaka at ipinagtabuyan na akong palabas.

Nilisan ko na lamang ang aming tahanan;  nakita kong nakatanaw lang aming mga kapitbahay.

May mga matang nakatitig,  mga matang mapang~husga,  mga matang naaawa,  at mga matang nagnanasa.

 

Pumasok ako sa eskwelahang pinapasukan ko.

Normal na estudyante lamang ako,  isa nga pala kong inhinyero.

“Huy,  tulala ka,” sabi ko sa lalaking nakatingin sa malayo mula sa bintana at umupo ako sa tabi niya.

Matagal kaming tahimik.

“Nakita kita kagabi,” bigla niyang sabi.  Tatayo na sana ko, pero pinigilan niya ko.

 “Tigilan mo na ‘to.  Nasasaktan ka na,  pati rin naman ako nasasaktan na ‘ko sa ginagawa mo,” sabi niya at tinignan ako.  Tila ba sinasabing “hindi na niya ko kilala”.

“Patawarin mo ko.  Mahal kita pero….”

 “Mas mahal mo ang Mama mo,  naiintindihan ko.”

Tumayo siya at iniwan ako.

Ganito kami parati.  Laging pinag-aawayan ang trabahong pinagagawa ng aking ina.

May pagkakataon na naiisip ko na mas mabuti sigurong maghiwalay na kami;  kasabay no’n naiisip ko rin na hindi ko makakaya kung mawawala siya.  Siya na lamang ang taong nakaiintindi sa akin,  ang taong hindi ako kailanman hinusgahan,  ang taong sobra kong minamahal.

Iisipin ko pa lamang na iiwan ko siya,  hindi ko makakaya.  Hindi ko kakayanin ang araw~araw na mag~isa.

Tumayo na ko at pinuntahan siya sa lugar na lagi kaming magkasama.

Alam ko na nandoon siya dahil malungkot at nasaktan ko na naman siya.

“Sorry,” sabi ko at nakita kong napatingin siya sa akin at pinilit na ngumiti.

“Ok lang,  wala naman akong choice kundi tanggapin yun.”

Nakita kong pinunasan niya ang luhang dumaloy sa mga mata niya.

Ayokong nakikita siyang ganito,  lalo na’t ako ang dahilan ng mga pasakit na ito .

 “Maghiwalay na muna tayo,” sabi niya at tuluyan nang tumulo ang luha sa mga mata niya.

Hindi ko alam ang sasabihin ko,  hindi ko alam kung tama ba ito o mali;  naguguluhan ako.

“Ito ang tama,  alam mo bang masakit para sakin na iwan ka?  Mahal na mahal kita, pero ‘yung sakit sa puso ko,  hindi ko na alam kung makakaya ko pa.  Naiintindihan ko ang trabaho mo,  naiintindihan ko na sobra mo siyang mahal,  pero hindi ko na alam,  hindi ko na alam kung kakayanin ko pa ‘tong pagsubok na to.  Hindi ko nga alam kung ang pagsubok na ito ay may katapusan.   Ayokong dumating sa puntong iiwan kita dahil nagsasawa na ko sa ganito,  ayokong dumating ‘yung araw na….na masasabi kong hindi na kita mahal.”

Tama siya; sumang ayon ako sa desisyon niya kahit na masakit at kahit na hindi ko alam kung makakaya ko.

Simula nung araw na yun,  hindi na kami muling nagkita.

Naging normal na ulit ang takbo ng buhay ko, kailangan kong maging matatag para sa sarili ko at lalong-lalo na para kay inay.

 “Ihinto mo na ang pag-aaral mo.  Magtrabaho ka na lang.”

Hindi ako kumontra dahil alam kong masasaktan ko siya.

Tama pa ba ang ginagawa ko?

Tama pa bang kalimutan at pabayaan ko ang tanging bagay na nakapagpapasaya sa akin?

Kahit siguro mali,  basta para sa kaniya ay gagawin ko kahit na masaktan pa ko.

Inayos ko na ang kasuotan ko,  naglagay ako ng kaunting make-up,  at nagsuot ako ng isang perlas.

Itong gabi na ito ang pinakamasayang gabi sa buhay ko dahil tapos na ang pagtatrabaho ko sa ganoong klaseng lugar.

Habang ako’y sumasayaw,  isang anino ang aking natatanaw.

Isang masayang anino,  galing sa mahal kong ina ito.

Napawi ang kaba ko,  dahil nakita ko siyang masaya sa ginagawa ko.

“Dito ka, Miss.”

Nakatingin at nakaturo sa akin ang isang matandang mayaman,  hindi ko alam kung lalapit ako o kung paano ako gagalaw.

Nakita ko si ina at inuutos niyang pumunta ako sa matandang mayaman.

Walang anu-ano’y sinunod ko siya sa kadahilanang ayoko siyang masaktan at ayoko ring pagbuhatan niya ko ng kamay.

_________________________________

Nandito ako ngayon sa isang burol;  sa burol ng taong minahal, mahal at minamahal ko.

Napakaduwag ko nung mga panahong kinailangan niya ko nang sobra at iniwan ko lamang siya.

Napakatanga kong hindi intindihin na sobra niya lang mahal ang taong ‘yun.

“Anak…anak,  patawarin mo ko.”

Ito ang palagi kong naririnig sa burol niya;  gusto kong magalit,  gusto kong magwala,  gusto kong maramdaman din niya ‘yung sakit.

Gusto kong magalit sa taong nagsasalita, pero alam kong magagalit siya dahil masasaktan ko ang taong mahal na mahal niya.

Masakit man makitang ngayon pa humihingi ng tawad ang taong iyon kung kailan wala na siya,  wala akong magagawa.

 

Nakatanaw lang ako sa malayo.

Nakatingin lang sa taong minsan akong pinasaya at minahal.

Napatingin sa gawi ko ang Mama niya.

Lumapit ito at bigla akong hinagkan.

“Patawarin mo ko.  Alam mo bang mahal na mahal ka niya?  Lagi kong nakikita ang larawan mo sa pitaka niya.  Alam kong ikaw ‘yung kasintahan niya.  Patawarin mo ko.  Patawarin mo ko kung nasaktan ko siya at nasira ko ang relasyon n’yo.”

Pinilit kong hindi magalit dahil wala ako sa katayuan para magalit.

Pinilit ko ring ngumiti.

 “Ok lang po yun,  tapos na naman po.  Hindi na po natin maibabalik ang panahon.  Siguro kung buhay pa siya,  napatawad na kayo nun.   Mahal na mahal niya po kayo.

 “Napakabuti ng anak ko.  Sayang at hindi ko naiparamdam na mahal ko rin siya.”

 

Pinunasan ko ang luha sa mga mata ng Mama niya .

“Ayaw niya pong nakikita kayong umiiyak at nasasaktan.  Kaya’t kung nasaan man po siya ngayon, sana ay maging masaya na lang tayo.”

Bumalik siya sa burol at kasama na ako.  Nakita ko siyang nakahiga, nakaaawa siya,  nakapanghihinayang ang ganda ng mukha niya.

 

Umihip ang malakas na hangin.

Siguro,  siya yun.

Napakasaya niya siguro dahil alam niya at naramdaman niya na mahal pala siya ng Mama niya.

May panghihinayang man dahil hindi niya ito naramdaman noong nabubuhay pa siya.

Siguro nga,  masaya ka na kapiling Siya.  Gusto ko lang humingi ng tawad sa pag-iwan sa ‘yo.  Gusto ko lang ding malaman mo na mahal na mahal kita at hindi yun magbabago.

 

Iceberg001
February 8 , 2013 || TwentyThirteenCollection