(Photo credit:  lealiouphotographystudio.com)

(Photo credit: lealiouphotographystudio.com)

“Letse ka na bata ka! Wala kang silbi! Katulad ka ng ama mong hudas!”

Ako si Tiboy; isang bata na lumaki sa isang magulong pamilya.  Nag-iisa akong anak ni Nanay. Mula sa kanyang masalimuot na nakaraan, ako ang naging bunga ng isang karahasan. Labinlimang taon lang si Nanay nang nalulong sa ipinagbabawal na gamot! Kasama ang kanyang mga adik na kaibigan na naglugmok sa kanya sa bisyo, lalo nang napariwara ang buhay ng aking ina.  Dahil na rin sa galing sa isang wasak na pamilya si Nanay, sa droga niya ibinuhos ang mga araw at oras na dapat ay sa pag-aaral sana.

Naging pakawala ang aking ina at sa ‘di inaasahang pangyayari, dahil nasa ilalim siya ng ispirito ng ipinagbabawal na gamot, ginahasa siya ng lahat ng kasamahan niyang lalaki!   Pangyayari sa buhay niya na hindi niya inakalang mangyayari.  Dahil mismong kasintahan pa niya ang naging lider sa panghahalay sa kanya.  Ang lalaking akala niya ay mahal siya, pero, ginawa siyang laruang basahan na pinagpasa-pasahan ng mga hayop na nilalang.

At dahil sa pangyayaring iyon, na-trauma ang aking ina.  Ipinagamot siya ni Lola upang bumalik sa katinuan ang kanyang pag-iisip.  Pero, bigo ang sarili niyang ina dahil naging ganap na BALIW ito.  Nalaman na rin nila na buntis pala si Nanay ng dalawang buwan bago mangyari ang insidente na iyon.  Isang baliw ang aking ina habang nasa sinapupunan ako; gusto ni Lola na ipalaglag ako, pero, hindi ako nakuha dahil sa tindi daw ng kapit ko sa sinapupunan ni Ina.

Sa siyam na buwan na ako ay kanyang dala-dala sa kanyang tiyan, ayon sa kuwento ng aming mga kapitbahay, walang araw na hindi nagsisisigaw si Nanay.  Minsan, pinapalo pa ang kanyang tiyan! Ang dati raw na ganda nito ay nawala at naging  katakot-takot ang hitsura!

June 15, 1980 ang araw at buwan ng paglabas ko sa mundo at isang sanggol na naghihintay na ikalong ng isang ina. Pero, sa paglabas ko ay ang tuluyang pagpikit ni Nanay ng kanyang mga mata. Narinig niya ang aking unang iyak, pero ang makita ang kanyang munting anghel ay hindi na niya nagawa dahil binawian ng buhay ang aking ina! Namatay si Nanay na isang baliw! Namatay si Nanay sa pagsilang sa akin. Nawala ang aking ina dala ang isang masalimuot na nakaraan at ‘di nabigyan ng hustisya. ‘Di ko man lang nakilala ang lalaking gumahasa at naging ama ko! Ngayon ay naglaho na, tapos na rin ang paghihirap ni Nanay dito sa mundong ibabaw. Pero, ako ay nagsisimula pa lang nang walang nakagisnang ina at ama.

Lumaki ako nang may diperensya sa baba pero, hindi naman masyadong naapektuhan ang pagsasalita ko. Ito raw ang naging epekto ng pagsuntok ni Nanay sa kanyang tiyan dati.  Gayunpaman, tanggap ko ang panlalait ng mga kalaro ko.  Si Lola ang nagpalaki sa akin at kahit malayo ang loob niya ay patuloy siya sa pagbabanat ng buto upang mabigyan ako ng edukasyon. Kahit ilang palo ng latigo ang dumadapo sa payatot kong katawan,  ni minsan ay hindi ako nagtanim ng pagkapoot o galit kay Lola.   Sa bawat tawag niya na:

Lola:  Tiboy, lintik kang bata ka! Animal, halika ka dito! Hinayupak kang bata ka!

Tiboy: Opo, nandiyan na po ako, Lola!

Sa bawat hampas ng sinturon at minsan pa’y nag-iwan ng marka sa hapis kong katawan, ay isang masakit na kototohanan na tila hindi ako apo sa paningin niya.

Taon ay nagdaan; lumaki akong may takot sa Diyos.  Sa sariling sikap ay nakapagtapos ako ng pag-aaral bilang working student. Isa akong sa matatalinong estudyante sa kursong Information Technology. Labas-masok sa aking mga tainga ang pangungutya sa pagsasalita ko.  Gayunpaman, ginawa ko silang inspirasyon upang sa kabila ng aking kapansanan ay magtagumpay ako.

Minsan akong titingala sa langit sabay ang dasal na sana ay buhay pa ang aking ina.  Naranasan ko siguro ang pagmamahal ng isang Nanay at kasama ko siya sa tagumpay na nakamit ko. Kung nakilala ko lang din sana ang aking ama, siguro naipadama rin niya sa isang anak na gaya ko ang pangungulila sa matatawag na TATAY.   Pero, ito ako ngayon, nag-iisa at ang kuwento ng nakaraan ang tanging mga alaala sa mga taong nagbigay ng buhay upang makita ko ang mundo.

Pagkatapos ng ilang taon na paghihirap, pag-aaral sa umaga at trabaho sa gabi bilang kargador sa pier ay nagbunga ang aking mga pagsisikap.  Isang tagumpay nang isuot ko ang togang itim sabay hawak sa diploma na nagpapatunay na nakamit ko ang isang pangarap ko.  Tanaw ko si Lola na nakaupo at  nakatingin sa akin sa entablado.  Hindi niya magawang bigkasin ang mga salitang: “Proud ako sa iyo, apo!” pero nakikita at nababasa ko sa kanyang mga mata ang tuwa at mga butil ng luha. Alam ko na masaya siya para sa akin. At agad ko siyang nilapitan at sabay sabi ng:

“SALAMAT PO, MAHAL PO KITA, LOLA KO!”

Ngayon, nandito na ako sa bagong buhay, isa sa milyon-milyong OFW sa Gitnang Silangan na nakikipagsapalaran para sa kinabukasan ng aking pamilya. Lumaki man ako sa lugar na talamak sa ipinagbabawal na gamot,  kailanman ay hindi ko hinawakan ang mga bagay na iyun at ‘di ko pinangarap.   Droga ang naging dahilan ng pagkasira ng buhay ng aking mga magulang. Karamihan sa mga kalaro ko dati ay nasa rehas na bakal na.   Ang iba ay malaya pa rin na gumagala bilang mga kriminal.  Salamat sa Diyos at ginabayan niya ako sa tamang landas ng buhay.   Sa kabila ng pangit kong nakaraan ay hindi ako sumunod sa yapak ng aking mga magulang; kaya eto ako ngayon at patuloy sa pagsunod sa matiwasay na daloy ng buhay bilang OFW.

Kasabay sa paglipad ng puting kalapati ay ang ganap na katahimikan at paglimot sa minsa’y bangongot ng nakaraan. Dumugo man ang aking talampakan sa pagtahak sa landas patungo sa tagumpay, sa unahan ay ang wagas na paghilom ng isang pilat at pagpapatawad.