http://www.funzmania.com/i-look-back-on-the-past/

http://www.funzmania.com/i-look-back-on-the-past/

Hindi ko makalilimutan ang sandali na tinalikuran ako ng kahuli-hulihang tao na sa hinagap ko ay kakampi ko at makakapitan ko sa pinakamapait kong karanasan.

Taong 2007, ako noon ay dalawampu’t pitong taong gulang.  Tulad din ako ng maraming ina na nagingibang-bansa at may payak na pangarap lamang sa aking pamilya.

Tama na ang magkaroon lamang ng hanapbuhay na kumikita ng higit sa pangkaraniwan na hindi  mararanasan ng tulad kong hindi nakapagkolehiyo kung sa Pilipinas lamang makikipagsapalaran.

Naranasan kong makapagbanat ng buto sa Gitnang Silangan. Ang eksaktong lokasyon ay Abha, kung saan ang lugar at atmospera ay malaki ang pagkakahawig sa Pinas.  Maraming mga parke, ngunit nanatili pa ring disyerto.

Habang ako ay nag-iimpake, tanging nasambit sa lumuluhang tatlong taong gulang na anak at siyang bunso sa apat na anak, “Anak, ako ay bibili lamang ng ice cream sa bayan. Di ba sabi mo gustong-gusto mo iyon? Sandali lamang ako mawawala, makikita mo lagi ka nang makakain ng ice cream na inaasam-asam mo.”

Tulad ng karamihan, lugmok na kabuhayan ang unang nagtulak sa akin para mangibang-bansa. Sa trabaho ng asawa ko na nakikipasada lamang ng jeep, kapag nasiraan at nagkaatraso sa batas trapiko, suwerte na ang makapag-uwi ng isandaang piso.

Gaya ng napapanood sa telebisyon na mukha ng kahirapan, “Naranasan ko ang palagiang lugaw at suwerte pa kung may asin,”   ang solusyon para malamnan ang tiyan naming mag-anak, kasama na ang patsamba-tsamba na dalawang beses makakain sa buong maghapon.

Umiiyak man ang mga anak ko sa aking paglisan dala ng pangungulila,  sa kanilang mga murang puso ay ang pag- asang magkakaroon ng kaginhawaan sa  buhay.

Sambit pa ng panganay kong anak na sampung taong gulang, “Inay, kapag nandoon ka na, makatitikim na rin kami ng mga masasarap na pagkain at makabibili ng mga gamit pang-eskwelahan?

Napayakap ako at napahagulhol, “Ang mga kawawa kong anak..” at iyon ang baon ko sa aking paglisan, naging buo at matibay ang loob na kahit sa mga iniisip kong agam-agam ay baka hindi kakayanin ang pangingibang bansa.

Ang amo ko ay mag-asawa na may edad limampu pataas at limang anak na lalaki na pawang mga binatilyo.  Ang bunso ay labing-apat at angpanganay ay dalawampu’t anim.

Sa dalawang taon at kalahati ko sa pamilyang iyon, doon ko naranasan ang sobrang paghihirap.  Kinakailangan kong magising ng alas kuwatro ng umaga upang gumawa ng kape ng mag-asawa para makainom pagkatapos ng Fajr na panalangin nila.

Hindi ako maaaring matulog nang hindi ko pa natatapos ang aking mga gawain; minsan ay hilon- hilo ako sa antok at sobrang pagod. Kaya naman sobrang bumagsak ang katawan ko sa tindi ng mga nararanasan ko.

Ang oras na napipikit ko ang aking mata ay palagiang ala una na ng madaling araw sapagka’t sa tatlong palapag na bahay, ako lamang ay nag-iisa at sadyang napakaraming gawain.  Hindi na ako makakain sa sobrang kapaguran.  Minsan ako ay nagkasakit at hindi ko naranasan ang maipagamot ng aking amo; matinding pamimilipit ng tiyan.

Tanging panadol lamang ang ibinibigay.  Magpaalam man akong magpahinga, maya-maya naman ang kanilang pagtawag.

Hindi ko naranasan ang gumamit ng mga shampoo, kundi sabon lamang ang ibinibigay sa akin.  Paminsan-minsan ay talagang nangungupit ako nang paunti-unti sa kanilang gamit.

Bihira lang ako kung patawagin ng amo ko sa telepono niya.  Isang beses sa isang buwan lamang at labinlimang minuto lamang dapat. Sobrang sikip ng dibdib ko kasi nagagalit ang pamilya ko, hindi sila naniniwala kung bakit hindi ko sila maaaaring tawagan sa loob ng mga taon na iyon.

Ang dami ng paghihinala ng asawa ko; sa kaunting minuto ay makatatanggap pa ako ng pagmumura.  Naiintindihan ko siya kung kaya’t hindi ako nakikipagtalo.

Sa mga taon na iyon tanging pagsilip sa bintana lamang nagagawa ko.  Hindi ko alam ang nangyayari sa buong paligid. Minsan na lamang akong nakakakita ng ibang pangyayari kapag napapadaan ako sa sala at bukas ang telebisyon ng aking mga amo; noon lang ako nakasisilip ng balita.

Eksaktong ikalawang taon at dalawang buwan ko ay nagdesisyon ang pamilya na magbakasyon sa bansang Amerika, kung kaya’t nakiusap ang amo ko na sa loob ng isang buwan ay doon muna ako sa kaibigan niya.  Pagbalik nila ay aasikasuhin ang pagkuha ng kapalit ko.

Sumang-ayon ako sapagka’t hindi naman nila ako papayagan umuwi.  Katwiran ko, okay lang iyon kasi para may extra pa akong pera para sa pag-aaply sa ibang bansa.

Ang kaibigan niya ay mag-asawa at may anim na anak na dalawang babae at apat na lalaki. Ang mga babae ay may asawa na.

Ang matandang babae naman  ay palagian lamang sa kanyang silid; magkahiwalay ng silid ang  mag-asawa.

Dito, medyo magaan ang trabaho; alas nuwebe ng gabi ay tapos na ang gawain.  Hindi kasi problema kung hindi mo araw-arawin  linisan ang lahat.

Ang importante sa kanila ay malinisan iyong ginagalawan lamang nila.  Ang akala kong suwerte ay malas pala.  Minsan,  inaakala kong umalis ang buong pamilya.  Yun pala ay panandalian lamang umalis ang anak nilang lalaki na dalawampu’t walong taong gulang, hiwalay sa asawa, at may isang anak.  Nasa kuwarto na ako noon nang bigla niya akong pinasok. Hindi naman kasi nakakakandaduhan iyong kuwarto,  kaya simula pa lamang ay ipinagtataka ko na.

Sapilitan niya akong inangkin.  Napakaliit ko.  Noong una na tumakbo ako ay nahagip ang damit ko at pinunit iyon, hindi ako nakapalag.  Inabot ng hanggang hatinggabi ang pag-angkin sa akin.

Tinakot niya akong hindi ako makauuwi nang buhay sa amo ko at puwede niyang palabasin na umalis ako.

Iniyak ko ito, at wala akong alam kung paano ang dapat kong gawin. Sa sobrang takot ko na baka ulitin sapagka’t isang linggo pa lamang ako roon ay talagang nagbitbit na ako ng patalim kahit saan man ako naroroon.

Nakaalis ako sa bahay na iyon.  Hindi ko nagawang sabihin sa amo ko sapagka’t naduwag ako. Sabi ko, pauwi na ako, kalilimutan ko na lamang, mas nanaisin kong umuwi nang buhay  kahit naging masalimuot ang karanasan.

Nakauwi ako makalipas ang ilang buwan, ngunit naging masamang panaginip ko iyon; gabi-gabi ay dinadalaw ako sa panaginip, kung kaya’t mas lalong hindi na ako nakatutulog kapag nagigising nang alanganin.

Paglapag ng eroplano at pagtapak ng paa ko sa Pinas, ang inaasahan kong may magsusundo sa akin ay wala.  Limang oras pagkatapos ng arrival time ko ay naghintay ako. Hindi ako nakatiis at tumawag ako sa mga pampublikong telepono, sapagka’t wala pa akong cellular phone.  Hindi ako pinahintulutan na mamili ng amo ko, tanging mga bigay lamang niya ang mga naiuwi ko.

“Mahal ko, nandito na ako sa airport, nasaan na kayo?” tuwang-tuwa kong banggit.

“Ano ngayon? Alam mo naman siguro ang umuwi?” sagot sa kabilang linya. Napaiyak ako sa sobrang galit ko at sadyang lumong-lumo. Isang araw bago ang  flight ko ay naipaalam ko naman sa asawa ko.

Nagbiyahe akong mag-isa pauwi sa amin. Pagkadating ko ay walang pinagbago ang bahay; tanong ko sa sarili ko, “Nasaan ang mga pinadadala ko?”

Hindi na pala namasada ang asawa ko at natuto pang magsugal. Nagkibit-balikat ako, at ang nasabi ki sa sarili ko, “Mabuti at may naitabi ako!”

Makalipas ang isang linggo na malamig ang pakikitungo ng asawa ko,  at sadyang hindi ko magawang maglihim sa kanya, ipinagtapat ko ang nangyari sa akin.  Humahagulhol akong umaamot ng awa at pagmamahal.

Bigla-bigla ay dinuraan niya ako sabay sabing “ Rape? Baka ginusto mo iyon, kaya hindi mo nagawang tumawag nang madalas, baka nga kung hindi ka pa nagpapadala ay inisip ko nang nais mo na kaming abandunahin!

Lumayas ka, isama mo ang mga anak mo.  Mula ngayon ay maghiwalay na tayo! Nakadidiri ka, porke’t nangibang bansa ka na, lumandi ka at nagpatikim sa iba!”

Ipinagtatapon niya ang mga gamit sa labas, kaya napilitan akong umuwi ng probinsya sa mga magulang ko.

Pagkaraan ng ilang buwan ng paghihiwalay, nagbingi-bingihan siya sa mga panunuyo ko.  Nagpasya akong pumunta ng Hongkong, at ngayon ay halos mahigit dalawang taon na ako rito.

Naging maganda ang sitwasyon ko at maaari akong umuwi nang taon -taon.

Nawalan ako ng asawa dahil sa pag-aabroad, sa kasalanan na hindi ko ginusto.  Kinamuhian ng taong pinagkatiwalaan ko ng buong buhay ko.

Sa ngayon mayroon na siyang bagong pamilya at isang anak.

Hindi sila maaaring ikasal, dahil kami ay legal na kasal.

Mag-isa kong tinataguyod ngayon ang apat kong anak. Maayos naman silang naaalagaan ng aking mga magulang at kapatid. Hindi nila alam ang sinapit ko at ang dahilan kung bakit nawasak ang pamilya namin.

Ang hindi ko makalilimutan ay nang minsa’y nasambit ng anak ko, “Mabuti pa noon noh, kahit wala tayong pera at lugaw ang kinakain natin, may tatay tayo! Ngayon maayos nga tayo at nakakakain nang maayos, wala naman si Tatay!” narinig ko habang kausap ang kapatid niya.

Libo- libong aspili ang tumusok sa puso ko. Sana, balang araw maintindihan nila ang sitwasyon. Laging hiling at dalangin ko sa Maykapal.

Ako nga pala si Shiela, nangangakong “Hindi Na Ako Lilingon Sa Nakaraan!”  Tinanggap ko na ang aking kapalaran. Noon at ngayon, ang buhay ko ay ang aking mga anak.