(Photo Credit:  Timesofap)

(Photo Credit: Timesofap)

Isa po akong dalagang ina, dalawa po ang anak ko sa magkaibang lalaki. Ang panganay ko ay labing anin na taong gulang na anak ko sa isang kapitbahay.  Akala ko ay kami na talaga ng unang nakabuntis sa akin, dahil mahal na mahal ko yun at ganun din siya sa akin.  Kaso ayaw ng pamilya niya sa akin sa hindi ko malamang kadahilanan.

Hindi naman rin niya maipagpalaban ang kanyang pagmamahal, nakasilong pa rin siya sa saya ng kanyang Nanay. Hindi ko naman gustong api-apihin ako ng magulang niya kaya nagkusa na lang akong humiwalay sa kanya kahit masakit sa aking puso. Dahil nasa bahay lang ako, hindi ko naman maiwan ang aking anak na noon ay maliit pa.  Nagchachat ako sa isang site, may nakilala akong taga Qatar, at napagkasunduan naming magtatrabaho ako sa Qatar, pero siya ang aking employeer.  Ang aking anak ay ihinabilin ko muna sa aking Nanay at Tatay.  Sa kabila ng kanilang pagtutol, nagpatuloy pa rin ako sa aking gusto at aming usapan ng aking bagong nobyo.

Dumating ako ng Qatar at nagpunta sa bahay ng aking nobyo, hindi bilang katulong kundi bilang asawa.  Ako ang pangatlong asawa niya. Nasa isang building lang kaming tatlo niyang asawa.  Kada Biyernes at Sabado lang kung pumunta sa akin ang asawa ko, hindi ko na inalam kung nasaan siya sa mga araw na hindi ko siya nakikita. Suportado niya lahat ng aking pangangailangan, pati ang aking ipinapadala sa Pilipinas na pera para sa aking anak at magulang. Mabait naman ang pangalawa kong asawa; asawa daw kasi ikinasal kami sa banig..

Magkaibigan at magkasundo kami ng isa niyang asawang Qatari, ang pangalawa, pero ang una, hindi ko makasundo dahil napakasungit nito at masyadong selosa. Ako, okey lang sa akin, kahit hindi pa siya pumunta sa akin ng isang buwan, wala akong pakialam basta ba ang sustento at alawans ko ay ibibigay niya.

Lumipas ang limang buwan na pagtira ko sa Qatar; ako ay nabuntis sa pangalawa kong anak, at doon ko na rin naisilang ang bata. Nang mag-iisang taon na ang aming anak; siya ay nagkasakit.

Inatake sa puso at may diabetes pa, naging alagain siya. May schedule kaming mga asawa niya na magbantay sa kanya. Maliban doon sa mga anak niya sa una niyang asawa, nagbabantay din sila paminsan-minsan sa kanilang Baba. Pagkalipas ng halos tatlong buwan na pagkakaratay, namatay ang aming asawa. May inihabilin namang kaunting mana para sa anak ko. Dahil ayaw kong mamuhay kaming mag-ina sa Qatar, bumalik ako sa Pinas at bitbit ko ang isa kong pang buhay na tropeo.

Galit na galit ang aking mga magulang.  Sa isip nila ay dagdag na naman sa kanilang aalagaan.  Buti na lang at guwapo ang aking anak, at nagmana sa kanyang tatay na Qatari.  Maganda ang mukha at mahaba ang pilik mata at maraming nahahalinang magbantay sa anak ko.   Hindi ako masyadong pagod sa pagbabantay. Dahil nga sa kawalan ng hanapbuhay, at ang perang bigay ng yumaong ama ng aking anak ay hindi nagkasya at hindi na-manage nang maganda ang pera, hayun ubos agad, para lang kinidlatan at kay daling naglaho ng pera.

Nagpasya akong mangibang-bansa na naman. Sa ikatlong pagkakataon, gaya ng dati, ang anak ko ay kina Nanay at tatay na naman maihahabilin, kanino pa wala namang iba eh!..

Sa Jeddah naman ako napunta bilang tagapag-alaga sa matanda; mabait naman ang aking mga amo.  Ang suwerte ko pa rin kahit mahirap mag-alaga ng matanda, napagtitiisan ko naman kasi mabait nga sila sa akin.  Ang mga anak ni madam ay napakabait naman. Ang ikinaiinis ko ay ang mga indo na mga muchacha, selos nang selos dahil hindi ako tumutulong sa kanila, kasi nga si madam lang ang alaga ko.   Bedridden na rin si madam kaya kailangan niya talaga ang atensyon ko.

Sa boring ng buhay sa bahay ng alaga ko, may naka textmate akong Filipino din, naging kaibigan, at naging kampante ako sa kanya. Tuwing day off ko pag araw ng Biyernes, aynagkikita kami.  Tulad ng ibang magnobyo o magkarelasyon, ganun din ang ginagawa namin. Pumupunta kami sa kanyang akomodasyon at doon maraming nangyayaring para lamang sa mag-asawa.

Minsan, inumaga ako ng uwi galing sa aking nobyong Pinoy.  Hindi alam ng aking mga amo dahil tinawagan ko ang isang Indo na magbukas ng gate, sinabi kong huwag maingay kay Sir at Madam (ito’y mga anak ng alaga ko.) Dumiretso ako sa aking kuwarto dahil alam kong tulog pa ang alaga ko sa mga oras na yon. Hindi pa nga nag-iinit ang puwet ko sa kama ko, nang tumunog ang intercom sa kuwarto ko, ipinatatawag ako ni Sir.

Kinabahan ako; malamang ay isinumbong ako ng katulong na umaga na akong umuwi. Tamang hinala nga naman, galit na galit si Sir sa akin; isa daw akong Sharmuta ( pok-pok ) at bakit daw ako inuumaga.

Tinawagan ko ang aking nobyo sa nangyari, gusto kong makipagkita muli. Sa aming pag-uusap, sinabi niyang lumayas na lang daw ako at siya na ang bahala sa akin.  Magsasama daw kami sa buhay bilang mag asawa. Madaling araw kinabukasan, hindi nila alam na ako ay aalis na.  Nagpack up na ako ng mga gamit sa aking maleta, inihagis ko sa may beranda at  dali-daling lumabas. Dahil madaling araw, hindi masyadong maaninag ang mga dumaraan, wala akong masyadong makitang tao sa aking paglalakad sa mahabang kalsadang hindi ko alam ang aking pupuntahan.  Tinatawagan ko ang aking nobyo na ako ay sunduin na dahil ako ay nasa lansangan na.

May nakita akong sasakyang paparating; ang laki ng ngiti ko dahil akala ko ay ang aking nobyo.  Dali-dali akong sumakay sa likod ng sasakyan.  Pagtingin ko sa driver, ibang tao pala ito. Ang ngiti ko ay naglaho, kinabahan ako nang hindi ko mawari ang aking gagawin.  Dinala ako sa isang bahay na malaki na paniwala ko’y isang remote area yata yun ng Jeddah. May matataas na bakod ang bahay, animo’y walang tao. Pinaupo sa isang silya at pinakain muna, tapos pinaligo ako sa isang banyong kay ganda, at pagkatapos ay doon na ako hinalay ng walanghiya.

Nang magtagumpay siya sa kanyang gustong mangyari, may mga sampung lalaking dumating.  Hindi ko alam kung saan sila lumusot, basta ang nakita ko na lamang ay nasa akin nang harapan.  Salit-salit nila akong pinagsamantalahan; may tatlong tao pang nagsabayan, may nandoon sa aking likuran at dalawa pa sa harapan.   Ang iba ay naghihintay kung kailan matatapos ang nauna. Wala na akong mailuha pa, wala na akong lakas upang tumanggi, wala nang salitang namumutawi sa aking mga labi, dahil akoy nangangatal na at lupaypay na sa kanilang ginagawa. Ginawa nila akong baboy, parausan nang tatlong araw.

Sa mga sandaling yun, ang mga anak ko pa rin ang aking iniisip; na maaaring hindi ko na sila makita, hindi na kami magtatagpo pang muli.  Nasisiguro kong papatayin nila ako pagkatapos ng gusto nila sa akin. Sa mga gabing sila’y nahahapo sa paggamit sa aking katawan, nakapamilipit lamang ako, gising ang aking isipan, may mga pagsisising sumasagi sa aking isipan. Taimtim na nananalangin na nawa’y matapos na itong aking nasadlakan.

Sa ikatlong araw ko sa bahay na yun, pinagbihis ako at hindi ko alam kung saan na naman ako dadalhin. Pinasakay ako ng kotse at patuloy na bumabaybay sa kahabaan ng disyerto.  Wala akong makita dahil gabi nang kami ay umalis sa bahay kung saan ako hinalay. Huminto kami sa isang malawak na disyerto, at doon nila ako nilaglag at sinagasaan. Nawalan ako ng malay nang may ilang oras yata. May isang taong nakakita sa akin. Siya daw ay isang taga-Bangladesh na basurero sa Jeddah. Pinasakay niya ako at dinala sa may maraming tao, pinakain sa labas ng isang Restawran at pagkatapos noon, ako ay iniwan.

Humingi ako ng tulong sa mga Pulis doon para ako ay madala sa ating Embassy, hanggang ngayon ay nandito pa rin ako, naghihintay kung kailan makauuwi sa aking bansang sinilangan.

Ipinapangako ko sa aking sarili kung ako ay sakaling makauwi; hindi na ako muli pang tutuntong sa Saudi.

( Ito’y hango sa totoong kuwento ng isang kakilala na naging kaibigan sa Facebook, ipinasulat niya ang kanyang kasaysayan sa pangingibang-bayan.  Sana ay huwag naman po natin siyang husgahan)