DH

DH

Biktima rin ako ng panghuhusga at pangmamata ng mismong mga kakilala at kaibigan ko. DH lamang daw ako.

Puwes, Hindi ako apektado! So what? Ano naman ngayon?

Ito lamang ang masasabi ko:

Una, tipikal sa isang Pinay na kung hindi nakatuntong sa kolehiyo ay mas nanaisin na lamang ang trabahong DH.  Una mabilis ang proseso ng aplikasyon, at kung gagastos man ay ‘di hamak na bawi iyon sa dolyares na kikitain.

Kaysa naman magtrabaho sa Pinas na kakarampot ang kita. Hindi na tama ang magtiis at huwag kumilos, kahit na ipinanganak nang mahirap ay dapat na mamatay ring mahirap?

Kaya nga may kasabihan na “Hindi mo kasalanan ang ipinanganak ka nang mahirap, nguni’t kasalanan mo ang mamatay  na mahirap pa rin.” Kaya mas mabuti ang naisip nilang desisyon upang magkaroon ng maayos na pamumuhay.

Walang magiging DH, kung bibigyan lamang ba sila ng puwang upang magkaroon ng kita sa Pinas na katumbas ng kinikita ng pagiging DH. Nagsusumigaw ang sagot na, Imposible iyon! Natural! Kung mangyayari iyon, Wala nang libo-libong Pinay ang aalis para lamang maging biktima ng karahasan at kababuyan ng mga walang puso at kaluluwang mga amo.

Kung sakali man na nakapagtapos ng kolehiyo, naging DH sila sa pinuntahan nilang bansa na hindi iyon ang eksaktong trabaho na inaplayan nila. Biktima lamang sila ng mga panloloko ng ahensiya. Hindi nilalahat sapagka’t mayroon din na ang dahilan ay hindi nakapagtapos sa eksklusibong paaralan kung kaya’t hirap din sa paghahanap ng trabaho. Kaya mas pipiliin na mag-apply ng pagiging DH sapagka’t napipressure na sa mga kinakailangang pagkagastusan lalo na kung siya ang inaaasahan ng magulang na dapat maging responsable na sa mga gastusin sa sapagka’t nakapagtapos na ng pag-aaral.

Mayroon naman na pikit-matang sumusuong sa pangingibang bansa bilang DH sapagka’t ang kinikita ng asawa ay hindi sapat sa buong pamilya.

Mayroon naman upang mabuhay na ang pamilya sa dolyar na kinikita ay kasabay sa paglimot ng kawalanghiyaan ng asawa.

Samu’t saring dahilan, maaaring hindi ko nasabi ang dahilan mo, dahilan ng lahat. Ngunit higit na pinakadahilan ng lahat, kaysa tumunganga at magdildil ng asin sa Pilipinas, malagay man ang buhay sa panganib, mas mabuti na ang maging DH, hindi kami namemerwisyo ng kahit sino, bagkus dahil sa daang libong Pinay ang nakikipagsapalaran bilang DH, mas malaki ang kontribusyon namin sa ekonomiya ng Pilipinas.

Angat ang bilang ng DHs kumpara sa bilang ng iba’t ibang klase ng trabaho rito sa ibang bansa.

Kaya kung sinuman ang basta-basta na lamang kung kami ay hamakin at maliitin, baka puwedeng mag-isip isip ka muna. Dahil ang trabahong pinili namin ay masasabing pang propesyunal kung ituring, nagagawa namin ang iba’t ibang klase ng gawain na hindi lamang lakas ng katawan kundi kasama rin ang lakas ng aming pag-iisip.

Ang pagluluto na lamang ng pagkain ng iba’t ibang bansa na aming napuntahan. Ang iba’t ibang paraan ng pakikitungo sa mga amo na iba’t iba ang lahi na aming nakakasalamuha at kinakailangang pagsilbihan. Ang iba’t ibang sistema ng pag-aaruga ng mga batang iba’t iba ang lahi. Ang pagkakaroon ng ibayong pang-unawa sa kanilang mga kultura at tradisyon. Iilan lamang iyan sa aming mga pinagdalubhasaan dito sa ibang bansa.

Sapagka’t kaming mga DH ay may kakayahang makapagpatapos din ng pagpapa-aral sa aming mga anak.

At kaya rin naming mabigyan ng masagana at mabuting buhay ang aming mga pamilya. At kaya rin namin maging mas matagumpay sa hinaharap. At ngayon pa lamang ay sinasabi ko nang matagumpay ang aming pagsisikap!

Sapagka’t sa tiyaga at determinasyon pa lamang, kami ay nakalalamang!

Kapag may nanghamak sa iyo at sinabihan ka ng:

DH ka lang naman!

Ito ang dapat mong isagot:

TAAS NOO NANG MAY NGITI SA LABI:

“Ang trabahong marangal na sinasamahan ng pagmamahal, dedikasyon at sinseridad ay kahit kailanman hindi dapat ikinahihiya.”