(Photo Credit: Thefw)

“Pinsan mo, may scandal sa internet, ang bababoy n’yo talagang mag-anak nasa www.______.com.  Nakakahiya talaga kayo, mga hukluban!”

Yan ang nabasa ko kaninang alas 5:00 ng umaga sa aking text message. Parang naalimpungatan ako at biglang nawala ang antok ko dahil inisip ko, sino naman kaya sa mga pinsan ko ang puwedeng gumawa ng ganitong uri?  So ang unang pumasok sa isip ko ay kailangang buksan ang website para makita ko kung sino yun mamaya sa opisina.

At nang balak ko nang matulog muli ay naalala ko na lahat nga pala ng pinsan ko ay matatanda na dahil ako ang pinakabata sa magpipinsan. Teka, ano ba itong scandal na sinasabi? Maganda siyang marketing strategy kasi kahit sino ay mapipilitang buksan ang website para malaman. At ang alam ko ay may binibilang na number of viewers yun kung kaya mas maraming magbubukas, mas kikita ang nagpasimula noon. Siyempre magiging word of mouth na kasi sasabihin mo rin sa ibang kamag-anak mo na tignan ang website at kakalat ito hanggang maraming “hits” na siya.

Mayroon naman na kunwari ay Tito mo at sasabihin niyang pakiloadan yung phone niya dahil nag-change number na siya. Ikaw naman na walang kamalay-malay ay susunod at magpapadala tapos mawawala silang bigla.

Hindi rin siya nalalayo sa mga natatanggap nating mga text na nanalo tayo sa raffle ng Central bank at hanapin si Atty etsetera. O kung ano mang electronic raffle.

Eh paano mangyayari yun wala naman tayong sinalihan tapos mananalo tayo?   Napakasuwerte naman natin. Pero may ilan tayong kasama na tatawagan pa yung Atty. Etsetera at aalamin kung paano makuha ang premyo. Minsan, humihingi pa ng load pa yung Atty o minsan naman ay sabihin sa iyo na pakideposit ang “withholding tax” sa account na ito o makipagkita sa isang fastfood chain.

Sa promo kasi ng mga telephone companies ng unli text ay nakagagawa sila ng ganitong modus; na kung sa isang daan na gagawan nila ng ganito ay makakuha sila ng 10 lang ay malaking kita na rin nila.

Ngayon ko lang naintindihan kung bakit dito sa Gitnang Silangan ay kailangan mong iparehistro ang cellphone number mo at may valid ID pang kasama, Oo, minsan nakakahassle, pero para rin to sa proteksyon ng lahat na kung may masamang balak ang isang tao sa iyo ay puwede mo nang malaman dahil may record na siya kahit itapon pa niya ang sim card.

Sana ganoon din sa Pilipinas, para maiwasan ang mga iskandalo at panloloko na nangyayari sa atin na mga pangkaraniwang tao.