(Photo Credit : Lovebiites.blogspot)

Pasko na naman.

Noon masaya pa akong nag-aabang ng pagdating ng Pasko. Dahil ito ay araw para sa mga bata. Wala man akong anak ay masaya akong nakikinig sa mga batang nangangaroling sa labas ng bakuran namin, mga pamangking namamasko tuwing December 25, mga halakhak ng mga bata sa tuwing makatatanggap ng munting aginaldo.

Pero ngayon ay ito na yata ang araw na pinakaiiwasan kong dumating. Dahil magpapasko din nuon ng malaman ko ang buong katotohanan tungkol sa sinasabing anak ni Andrew sa ibang babae. At magpapasko din nang sumunod na taon nangg ang isang balita ay marinig ko at naconfirm ko ito nang walang kahirap-hirap.

Masakit pala ang pakiramdam ng napagkakaisahan ka nang wala kang kaalam-alam. Akala ko ay pinakamasakit na ang maconfirm ko na anak nga ni Andrew ang batang ibinalita sa akin nung 2008. Mas masakit at mas tumatak pa sa puso at isipan ko ang balitang aking narinig noong kapaskuhan ng 2009. Halos himatayin ako sa narinig ko.

Bukod pala sa mga biyenan kong nakakaalam at nakikipagkita sa apo nila kay Andrew ay pati pala ang mga hipag at bayaw ko, sampu ng kanilang mga anak ay alam din ang tungkol sa bata at sa tuwi-tuwina ay nakikipagkita sila sa bata.  May mga oras pa na dinadala pala ni Andrew sa bahay ng aking mga biyenan ang kaniyang mag-ina.

Ang bahay ng aking mga biyenan ay hindi naman kalayuan sa bahay naming mag-asawa. Nandirito rin pala sa may bayan namin ang dentistang pinagdadalhan nila sa bata. Tuloy pagkatapos noon ay didiretso sa bahay ng aking mga biyenan sabay hunta sa aking mga hipag at bayaw, pati na sa mga anak nila.

Inalam ko ang lahat ng mga ito sa pamamagitan ng pagtatanong sa isa sa mga pamangkin ni Andrew. Ang bata ay bata, wika nila, madaling tanungin, walang lihim na maitatago. Isang tanong ko lang ay sagot agad si Betty. Lahat ng itanong ko ay walang patumanggang sinagot ng bata, na ang akala mo ay nakikipagkuwentuhan lamang. Ang hindi niya alam ay kumukuha ako ng impormasyon.

Sa sakit na aking naramdaman ay guhong-guho ang aking mundo. Ganito na ba ako katanga?  Bakit wala ni isa akong nalaman ukol dito? Anong nagawa ko sa mga in-laws ko at nagawa nila akong pagkaisahan? Na sa tuwing kami ay magkikita-kita ay nakakaya pa nilang tumingin nang diretso sa akin gayong lahat pala sila ay may inililihim sa akin.

Ano kaya ang nasa isip nila? Na sobrang tanga ako at wala akong kaalam-alam o ako ay nagbubulag-bulagan lang o baka iniisip nilang tanggap ko na may anak na sa labas si Andrew?

Magmula pagkapanganak pa lang pala ng bata ay alam na nilang lahat. Kulang na lang pala ay itira silang mag-ina sa bahay ng aking biyenan. Ganito ba talaga ang role ng isang orig? Ang orig ang pinakahuli sa lahat ng balita, ang orig ang pinakatanga sa lahat, ang orig lang ang puwedeng masaktan at magtiis? Talaga bang dapat ito sa mga orig???

Pasko na naman… Pangatlong taon na nag-aabang ako ng panibagong bomba na sasabog sa aking tainga…

Tama pa ba na MERI KRISMAS ang ibati sa akin??? O baka mas tama ang bati ng pakikidalamhati???