Umiiyak si Theresa nang hapong iyon.  Katatapos lamang niya sa Elementarya, isang Linggo na ang nakararaan. Kinausap niya ang kaniyang mga magulang para sabihin sa kanila na balak niyang magpatuloy ng pag- aaral sa haiskul.  Hindi niya inaasahan ang sinabi sa kaniya ng ama

Ang dalawang kuya mo lang ang puwedeng mag- aral, ikaw ay hindi na mag- aaral dahil babae ka naman.”

“Ang mga babae ay dapat na sa bahay lamang, dahil kapag nag-asawa ang babae ay titigil lang din sa bahay para arugain ang mga anak,”  malumanay subalit mariing turan ng kaniyang ama na si Mang Kardo.

“Pero Ama, gusto ko pong mag- aral, gusto ko pong maging guro,” pakiusap niya rito.Tanging ang ama niya ang nagsasalita, dahil sa kanilang tahanan puro Ama lang niya ang nagdedesisyon.

“Hindi puwede anak, huwag mo nang ipilit”. Tingnan mo ang anak ni Pareng Bestre, pinapag- aral tapos biglang nag-asawa,e nasaan ngayon?  De nakatigil lang sa bahay.  Sinayang lang ang pera.”

“Ito lang ang maipapangako ko sa iyo, kapag nag- asawa ka na ay bibigyan naman kita ng lupa at ipagpapatayo pa kita ng baha,y. sabi ng ama.

“Pero Ama, hindi po ako mag- aasawa kaagad, tatapusin ko po ang pag- aaral,” patuloy na pakiusap ni Theresa.

“Anak nakapagpasya na ako, ha,huwag mo nang ipilit!  ” Iyun lang at tumalikod na ang ama.

Dinamdam ni Theresa ang sinabi ng ama.  Bakit ang mga kuya lang niya ang mag-aaral?  Gusto niyang makapag -aral din, maiba sa mga kababaihan sa kanilang lugar.  Pambahay lang kasi ang mga ito.  Sa katunayan, wala pang babaeng nakapagtapos sa kanilang lugar.  Makaluma kasi ang paniniwala ni Mang Gusting; ang mga babae para sa kaniya ay pambahay lamang, mag-alaga ng mga anak at maglingkod sa kanilang asawa.

Kaya nagplano siya.  Nang gabing iyon ay naglayas siya at tumuloy sa isa niyang kaibigan.  Mabait ang mga magulang ng kaniyang kaibigan, pinatulog siya sa kanilang bahay nang gabing iyon, pero kinabukasan ay inihatid siya sa kaniyang mga magulang.

“Pareng Gusting, inihahatid ko na sa inyo itong anak mo, pero pakiusap ko lang na sana huwag mo nang pagalitan, at baka umalis na naman, babae pa naman, mahirap mawalan ng anak.”

Hindi na nga siya pinagalitan ng mga magulang, pero siya ay kinausap nila  nang masinsinan.

“Sige, kung talagang gusto mong mag- aral ay pag- aaralin kita, pero kapag ikaw ay biglang nag-asawa at hindi nakatapos, wala kang makukuhang ano mang mana.  Titiisin ko na magdildil ka ng asin.  Maliwanag?  Iyan ang kasunduan natin,” tinig iyon ng ama.

“Opo” lamang ang naisagot niya.

Nakatapos si Theresa ng Haiskul, nagtuloy din siya sa Kolehiyo.  Maraming mga lumiligaw sa kaniya, pero talagang itinanim niya sa kaniyang sarili na ang pangarap niya ang kaniyang uunahin. Dumating ang panahon ng kaniyang pagtatapos.

Ang kaniyang ina ang naghatid sa kaniya sa entablado para tanggapin ang kaniyang medalya at diploma.  Masayang- masaya ang kaniyang ina, pati na rin ang dalawang kuya niya na kapwa nakatapos din ng pag- aaral. Ang ipinagtataka niya ay bakit wala ang ama, at nakikita niya na simula nang magkolehiyo siya ay hindi siya nito kinakausap.  Matapos ang kaniyang pagtatapos ay naghanda ang kaniyang ina ng salu- salo.  Masayang- masaya rin ang kanilang mga kapit-bahay.  Pero si Mang Gusting ay hindi man lang kumain ni humarap sa mga bisita.

Minsan, habang nasa bakuran si Mang Gusting at naglalagay ng pataba sa kaniyang mga gulay ay lumapit si Theresa dito.

“Ama, galit po ba kayo sa akin?  Bakit po hindi ninyo ako pinapansin?” halos maiyak-iyak na sambit niya.

Umiwas ng tingin ang ama, kapagdaka’y nagsalita ito, gumagaralgal ang tinig nito.

Nahihiya kasi ako sa iyo, anak!  Masyado kitang hinatulan, ngayon ko nakita na walang bagay na magagawa ang mga lalaki na hindi kayang gawin ng mga babae.”

“Nasa pagsisikap at ambisyon pala makukuha ang isang bagay.  Hindi ako karapat-dapat, anak, na makisaya sa tagumpay mo, anak, nahihiya ako sa iyo.”

Biglang niyakap ni Theresa ang ama, “Hindi kayo dapat mahiya sa akin, Ama, hindi naman po ako nagtatanim ng galit.  Kayo po ang inspirasyon ko kaya ako nagtagumpay.”   Umiiyak sila kapwa habang magkayakap

Hindi lamang naging isang guro si Theresa, bukod sa siya ang kauna- unahang babaeng nakapagtapos sa kanilang lugar, siya rin ang naging unang District Supervisor. Ang kaniyang napangasawa ay naging Mayor sa kanilang bayan.

Dito na kami nagkita ni Theresa sa Amerika, nagbakasyon siya kasama ang asawa dahil nurse ang kaniyang anak dito. Isang makabuluhang kaisipan ang ibinahagi niya sa akin

“Edukasyon ang magpapabago sa isang tao, lumipas na ang panahon na ang mga babae ay nasa sulok lamang,.  Nilalang ang mga babae para maging produktibong miyembro ng komunidad.  Ang tagumpay ay pinagsisikapang marating. Nagsisimula ang lahat, una sa pananalig sa Diyos at ang pangalawa ay ang hangarin na umunlad sa buhay”.