Books (Credits: copyfight.corante.com)

Iba-iba man ang paraan natin ng pag-atake sa pagbabasa, mananatili pa rin na magkakamukha ang rason at dahilan sa bawat pagbisita natin sa isang blogsite o pagbuklat natin ng aklat. At ilan sa mga yan:

  • Tumawa. Laughter is still the best medicine, walang expiration, walang overdose. Minsan kailangan, ikaw din ang hahanap ng makapagpapasaya sa sarili mo. At maniwala kayo sa akin, na may mga pahina ng libro o piraso ng blogpost na daig pa si Vice Ganda kung magpasaya, hindi dahil sa galing sa pagpapatawa, kundi sa galing magpaalala ng mga bagay na makapagpapasaya.
  • Maglakbay. Higit kasi sa letra, may mga kuwentong maghahatid sa ’yo sa lugar na hindidi mo pa napuntahan. Nakaupo ka lang, pero mararating mo ang romantikong bansa ng Italya, maghabulan ng snow sa Canada, manood ng nakaka-inlove na pagbagsak ng dahon sa Korea, lumanghap ng hangin sa Australia, o di kaya ay maligo sa paraiso ng Palawan. Lahat yan, pwede mong marating habang nakaupo sa silya o nakahiga sa kama. Kailangan mo lang, bumuklat ng libro o pagalawin ang mouse, magclick at magbasa.
  • Matuto. Isa na yata yan sa pinaka-“basic” na dahilan ng pagbabasa, ang matuto. Aminado ko na bopols talaga ko sa sasakyan at sa sports. Pasensya na, di ako sporty-type na tao, at bukod sa motor na minamaneho ko, wala na yata akong alam pagdating sa motor industry, kahit ng tawag sa parte ng motor wala akong kamuwang-muwang. Kaya sa mga ganitong pagkakataon, sobrang laki ng tulong ng pagbabasa, lalo na ng internet. Lahat dito, makikita mo na. Nakakapagtaka nga kapag may nababasa ako sa wall ko sa FB tungkol sa mga tanong, na kung tutuusin ay madaling-madali na lang i-“Google”, bakit kailangan pang itanong sa iba. Simulan mong hanapin ang bagay na wala sa’yo, dahil sa desisyon ito, mas mapapunlad mo ang sarili mo.
  • Magkaroon ng Kaibigan. Dahil sa anumang positive gain mo sa pagbabasa, lalo na sa mga blogsite, ang pinakamalaking magandang epekto pa din ay mga bagong tao na madadagdag bilang mga kaibigan mo. Madaling-madali nang mabuo ang pagkakaibigan sa taong matatagpuan mo sa isang blogsite, o taong kamukha mo ng librong binabasa, una, dahil mayroon na kayo agad commonality, pangalawa paniguradong madami kayong magkamukhang values at beliefs, magkamukhang trip ba naman ng sulatin basahin nyo eh. Panigurado, magkamukha kayo ng amag at topak ng utak.
  • Palawakin ang imahinasyon. May mga pagkakataon nga, dadalhin ka pa niya sa mundo na malabo mo talagang mapuntahan.  Sino ba ang hindi humawak ng wand at sumigaw ng expelliarmus ala Harry Potter, o sino ba ang makalilimot sa maalamat na love triangle ng vampire, werewolf at anemic este tao (peace sa Twilight fanatics?). Ssino ba ang hindi naghangad na humawak ng light saber at maging Jedi? Lahat yan mararanasan mo, sa bawat pagbuklat mo ng pahina ng libro.
  • Matuto sa karanasan. Sa pagbabasa, lalo na sa blogging, higit kalahati ng mababasa mo ay pawang karanasan ng tao, totoong karanasan na minsan nagdulot ng problema sa writer, na napagtagumpayan at may aral na natutunan. Sa pagbabahagi nila nito sa iba sa pamamagitan ng pagsusulat, hangad nila ang magbahagi, ‘di lang ng kuwento, kundi ng karanasang may solidong aral. Sa pagbabasa, dadalhin nila ang isip, puso at pananaw mo sa mga sitwasyong masusubukan ang kakayahang magdesisyon ang iyong pagkatao.
  • Motivation and inspiration – lalo na kung makatatagpo ka ng taong ang lakas bumuhay ng pag-asa, mga taong alam kung paano gumamit ng salita upang hawiin ang kahit anong dilim ng ulap na bumabalot sa buhay mo. Sa oras na punong-puno ako ng problema, ang laki ng tulong na magbasa ng mga salitang nagbibigay ng pag-asa na magpatuloy. Salita lang siya, letra, pero kung pipilipitan mo at kakatasin ang kahulugan na nasa loob nila, malalaman mong, mas masustansiya pa sila sa katas ng labanos at ampalaya. Pagkatapos mong magbasa, maniwala ka pag sinabi kong mas magaan nga palang huminga.
  • Maka-“relate”. Ang karanasan, ‘di lang naman binabasa para may matutunan, binabasa din yan dahil pareho kayo ng pinagdaanan. Tipong nakaka-relate ka sa nagsulat, nararamdaman mo yung pakiramdam niya sa sitwasyon at kalagayan na isinasalarawan niya sa salita. Madalas, nagbabasa tayo, hindi dahil tinatangap ito ng ating utak. Madalas, nagbabasa tayo dahil pinupunuan nito ang pakiramdam na hinahanap natin, mga pakiramdam na maaaring nabawasan, nawala, o napalitan dahil sa paglipas ng panahon.
  • Self expression. Hindi lang naman ang nagsusulat ang nakapagpapahayag ng sarili niya. Habang nagbabasa ang isang reader, at sa bawat tango, iling, tawa o pangingilid ng luha, may aspeto ng pagkatao niya na sumang-ayon, sumalungat, nagalak, o may damdaming nasalat at nagising dahil sa kanyang pagbabasa. At sa mga gawain na yun, parang nagawa na din nating ipahayag ang mga saloobin natin.
  • Personal growth. Sa oras na bumili ka nga daw ng libro, hindi lang naman papel at ilang patak ng ink ng printer ang binili mo. Bagkus, sa bawat inipong papel na inipit at binuklod para maging libro, isang panibagong buhay, isang mahabang rolyo ng karanasan ang matitikman mo. Dahil sa katotohanan na yun, mas lamang ang marunong magbasa kaysa sa ibang di naranasang magbuklat kahit na isang pahina. Ang nagbabasa, nabubuhay na siya sa sariling mundo nya, may panibagong buhay pa siyang masisilip dahil sa mga librong binabasa.

Hindi biro ang magsulat, may oras na halos makiusap na ko sa lapis na gumalaw mag-isa o ‘di kaya ay puwersahin ko ang keyboard ko na pumindot nang kusa niya. Pero sa kabila ng lahat, gusto ko pa ring magsulat, dahil may gusto pa ring magbasa. Hindi naman daw nauubos ang kagustuhan ng tao na matuto, ang urge na may malamang bago, ang curiousity sa hindi niya maunawaan, pero ang kaso, nagmamadali na kasi ang mundo, kaya sumasabay ang tao.

May ilang bilang pa naman din ng nagbabasa, pero mas madami ang pipiliing maglaro ng computer games o ‘di kaya ay magkutkot ng kuko kaysa gawin ito. Sa dami ng laro sa internet, o sa dami ng application sa social media, mukhang nagiging extinct na nga yata ang anak ni Juan na mahilig magbasa. Sana lang marealize mo, na sa mundong necessity na ang internet, kasalanan mo na kung mananatili kang bobo.