(Photocredit: Mood-light)

Misis, pinatay ng Mister dahil sa selos.

Negosyante, dedo sa riding in tandem.

9-anyos, pinatay ng mga batang hamog.

Estudyante, natagpuang patay pagkatapos halayin at saksakin.

Ito at iba’t ibang masasamang balita pa ang aking nababasa araw-araw.

Bilang isa sa mga admins ng Facebook page na “Mga Balitang Pinas”, hangad namin na makapagbigay kami ng aking mga kasamahan ng balitang nagaganap sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas. Ito ay para sa mga cellphone users na walang kakayahang gumala sa mundo ng internet upang mabasa ang mga latest news sa Pilipinas.

Nakakalungkot isipin na kahit sa sariling bansa mo ay natatakot ka na maglakad o mamasyal minsan dahil sa mga taong halang ang kaluluwa. Kailan pa kaya matigil ang ganitong krimen? Sisihin ang droga, kahirapan o ang problema kaya nakakagawa ng krimen?

Buhay ang kinukuha ninyong mga kriminal kayo! Pinalaki, inalagaan at binibigyan ng mga magulang ng magandang kinabukasan ang mga anak nila subalit sa isang iglap lang ay kinuha ito ng mga halang ang kaluluwa.

Ligtas pa ba ang manirahan sa Pilipinas?

Isa sa di ko makalimutang pangyayari ay ang kapitbahay naming natagpuan sa bakanteng lote pagkatapos siyang hold-up-in ng di pa nakikilalang suspek. Sa abroad na ako noon at hindi ako mapakali sapagkat ilang daang beses ko dinaanan ang lugar na iyon noong nag-aaral pa ako. Habang nagtatrabaho ako nang mabalitaan ko iyan, balisa ako sapagkat iniisip ko ang mga kapatid kong mas nakababata sa akin dahil ang kriminal ay maaaring pakalat-kalat pa sa aming barangay.
Ang dalagang namatay ay bunso sa magkakapatid. Nagtatrabaho sa Jollibee sa SM Fairview at noong araw ng kamatayan niya ay araw ng kanyang sweldo.

Napakasakit isipin kahit hindi ko kaanu-ano ang biktima. Ano pa kaya ang nararamdaman ng mga kapamilya lalo na ng mga magulang ang ganitong sinapit ng kanilang anak?

Parang hayop ang turing ng mga kriminal na ito sa biktima. Bakit may mga taong kayang kitilin ang buhay na kaloob ng Panginoon? Bakit wala silang mga takot sa Diyos?

Kung may death penalty kaya sa Pilipinas, mababawasan ang kasamaang ito?

Panginoon, kayo na po ang bahala sa amin at sa aming mga mahal sa buhay. Huwag Mo po sanang ipahintulot na maging biktima kami o ang aming mga mahal sa buhay ng mga taong sinaniban ng kasamaan. Haplusin mo sana ang puso ng mga taong ito nang tumigil ang kanilang kademonyohan.

At para sa ating lahat, kasama man natin o hindi ang ating pamilya, huwag natin hayaang makalimot sila kung ano ang tama. Gabayan sana natin ang ating mga kapamilya lalo ang mga anak nang hindi sila maligaw ng landas.

Blogs originally posted at http://www.facebook.com/pages/Mga-Balitang-Pinas/285076444840297 on November 2, 2012.