(photocredit:Cartoonstock.com)

Tama ang kasabihang hindi importante ang itsura basta ang nasa loob ay maganda, ngunit karamihan ay mas tinitingnan pa rin ang panlabas na anyo kaysa ang kabutihan ng isang tao.

Minsan tumambay ako sa isang opisina ng special unit ng pulis.; madalas kami doon dahil parte iyon ng aking community work. Halos pagod na rin ang lahat dahil sa ilang araw na ring walang tulog sapagkat isang sensational na kaso pa ang ‘di pa nareresolba, ngunit kahit ganoon pa man, patuloy silang nagtatrabaho.

Medyo hatinggabi na rin nang dumating ang gumala sa labas at nanghuli ng kriminal. Pagbaba ng sasakyan sinipat ko ang mga tao na palabas; nasa labas kasi kami ng pintuan kaya kita agad sila. Isang lalaki na maamo ang mukha at maputi na medyo may itsura naman kung mabihisan ang kasabay nilang pumasok sa loob.

Hindi naman namin sila pinansin, pangit namang magtanong kung ano ba iyon. Isa lang naman ang nasa isip ko, baka testigo doon sa pagpatay sa isang mayor kailan lang. Hanggang nalaman namin na iyon pala ay isang kriminal. May warrant of arrest at no bail ang kaso. RAPE.

Tiningnan ko ang itsura, parang hindi naman kriminal ah. Akala mo nga hindi makakabali ng isang walis tingting. Ngunit totoo, rape ang kaso niya. Number four most wanted daw sa siyudad.

Natawa ako, “walanghiya naman oo, ilan kaya ang narape ng taong ito?”…sa loob-loob ko.

“Baka naman kasi hindi pinakasalan ang taong nagreklamo kaya kinasuhan siya ng rape?” bulong ng kaibigan ko.

“Kung wala ka bang kasalanan magtatago ka ba? Natural, hindi, di ba?”, sagot ko.

Biniro kami ng mga nandoon na kami daw ang magbabantay.   Naku sabi ko sige,. pero ‘wag kayong magtataka kung paggising n’yo sa umaga ay kalbo na yan at kasuhan kayo ng Commission on Human Rights. Galit ako sa rapist, galit ako sa mga taong ginagamit ang kanilang lakas para makuha lang ang isang babae.

Madalas tayong matakot sa mga taong ang itsura ay parang mga hindi puwede pagkatiwalaan at magiliw tayo sa mga taong ang itsura ay kaaya-aya. Iyon pala dapat din tayong magdoble ingat sa kanila dahil sa itsura nilang kaaya-aya mayroon din palang kasamaan na puwedeng lumukob sa kanila.

Ano pa man ang itsura, dapat doble ingat at kilatisin ang taong nakakasalamuha.