(Photo Credit: Lovingabundance)

Naaalala ko pa ang araw na una akong pumasok sa paaralan.

 Kindergarten

Kalahating araw akong umiyak sa pag-aakalang iniwan na ako ng aking mga magulang sa kamay ng mga taong hindi ko kilala. Parang nag-iwan lang ng mga gamit sa baggage counter at habambuhay nang hindi babalikan. Hindi naman ako pinagalitan ng guro dahil normal lang naman daw yun. Sa katunayan, may ilang kasabayan din naman ako sa pag-iyak, parang choir lang. Kami yata ang contenders ng future ‘Crying Ladies’.

Sa naging guro ko noong kinder, salamat sa mataas na pasensiya at pagmamahal.

 Elementary

Medyo mababangis na ang mga guro. Marami na sila, nagpapalit na ng mga subjects. Hindi tulad nung kinder na pagsusulat at pagbabasa lang ang aatupagin. Dito, may mga numero na at portfolios. Kailangan nang magdala ng mga malalaking strollers, hindi puwedeng bagpacks lang dahil makukuba ka sa pagdadala ng mga libro at notebooks. Namamalo na ng kamay at naninigaw ang mga guro. Napapaiyak ako palagi kapag napapalo ng guro, hindi dahil masakit kundi dahil sa hiyang nadarama kapag magsisimula nang magtawanan ang iba. Katabi ko pa din naman si crush.

Malaki ang pasasalamat ko sa kanila, naging malaking parte sila sa kung ano, sino at bakit ganito ako ngayon. Lalo na ang adviser ko sa ika-anim na baitang, pangkat isa (kumpleto. hehe) Na ni minsan ay hindi ko nakitang nagalit sa amin, lalo na sa akin. Banayad lang magsalita, siya ang modelo ko ng isang tunay na ‘Dalagang Filipina’. Naging parte din sila para malaman ko kung ano ang gusto kong ‘maging’ sa paglaki ko, yan ay kung lalaki pa.

Sa mga guro ko noong elementarya, salamat sa mga palo, pasensiya at pagmamahal.

High School (eto’ng matindi)

Marami nang requirements ang mga guro, parang hindi na sila mga guro, sila na ay mga hukom. Hindi na sila namamalo, kakainin ka na nila ng buhay. Lalo na kapag hindi ka pa nakababayad sa hourly dues, daily dues, weekly dues, monthly dues, yearly dues, centennial dues, SSS, Pag-Ibig, NGO at UFO. Hindi pa kasama ang mga babayaran mo sakaling nagkamit ka ng mga penalties tulad ng noises na nagagawa mo, paglabag sa karapatang pantao dahil hindi naisuot ang shoe cover sa loob ng classroom, at ang bawat segundo na pagpapalipat-lipat sa ibang upuan na parang squatter. May naidagdag na ring kalakaran, nagbebenta na ng mga minatamis, yema at sampaloc ang ibang mga guro. Hindi sila nakapagpapatalino, pero nakapagpapataas ito ng grado lalo na kung papakyawin mo lahat ng paninda ni maam. Hindi naging masyadong makulay ang buhay ko sa high school dahil mas napili ko ang pagbubulakbol kaysa sa pag-aaral.

Kaya laking pasalamat ko nang isinuplong ako ng aking guro sa DSWD, este sa mga magulang ko nang isang buwan akong hindi pumasok sa paaralan. Sa kabutihang palad, nakabalik naman ako sa tamang landas at nabigyang liwanag ang madilim kong pag-iisip.

Sa mga guro ko noong High School, salamat sa pasensya, sampaloc at yema, pag-aaruga, konsiderasyon at pagmamahal.

Kolehiyo? (On-Going Process)

Kalimutan muna ang mga attendance sheet, grades at iba pang records ng mga makukulit n’yong estudyante. . Araw n’yo to.  Happy Teacher’s Day.

(Huli man at magaling…pasensiya na’t nahuli na sa trending!  ^_^ )