Arrivals (Photo Credit: mycartoonthing.com)

Hindi ako isang OFW, pero anak, kapatid, pamangkin, pinsan at kaibigan ako ng mga OFW. Kaya ilang beses na akong nakatapak sa Airport upang sumundo sa mga paparating na kamag-anak. Sa mga oras na ako’y naghihintay sa paglapag ng eroplanong kanilang sinasakyan, naisipan kong pagmasdan ang mga taong sabik sa pagbabalik ng kanilang mga mahal sa buhay, at ang pagtapak muli ng mga nangibang bansa sa kanilang lupang sinilangan.

Iba’t iba at halo-halong mga emosyon ang aking nasaksihan. Pakiramdam ko, nasa kanilang katayuan din ako; sabik sa muling pagbabalik ng kanilang mga kamag-anak. Nang nakarating na ang eroplanong kanilang hinihintay, halos hindi na nila maiwaglit ang kanilang pagkakatitig sa dinaraanan ng mga pasahero. Parang nagpapaunahan silang makita ang kanilang hinihintay. Kung sino ang mauna, siya ang agad na sisigaw ng “Nandyan na si (Papa, Mama, Ate, Kuya, Lolo, Lola, Tita, Tito, Pinsan at Kaibigan.)”Ituturo pa nila iyon na kanilang daliri.

Atat nilang sasalubungin ang kanilang mahal sa buhay, halos tumakbo pa nga sila papalapit dito, sabay yakap isa-isa. Puro tuwa at galak ang tanging mababakas sa kanilang mga mukha. May ilan akong namataang lumuluha dahil sa pangungulila nang mahabang panahon, na sa mga oras na iyon lamang nila muling naramdaman ang ibang klaseng kaligayahan.

Isang mahigpit na yakap ang binigay ng babae sa kanyang bagong dating na asawa, pagkatapos ay hinalikan niya ito.

“Gaano kasaya ang kanyang nararamdaman?” Bulong ko sa aking sarili. Siguro’y walang kapantay. Ang muling mahagkan ang kanyang pinakamamahal na nawalay nang napakatagal.

Sa kabilang banda, nakita ko naman ang isa pang pamilya na maligayang sinalubong ang kanilang haligi ng tahanan. Muli, yumakap at humalik ang kanyang maybahay. Napansin ko ang isang batang nagtatago sa likod ng kanyang nanay, mahigpit ang pagkakakapit niya sa damit nito. Lumuhod nang bahagya ang amang bagong dating, sinilip niya ang batang hiyang-hiya. Lalo pa iyong nagtago sa likod ng kanyang ina, hinimas lamang ng ama ang batang iyon sa ulo, sabay mabilis na hinalikan. Hanggang sa umalis silang pamilya, ni hindi ko nakitang lumapit ang bata sa kanyang Ama. Marahil, sanggol pa lamang ang batang iyon noong umalis ang kanyang ama upang magtrabaho sa ibang bansa. Bago sila makalayo, nasilip ko pa ang babae na humawak sa baywang ng kanyang asawa, habang masayang nagkukuwento tungkol sa kanilang anak na babae.

Paglingon ko sa kanan, masayang nagtatawanan ang dalawang babaeng may hila-hilang isang malaking maleta. Kung hindi ako nagkakamali, tingin ko’y magkapatid sila. Narinig ko pang sinabi ng isang babae na “Ang taba mo ngayon ah!” “Ikaw, maganda ka pa rin” Sagot naman nung isa.

Mayroon namang Amerikano (yata) na lalaki, siya ang agad na yumakap sa kanyang Pilipinang asawa (o kasintahan?) Then the Girl asked her Man, “Are you thirsty? I’ll buy you water.” Ngumiti lang yung lalaki at tumango, sabay  hinawakan ang kamay nung babae. Nagtungo sila sa tindahan na magkahawak-kamay.

May isang sanggol naman na iyak nang iyak habang karga-karga ng kanyang Ina (hindi siguro kilala? ^_^) May isa ring binatang hindi ko akalaing sasabihin niya sa kanyang bagong dating na Ina ang mga salitang “I MISS YOU, MAMA.” Tunay nga sigurong may pagbabago kapag matagal na nawalay sa iyo ang isang taong mahalaga sa buhay mo. Kung saan nare-realize nila ang kahalagahan ng isang bagay kapag nawala, na sa muling pagbabalik lang nila maipakikita at maipadarama.

Nakalapag na pala ang eroplanong sinasakyan ng susunduin ko, naghanda na ako sa paghihintay at pag-aabang sa daang kanyang lalabasan. Palinga-linga ako sa kaliwa, hinahanap ang palatandaang maaaring magtukoy sa kanya. Wala pa akong makitang medyo pamilyar sa mata. Tinitigan ko muna ang mga taong nakababa na, na naghihintay sa kanilang sundo. Ganoon rin sila tulad ko, palinga-linga. Tiningnan ko ang mga katabi ko, mas atat pa sila sa ‘kin. Marami silang naghihintay, wari ko’y buong pamilya nila ang naroon upang sama-samang abangan ang pagdating ng kanilang mahal. Sa tingin ko’y umarkila pa sila ng isang Van, upang marami silang makasama. Ayos lang yun, ganoon lang talaga kasabik ang kanilang pamilya.

Nang dumating na ang hinihintay ko, mabilis ko siyang nakita. Agad ko siyang pinuntahan. Hindi ko alam kung bakit bigla ko na lang siyang niyakap, bago iyon sa ‘kin. First time kong ginawa. Doon ko lang naramdamang nakakamiss pala talaga ang taong matagal mong hindi nakakasama. Halos mangilid nga ang luha ko noon sa sobrang saya, dahil muli ko na naman siyang makakapiling. Matapos magkumustahan, siya naman ang muling yumakap sa ‘kin. Siguro’y namiss niya rin ako. Ako na ang nagtulak ng kanyang mga dala patungo sa sakayan, kahit mabigat, ayos lang, ang mahalaga’y ako naman ang makapagsilbi sa kanya.

Sa dinami-dami ng taong umaalis ng bansa upang humanap ng kaunlaran, wala pa ring kapantay ang muling pagbabalik sa dati nilang tahanan. Lalo pa’t ipinararamdam nilang napakahalaga mo para sa kanila. Na hindi ka nila ipagpapalit sa anumang salapi at halaga, dahil ikaw lang ang pinakamahalaga sa kanila. Darating yung araw na muli silang aalis upang ipagpatuloy ang kanilang trabaho sa malayong lugar, tayo na muling maiiwan ang sa kanila’y maghahatid. Kahit hindi natin ipahalata, nakaiiyak at mabigat sa pakiramdam. Kung maaari lang sanang huwag na silang umalis muli at mawalay nang matagal, hindi na sana natin sila papayagan. Pero ganoon talaga ang buhay, kailangang may magsakripisyo para sa ninanais na tagumpay.

Isa lang naman ang mahalaga, na sa kanilang pag-alis at muling pagbabalik, sana’y naririto pa rin tayo para sa kanila. Tayo-tayo pa rin ba, tulad ng dati. Walang iwanan, lahat nagtutulungan. Yung mahal natin ang isa’t-isa, yung iisa tayong pamilya.