Couple arguing (Photo Credit: personal.psu.edu)

Couple arguing (Photo Credit: personal.psu.edu)

Kadalasang ating nababasa, naririnig o napapanood ay ang lalaki ang laging may pagkakamali at naliligaw ng landas kung kaya nasisira ang isang relasyon. Kahit anong paliwanag ang gawin ay hindi o ayaw pakinggan. Kaya’t nauuwi sa hiwalayan at iyakan.

Marami akong kakilala na mga lalaking successful sa mga piniling prospesyon pero ang karamihan sa kanila ay hindi tagumpay sa larangan ng pag-ibig. Nang aking tanungin ang mga kakilala ko ay ito ang kanilang mga tugon.

1. “Maghapon akong nagtratrabaho, pagdating sa bahay panay pa reklamo at bunganga.”

Simula sa paggising ay maririnig mo na ang boses ng asawa mo, nagmamadali, nagbubunganga sa mga bata na tila gusto na kayong makaalis ng bahay. Tapos pagdating naman sa bahay upang maghapunan ay makakarinig ng mga reklamo na mataas ang bilihin, daming gastusin o dili kaya ay kung anu-ano pa at madalas nakakalimutan kang kumustahin at alamin ang iyong araw. Buong araw kang nasa isang lugar na maingay dahil sa mga utos ng mga amo o mga kasama mo, tapos pag-uwi mo ay parang pinagkait ang munting katahimikan na gusto mong makamtan. Kaya minsan mas masarap pang umuwi ng tulog na ang lahat at ng makapagpahinga ng maayos.

2. “Sana naman minsan ay pagbigyan naman makapag-good time to unwind

Siyempre iba rin yun bonding ng pamilya at iba rin ang bonding ng mga kaibigan, iba yun kwentuhan ng mga magkakaibigan. Kadalasan ang mga kwentuhan ay tungkol sa kanilang mga kalokohan noong kabataan, o mga artistang nakikita nilang maganda at seksi. Ito ay ang paraan na para lang kahit sandali ay maaliw ang kanilang mga isipan, nagbibidahan at nagkukwentuhang kutsero. Hindi naman madalas ang mga ganitong okasyon, pero kapag nagpaalam naman ay huwag magiisip na may ginagawang kababalaghan.

3. “Si Mrs. Dating beauty queen, nang napangasawa ko naging lumba-lumba na, amoy ulam pa”

Noong hindi pa kami mag-asawa ay marami ang naiingit dahil sa super sexy at ganda ng asawa ko. Makaraan ng maraming anak at taon, eto na si mrs, size X-L na ang damit pero pinipilit pagkasyahin ang Medium size. Tapos tamad na mag-ayos sa sarili dahil ang dahilan ay madaming ginagawa sa bahay. P’wede naman time management dahil alam naman nila ang oras ng uwi ng lalaki, pero aabutan mong amoy bawang at nakalosyang na damit. Ano ba naman ang konting ayos at konting scent, eh di lalong gaganahan akong umuwi mula sa trabaho. Lalo na siguro kung mag-aero pa siya at maintain ang figure.

4. “Gusto maya-maya nagtetext o tumawag at kung hindi agad sumagot magagalit.”

Simula sa pagbiyahe papuntang opisina, pagdating sa opisina, maya-maya ay may mababasa kang text at nangungumusta o nakikikulit. E paano kapag busy ka at hindi mo agad masagot ang text, e di katakot-takot na tampo at away ang mangyayari, at paghihinalaan ka pang lumalamig na sa kanya o may ibang kinahuhumalingan ka na. Di ba nila maintindihan na kapag ang lalaki ang nagtext ang ibig sabihin ay may oras siya para makipaglambingan sa iyo. At hindi lahat ng oras ay p’wedeng magtext dahil mas malaki ang problema kapag nahuli ng boss.

5. “Minsan naman pagbigyan naman kaming magpa-cute, pampalakas lang ng loob namin na attractive pa kami.”

Hindi maiiwasan na humahanga pa rin ang mga lalaki at kadalasan ay napapatingin sa magagandang mga dilag, iyon ay ang law of attraction, minsan ay unconsciously nginingitian sila at iyon ay instinct lang pero walang halong malisya. E ang sistema ay kapag ngumiti naman ang babae pabalik ay natutuwa ang ego, hayaan na lang na ganoon. Konting pabilib lang sa sarili at ito ay makakatulong din naman sa relasyon dahil alam naming na may dating pa rin kami.

Ito ay mga ilan lamang sa hinaing ng mga kalalakihan at sana naman ay huwag bigyan kulay ng sino mang makakabasa na bias ito. Kung mayroon kayong gustong idagdag, isulat lang sa comments. Minsan kami naman ay inyong pakinggan.