(Photo Credit : Article.wn)

Taong 2009 nang lumapag ang eroplano kong sinasakyan sa JFK, Mayo noon malamig ang panahon at umuusok ang bibig ko sa tuwing hihinga ako.

Sa wakas, sabi ko sa sarili ko, Yes! Nasa Amerika na ako!

Makalipas ang kuwarenta minutos ay dumating na ang aking sundo na nagdala sa akin sa New Jersey; limang araw din akong may jet lag, pagod pero excited. Nakatatatlong buwan na ako nang unti-unti kong maobserbahan ang mga kababayan kong Pinoy….

Marami pala tayong kababayan na mahihirap lang dito sa Amerika, struggling sa buhay, ika nga, dahil mataas ang cost of living dito, sobrang mahal ng upa sa bahay at dapat may credit card, kaya ang iba ay nalulubog sa utang.  Pero bakit pag umuuwi sila sa Pinas, parang mga milyonaryo?

Kaya nga hindi ko masisi ang mga nasa Pinas na gustong- gusto na makapunta dito dahil akala nila, sobrang ginhawa ng buhay sa Tate. Akala mo kung sinong mayayaman at sobra pang yayabang, parang mga Diyos kapag umuuwi sa Pinas.  Hayyy… pero hindi naman lahat ha. (Pasintabi po)

Isa pang napansin ko, ang mga Pinoy ay walang pagkakaisa, para bang hanggang ngayon uso pa rin yung tribalism, tanggap ka nila kung isa ka sa kanila, halimbawa Ilocano ka siyempre in ka sa mga Ilocano. Ang napupuri ko dito yung may Visayan origin.  Parang kapag marunong ng Bisaya o nalaman na Bisaya ka, tanggap ka at makaaasa ka sa anumang tulong.

Mga kababayan, ke Luzon, o Mindanao, Pinoy po tayo lahat.

May Talangka Syndrome pa rin tayo, para bang laging naghihilahan, gusto ng bawat isa maging siya ang number one. Kasama na rin dito yung kayabangan na rin, pagarbuhan ng bahay, paramihan ng kotse, minsan nga sa mga party ang tanong ng isa’t isa, ilan na bahay mo? at ilan na kotse mo? o ano na ang business mo.

Marami din tayong kababayan na” Till Green Card do us Part”, may mga asawa sa Pinas,  pero iniwan ang mga ito at nagpakasal sa citizen para mag ka- green card. Di ko naman masisi ang iba pero mali pa rin, di ba. Mayroon ding iba na napaka- hinhin sa Pinas, nang dumating dito, naging mahihindutin na (again, pasintabi po sa salita).

Ang iba kapag kinakausap mo, kulang na lang sabihin na hindi sila Pinoy, kapag nagtatagalog ka, babanatan ka ng Ingles na mali-mali naman, hindi naman pinanganak dito; nakalimutan na ang tagalog.  Pero hindi ko naman nilalahat ha.

May mga Pinoy na walang awa, yung iba kasi nating kababayan na nag-TNT, sila yung nag-palso ang visa.  In short, wala ng papel o iligal na, na kapag nahuli sa Amerika ay ikukulong at ide- deport, alam ninyo ba na kapwa pa pala natin Pinoy ang kadalasang nagsusumbong at nagtuturo sa kanila.

May mga kababayan din tayong mapagsamantala, nanloloko ng kapwa Pinoy lalo na at baguhan ka.  May mga karanasan ako sa kanila. Yun ngang isa, pinaglinis ako ng bahay, usapan namin ay one hundred dollar ang bayad. Nang matapos ang pitong oras na paglilinis, kuwarenta dollar ang bigay. Pero hindi naman lahat ay sinasabi kong  ganoon ha.

Siyempre, marami din tayong kababayan na mababait, matulungin at maka-Diyos, Sila yung mga dapat tularan. Sana lahat ng Pinoy dito sa Amerika kagaya nila. Pangako ko nga sa sarili ko na kahit sari- saring hirap ang nararanasan ko dito sa Amerika, ako ay magiging tulad nila… yung mananatiling mabuti at matulungin.