soulreaper ( PhotoCcredit: Photobucket )

Sabi nila kapag umalulong daw ang aso ay may mamamatay; kung saan nakatapat ang aso na umaalulong. doon din sa may parte na iyon may mamamatay o’ di kaya ang alulong daw ng aso ay tanda na nagpagpapakita si Kamatayan.

Isa ito sa mga paniniwala natin na minana pa natin sa mga matatanda. At marami na ring nagpatunay nito, na totoo raw ang paniniwalang ito.

Noong una ay hindi ako naniniwala sa alulong ng aso na may hatid na kamalasan o kamatayan sa buhay ng tao.

Hanggang isang araw dumating ang pangyayari na dapat na akong maniwala sa alulong ng aso.

Ala sais ng umaga taong 1991 sa San Pedro, Laguna Baranggay Strella, inutusan ako ng aking tatay na bumili ng pandesal sa bakery. Pagdating ko sa kanto ng kalsada papuntang bakery, nagtaka ako kung bakit maraming tao sa may kanto ng kalsada papuntang bakery?

Nang aking tignan, isang lalake na tadtad ng saksak ang nakahandusay sa kalsada na mayroon pang kasama ng bote ng Beer na Beer sa paligid niya. Sabi ng mga tao taga ibang lugar daw ito at dumayo lamang sa lugar namin para makipag-inuman. Kaso wala namang nakakita kung sino ang kainuman ng lalake.

Ako’y umuwi sa amin at ibinalita sa aking tatay ang nangyari sa may kanto ng bakery. Narinig ng lola ko ang aking balita at nagsalita na, “kaya pala umaalulong si Peachy kagabi ( pangalan ng alaga naming aso ) kasi may mamamatay.”

Dahil doon tinanong ko ang tatay ko kung totoo ba na pag umalulong ang aso ay may mamamatay? Sabi ng tatay ko, totoo raw iyon. Dahil marami nang nagpatunay at  isa na nga itong pangyayaring naganap. Kasi narinig din ng tatay ko ang pag-alulong ng aso namin at ng ibang aso sa lugar namin. Sabi ng tatay ko pag nakarinig ka daw ng alulong ng aso, sawayin mo agad.

Lumipas ang araw ko na ang nasa isip ay ang alulong ng aso at sa hatid nitong pangyayari. Dumating ang gabi, kumain kami. Pagkatapos kumain pinatulog na kami agad nang maaga ng lola namin, sabi kasi ng lola ko mamayang alas dose impunto raw ng gabi, susunduin ni Kamatayan ang espiritu ng lalakeng pinatay sa aming lugar, tanda nito ang pag-alulong ng lahat ng aso sa lugar namin. Dahil hahabulin pa raw ni kamatayan ang espirirtu ng lalakeng ito dahil mahirap daw kalawitin ang mga ganitong espiritu na humihingi ng hustisya, kung baga ay lagalag o malikot ang mga ganitong espiritu.

Dahil doon, imbes na makatulog ako, lalo tuloy akong hindi nakatulog kasi gusto kong masaksihan ang sinasabi ng lola ko.  Habang nakatalukbong ng kumot at naghihintay ng alas dose ng gabi, nakikiramdam sa paligid kung magkakatotoo ba ang sinabi ng aking lola.   Pumalo na ang kamay ng orasan sa tamang oras na sinabi ng aking lola; mga ilang segundo lang ay nagtahulan ang lahat ng aso, at  yung aso naman namin ay parang nakakita ng isang malaking kaaway na parang nabahag ang buntot na umiingit.

Maya-maya pa ay umalulong na lahat ng aso sa aming lugar; mga 5 minuto ang tinagal ng alulong ng mga aso sa lugar namin. Nang tumigil na sa pagalulong ang mga aso, sabi ng lola ko, huwag na kayong magtalukbong ng kumot, tapos na; nasundo na ni Kamatayan ang dapat niyang sunduin….

Sa aking karanasan masasabi ko na may katotohanan nga ang alulong ng aso. Kasi maski ang lola ko ay nasabi niya ang tamang oras ng pag-alulong ng mga aso. May sixth sense nga kaya si Bantay? Siya ba ang malimit makakita sa tagasundo o isa siya sa mga alaga ng tagasundo?

Hindi naman kaya isa siya sa tagapagrating ng babala sa atin na parating na ang tagasundo at may mamamatay o may susunduin ang tagasundo na espiritung dumating na ang taning at mga espiritung gala???