Sino si Kat? Part 1
Ako si Kanor, bagong hire na janitor sa Wei Ling Elevator Company. Isa itong kumpanya na gumagawa ng elevator, pero dito ako ngayon naka assign sa building nila kung saan ginaganap ang mga transactions at mga reklamo sa mga elevator nila. Langyang building ito naturingang taga gawa ng elevator pero di gumagana ang mga elevator. Intsik nga pala ang may ari ng kumpanya. Pinapatay at hindi pinapagana ang elevator, nagtitipid sa kuryente at hagdan na lang daw ang gamitin. Kaya pala puro varicose ang mga hita ng mga babaeng empleyada dito.
Umaabot ng hating gabi ang duty ko halos lampas alas dose na ako kung umuwi. Wala ng tao sa gabi liban sa guwardiya sa baba. Ang huling madalas kong linisin ay 6th flr., ang huling palapag ng building. Doon nakaimbak ang mga sira sirang piyesa, mga cable wires at mga dokumento ng kumpanya. Sa floor ring iyon nakalagay ang nag iisang c.r na wala gaanong gumagamit liban na lang kung tanghali, dun lang halos ito nagagamit.
11:30 na ng gabi, patapos na ako sa paglilinis sa 6th floor, dumiretso na ako sa nag iisang c.r sa palapag na yon para linisin. Medyo iindap-indap na ang mga ilaw sa 6th floor. Papalapit na ako ng c.r ng makita ko may lumabas na tao sa loob ng c.r, tatawagin ko sana, pero biglang may tumawag sa pangalan ko.
”Kanor! Kanor! mauna na ako sa ‘yong umuwi.”
Aysus! Yung guwardiya lang pala, nagpapalaam na uuwi na dahil nandiyan na ang kapalitan niyang guwardiya na pang night shift. Pagbalik ng paningin ko sa dako ng c.r nang mawala na ang taong patakbong lumabas sa c.r. Kakagulat lang kasi 3 minutes lang nang lingunin ko ang guwardiya at ibalik ang paningin ko sa kinaroroonan ng c.r. Nagpasya na akong pumunta ng c.r para masimulan nang linisin ito dahil sobrang gabi na rin.
Nagsimula na akong linisin ang flooring ng c.r nang maymapansin ko ang nakasulat sa salamin. Pulang-pula at napakadiin ng pagkakasulat ng bawat letra ng nakasulat sa salamin. Malamang lipstick ang pinansulat dito.
Habang nakatingin at ibinubura ang nakasulat sa salamin, nagtanong ako sa isip ko.
“Sino si Kat? Lalake o Babae ba siya?”
Hindi ko alam pero bigla akong nagkaroon ng interest sa salitang nakasulat sa salamin. Sa wakas tapos na ako, isang gabi ang lumipas sa akin at isang gabi naging misteryoso dahil sa salitang nakasulat sa salamin.
Sino si kat?
Hanggang sa bahay ay ginugulo ako ng pag-iisip ko sa kung sino si Kat? Lumulutang ang isip ko hanggang sa pagtulog. Sino si kat? Sino si kat? Sino nga ba si Kat?
Hapon ang pasok ko sa Wei Ling. Sakto nandoon pa yung guwardiya na pang night shift. Puwede ko siyang tanungin tungkol sa kung sino si Kat?
“Kamusta Manong, matanong ko lang po, Sino si kat?”
Sa gulat hindi kaagad nakasagot ang guwardiyang matanda, ilang minuto bago siya nakapagsalita.
“Ah! Aba! Ewan ko sa ‘yo. Ewan ko kung sino si Kat!” pagalit na sagot ng guwardiya.
“Eh Manong kasi nakasulat kasi sa…..”
Hindi pa man ako natataposa sa sasabihin ko ay bigla na lang umalis ang guwardiya sakay ng pupugak-pugak niyang motorsiklo.
Hayst! Wala akong nagawa kundi ibitin sa utak ko ang salitang nakasulat sa salamin. Naiwan sa ere na walang sagot, na hanggang sa trabaho ko ay gumugulo sa akin isipan. Makapagtrabaho na nga lang at baka masipa pa ako ng dahil sa kakaisip kung Sino si kat?
©Copyright 2012, Filipino | Definitely Filipino™. All rights reserved. Copying of any article from this Definitely Filipino blog without permission, is strictly prohibited. DISCLAIMER: All articles are opinions of their respective authors and not necessarily of the site owner and Definitely Filipino.









Recent Comments